Chapter 20

44 10 0
                                    

"Ano namang sinabi niya? Kailan naman kayo pupunta sa bahay nila?” tanong ni Leizl.

Magkasama ang dalawang dalaga ngayon habang naglalakad sila pauwi. Kaina lang ay nakipagkita sila sa mga miners noong nakaraang facebook live nila. May kalayuan naman ang lugar ng meet-up, pero mas napili ni Laica na maglakad na lamang silang dalawa. Hindi naman tumanggi si Leizl noong ayain siya ng kaibigan na ilibre ng milk tea at fries. Dahil libre nga ito, pinatos na rin ni Leizl. Mas mahal pa ang biniling pagkain kaysa sa pamasahe lang dapat pauwi.

“Hindi niya nga sinasagot ang tanong ko. Sinasabi niya lang palagi na maganda ang dagat,” sagot ni Laica.

Nagsalubong ang dalawang kilang ni Leizl, bago pa man siya magsalita nilunok na muna nito ang sago na nasa bunga-nga niya.

“Sa dagat? Baka naman shokoy talaga 'yang si Marvin? Kaya siguro ganiyan ang mukha niya? Nako, friend. Nakakatakot na 'yan. Baka lunurin ka na n'yan bigla para gawing alay sa reyna nilang balyena.” Hindi mawari kung seryoso na nga ba si Leizl sa mga salitang binitawan niya.

Kumibit-balikat si Laica. “Mukhang hindi naman. Parang mahuhulas na bangkay ang mukha niya, kaya baka hindi 'yon pwede sa dagat.”

“Ayos ah. Mas masakit pa sinabi mo.” Halos magdikit naman na ang ngipin ni Liezl dahil sa kunat ng sago na nginangata niya ngayon. Sarap na sarap siya sa pagkain na ito, dahil iba pa rin ang linamnam ng isang pagkain kapag libre lang. Sabagay, kailan nga ba bumili ng pagkain na para sa kaniya ang babae na 'to? Umaasa lang siya sa bigay at kung bibili man siya para sa sarili, tipid na tipid dahil nga magastos ang jowa niya.

Hindi na nagsalita pang muli si Laica. Deretsyo lang ang tingin niya sa daan, habang naglalakad sila ng kaibigan. Kaunti lang ang mga sasakyan na dumaraan, maging ang mga tao ay hindi pa gano'n karami. Maaring ang ilan nasa bahay na nila o nasa trabaho pa. Hindi pa naman din oras upang umuwi ang mga trabahante.

Habang nagpapatuloy ang paglalakad na hindi alam kung payapa ba, dahil nga sa mga kuwento ni Leizl na mukhang galing lang din sa mga barbero.

“Alam mo ba na–“

“Si Joshua ba 'yon?” tanong ni Laica na nagpatigil sa kaniyang kaibigan na magsalita. Dahil na rin sa binanggit na pangalan nito, agad na napatingin si Leizl kung saan mang dereskston nakatuon ang atensyon ni Laica.

Hindi kalayuan ang lugar na kinalalagyan ng naturang lalaki. Nang matanaw ito ni Leizl, agad na nanlambot ang tuhod niya. Sa katunayan hindi naman ito ang unang beses n'yang nakita ang jowa niyang may kalampungan na iba.

Sa gilid ng isang gusali, natatanaw niya mismo ngayon na may kalandian si Joshua, ang sustentado niyang jowa. May kasama itong babae na kung manamit ay halos ipakita na ang lahat ng nais na ipakita. Mas malaki ang dede ng babaeng ito kumpara kay Leizl. Mas maganda ang bagong rebond nitong kulay mais na buhok, kumpara sa kaniya na walang pera pang-salon. Nakalingkis ang babae sa jowa niya at idinidikit pa ang malaki nitong dibdib.

“Punyeta!” sigaw ni Leizl. Dahil nga hindi naman sila gano'n kalayo, napukaw nila ang atensyon ng dalawa. Agad na napatingin ang binata sa kinatatayuan ng dalawang magkaibigan. Hindi naman nabakas kay Joshua ang pagkabigla o ang takot manlang na makita siya ni Leizl na may ibang babae. Mas maayos pa nga ang tagpo na ito, kaysa noong nakaraang buwan, na naabutan mismo ni Leizl na nasa kwarto ang jowa niya at ang babae nito.

