Chapter 7

55 12 1
                                    

Lumilipas ang mga araw, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita ni Laica ang rider na nais niyang yumanig ng mundo niya. Mukhang hanggan ngayon ay labis pa rin na dinaramdam ng lalaki na 'yon kung ano ang nasabi niya. Hindi naman din mapuntahan ng dalaga ang branch kung saan nga ba nakadestino ang binata, lalo pa at ang kontrabida sa kanila na si Leizl ay hindi siya pinapayagan. Daig pa ngang nanay na naghihigpit sa anak ang kaibigan niya. Ang sabi pa sa kaniya nito, hahanapan na lang siya ng magiging lalaki niya. Dapat ay gwapo. Lalo pa at paulit-ulit na sinabi ng dalaga sa kaniya ang motto niya na;

"Hindi na baleng masaktan, basta gwapo ang nanakit."

Sa totoo lang wala naman talagang pakialam si Laica sa sasabihin ng kaniyang kaibigan. Ang alam lang niya, mas magiging maganda kung si Marvin ang tutupad ng mga nasa listahan.

"Ang tumal naman ng bentahan ng kojic. Wala na bang gusto magpaputi?" tanong Leizl, habang nakatingin ito sa kaniyang cellphone. Napakamot pa siya sa kaniyang ulo matapos na makita kung ilan lang ang nabenta niya sa loob ng isang buwan.

"Hindi naman din masyadong kailangan ng iba 'yan," sagot ni Laica.

"Paanong hindi? Kailangan ito para mabuhay. Kailangan nating maging maputi lahat. Maging makinis at maging mas maganda at gwapo. Alam ko na. Paano kaya kung bentahan ko nito 'yong rider? Kapag naging pogi na siya, saka kita ipapaubaya sa kaniya." Nais na rin pagkakitaan ng dalaga ang lalaking ilang beses na rin niyang nilait.

"Kanina lang sabi mo hindi na maaayos ang mukha no'n. Hindi na magiging uso ang glow up at kailangan na magparetoke nang malala?" pagpapaalala ng dalaga.

Abala ngayon si Laica sa kaniyang mga paninda. Kanina pa rin siya naghihintay sa rider na kukuha ng mga parcel. Nagkaroon kasi ng sale ang shop niya, kaya ngayon ay naging dagsa ang mga mamimili niya. Sadyang makapal lang ang mukha ng kaniyang kaibigan, na sa halip na tulungan siya, panay lang ang kuda. Panay ang sabi niya kay Laica na dapat ay gwapo na lang ang piliin, dahil kahit na anong gawin niya, hindi naman nakakaiyak kapag sinaktan ng lalaking mukhang lamok.

"Totoo naman talaga ang sinabi ko, hindi ka lang talaga naniniwala sa akin," bwelta ni Leizl. Ibinaba pa ng dalaga ang hawak niyang cellphone at umupo sa sahig kung saan naroon si Laica. "Kaya humanap ka ng gwapo at ibigin mong tunay," bulong nito.

"Mas may pakinabang sana kung aayusin mo ang parcel na 'yon, para naman hindi na tayo mahirapan kapag dumating na ang rider. Nasaan na ba 'yon? Malapit na ang cut-off."Matapos itong sabihin ng dalaga ay napatingin siya sa orasan. Pasado alas-kuwatro na, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin ang rider.

"Baka ayaw niya na puntahan ka. Hula ko si Marvin 'yan. Maniwala ka sa akin, ni minsan hindi dumaplis ang hinala ko."

"Bakit hindi mo nahulaan na niloloko ka ng jowa mo? Na binibigay niya sa babae niya ang sabon na binibenta mo?"

Sandaling katahimikan ang bumalot sa paligid matapos na sabihin ito ni Laica. Napauwang pa ang bibig ng kaniyang kaibigan.

"Grabeng real talk nito. Oo na. Minsan talaga pumapalya ako. Basta alam ko lang na si Marvin ulit 'yon," sagot nito.

"Hindi ka pumapalya. Hindi mo lang talaga tinatanggap. Ang sabi sa akin ng tita ko, nararamdaman naman daw ninyo iyon, pero kayo na lang ang bumabalewala dahil nga tanga kayo sa pag-ibig."

"Oo na. Palibhasa hindi mo alam. Grabe ka na sa akin, palagi na lang masasakit na salita ang sinasabi mo. Hindi ko na to kaya. Ayaw ko na!" Daig pang nasa isang audition si Leizl kung umakto ito.

"Okay lang, ilang beses ko naman din narinig sa 'yo na ayaw mo na, pero bumabalik ka pa rin sa kaniya." Walang kahit na anong emosyon na makikita sa mukha ng dalaga habang sinabi niya ito. Sa totoo lang ang mga salita na ito ay napakinggan niya lang sa palabas na pinapanood niya.

Balak pa sanang umapila ni Leizl, nang tumunog ang doorbell. Isang senyales na maaaring naro'n na ang rider. Nang mangyari ito, tumayo na rin si Laica, bitbit ang ilan sa mga parcel. Magaan lang naman ang mga ito, lalo pa at mga damit lang naman.