Mabibigat ang bawat na hakbang ni Leizl palapit sa dalawa, habang ang kaibigan naman niya ay sumunod sa kaniya. Ilang beses na bang nakita ni Laica ang ganiotng tagpo? Ilang beses na nga ba n'yang nakita kung gaano kabaliw ang kaibigan niya sa lalaki na ito? Siguro hindi matatapos ang isang buwan na hindi nahuhuli ng higit apat na beses ni Leizel ang lalaking ito, na may ibang kalandian. Ngunit nagagawa pa rin niyang patawarin ito.

“Baby loves, sino 'yang babae na yan?!” asik ng dalaga, nagawa nga rin niyang iduro ang babae.

“Excuse me? Sino naman itong babaeng mukhang pulubi na 'to? Yaya mo?” May pag-iinarte sa boses ng babae. Nakalugay ang buhok niyang unat na unat, habang ang labi ay namumutok na sa sobrang kapal ng lipstick. Plakado rin ang kilay nitong parang mananaksak sa talim ang dulo.

“May pupuntahan pa tayo di ba? Tara na,” aya ni Joshua sa babae. Marahan na hinawakan nito ang baywang ng kasama niya at para bang hangin lang sa harapan niya si Leizl.

Bago pa man sila makalayo, pinigilan ng dalaga ang kaniyang nobyo. Si Laica naman ay nakatingin lang. Ganitong-ganito ang nakikita niya palagi. Ganito magmakaawa si Leizl sa nobyo niya na hanggang ngayon ay walang pakialam sa kaniya.

“Baby loves. Sino ba 'yang babe na 'yan? Ang sabi mo magbabago ka na? Please, parang awa mo na, dito ka na lang sa akin muna.” Hindi maawat ang dalaga kahit na tinataboy ng nobyo niya ang kamay niya.

“Tumigil ka na nga Leizl. Nakakahiya sa kasama ko. Bahala ka na d'yan. Ang desperada mo masyado,” saad ng binata na siya pa ang naglakas ng loob na magalit.

Wala nang nagawa pa si Leizl noong tuluyang umalis na ang jowa niya kasama ang babaeng kita ang kuyukot.

Mabigat ang puso ng dalaga. Mabigat ang damdamin na bitbit niya, na kahit ang mga mata niya ay hindi na kaya pang maglabas ng luha. Nakakamanhid na dapat ito, pero bakit parang mas lalo niyang ninanais na mahalin ang lalaking 'yon? Nagmakaawa na siya. Ilang beses na lumuhod para lang magbago na ang lalaki, ngunit sa huli, nauulit at nauulit lang din ang pangyayari. Parang walang bago. Nasasanay na lang ang sarili sa sakit na ilang beses na ring nadama.

Pinagmamasdan lamang ni Laica ang kaibigan niyang lumong-lumo. Hindi na maipinta ang mukha. Kung kanina, masigla pa ito sa mga pagkuk'weto niya, ngunit ngayon, parang walang kahit na anong salita na itong kaya pang ilabas. Bagsak ang balikat. Ang mga mata ay parang makulimlim na langit, ngunit ayaw pang bumagsak ng luha.

Kung may sakit na walang pakiramdam, mayroon namang damdamin na nasasanay na lang sa sakit.

“Hindi ko alam kung ilang beses ko nang sinabi ito. Bakit ba hindi mo pa siya hiwalayan?” Marahan na humakbang si Laica palapit sa kaibigan.

Ang walang buhay na pagkatao ni Leizl ay sumilay sa kaniyang kaibigan. Ang mga salitang binitawan ni Laica, ay ang mga salitang ilang beses naman na ring narinig ng dalaga.

“Mahal ko siya.”

Ito nga ba ang kalse ng pagmamahal? Ito nga rin ba ang klase ng sakit na nais ni Laica na maramdaman niya? Ang sakit at damdamin na iniiwasan ng lahat, siya namang pinapangarap niyang maranasan. Nakakatawa mang isipin, ngunit ito ang pangarap na nais ni Laica. Ang umiyak at magmakawa para sa pagmamahal at atensyon ng isang taong tinuturing ng puos niyang mahal.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now