"Ilabas mo na lang 'yan, kung gusto mo man akong tulungan," utos ni Laica.

Labag man sa kalooban ni Leizl ang kaniyang gagawin, tinulungan pa rin niya ang kaibigan. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, kailangan niyang magbitbit ng parcel palabas ng bahay. Ito na rin naman ang magiging bayad niya sa kakapalan ng mukha niyang makikain sa bahay ng kaibigan at mag-request pa kung anong dapat na ulamin nila, at ayaw na ayaw kapag ang ulam ay mauulit kinabukasan. Ganito na siya, daig pa niyang may ambag sa loob ng bahay.

Naunang lumabas si Laica ng bahay, bitbit nito ang ilang parcel na natatakpan na rin ang kaniyang mukha.

"Kuya marami masyado 'to. Sandali lang, ilalabas pa ng kaibigan ko," saad ng dalaga. Ilang saglit pa ay tinulungan siya ng rider. Sa sandali na ito, bumungad sa harapan ni Laica ang lalaki na kanina lang ay pinag-uusapan nila. Hindi pa nakakapag salita si Laica matapos na dumating ang kaibigan niya.

"Andito ka na ulit. Pota! Angas ng pormahan natin ah? Saan ka ililibing?" biro ni Leizl na mukhang hindi naman din biro. Nakasuot kasi ngayon ng kulay puting polo ang binata at kulay itim na pantalon. Ang buhok din nito ay nakasuklay nang maayos. Mukhang kalalagay lang din ng pulbos sa mukha nitong hindi pa naging pantay. Naaamoy rin ang aroma ng pabago nito na mukhang kaka-spray lang.

"Ang tagal na hindi ikaw ang nangunguha ng parcel. Nagkaroon ka ba ng problema? Maayos ba ang kalagayan mo ngayon?" tanong ni Laica. Mukhang sa kapanonood niya ng mga palabas, natutunan na rin niya ang mga salita na alam niyang magbibigay nang tuwa sa mga lalake.

"Ang pogi mo rin lalo," dagdag ng dalaga. Dahil sa sinabi niya ay halos mabilaukan sa pagtawa si Leizl, ngunit hindi na lang niya ito pinahalata.

"Ano ka ba, mam. Araw-araw naman akong gumigising na lalong nagiging gwapo," puri ng binata sa kaniyang sarili. Kinagat pa nito ng kaniyang labi ay inayos ang porma ng kaniyang bigote.

"Ang sagwa talaga. Kunin ko na lang muna ibang parcel," sabat ni Leizl na kahit nais nang humalakhak ay pinigil pa rin niya.

"Ikaw, kumusta ka naman? Miss na miss mo na ba ako? Sorry ha? Ito lang ako, gwapo." Mukhang lumilitaw na rin ang pagiging makapal na mukha ng lalaking ito. Inihahayag na niya ang mukha niyang walang pinagbago noong panahon na nade-develop pa lang ang mga unggoy.

"Napag-isipan mo na ba ang sinabi ko sa 'yo?" tanong ni Laica. Ang tinutukoy niya rito ay ang panunuyo niya sa binata na saktan siya nito.

"Sorry talaga, pero hindi uso sa mga gwapo ng manakit ng damdamin."

"Ayaw mo talaga? Mukhang tama nga si Leizl. Kailangan ko na humanap ng iba. Sayang, patapos pa naman na ako sa listahan ko."

"Oy, teka lang. Pinag-iisipan ko pa. Ang bilis mo naman sumuko, paano mo ako maliligawan n'yan?" Pigil ng binata. Nawala rin ang ngiti niya kanina matapos na sabihin ito ni Laica. Sa katunayan ay hirap na rin si Marvin na ipaliwanag kung bakit nga ba bigla na lang din siyang naging ganito. Ang gusto niya lang naman noong una, sabihin kay Laica na kahit anong gawin nito, hindi siya papayag sa kagustuhan na maging jowa ang isang katulad niyang maganda.

"Ang ibig sabihin, papayag ka rin?"

Marahan na kumamot ang binata sa kaniyang ulo at parang isang bulati na pilit gumagawa ng magandang hulma.

"Depende. Natatakot lang ako. Kasi malala na ang sakit ko."

"May sakit ka?!" Halos tumalsik na ang lahat ng tulili nila matapos na sumigaw si Leizl. Hindi napansin ng dalawa ang dalaga kanina, lalo pa at silang dalawa lang din naman ang nag-uusap.

"Malala na ang sakit ko," sagot ng binata mula sa kaniyang mahinang boses. Dahil sa sinabi niya, nakaramdam nang lungkot sa puso si Leizl. Lalo pa sa mga nasabi niyang panlalait dito. Si Laica naman ay nakatingin lang kay Marvin. Walang kahit na anong awa ang mga mata. Para siyang isang yelo na nagkatawang tao.

"Anong sakit mo?" tanong ni Laica.

Nagbitaw nang malalim na paghinga ang binata at binitawan ang isang nakakagimbal na kasagutang siyang bumago sa pananaw ng lahat ng tao sa mundo. "Kagwapuhan. Sobrang lala nang pagiging pogi ko."  

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now