Chapter 24

35 9 0
                                    

"Ano ba naman 'tong ginagawa mo Marvin? Ang tanga mo naman masyado. Di ba sinabi na nga na bago mo ipabukas ang parcel, bayaran muna? Paano 'yan? Wala na akong magagawa rito, kailangan mong bayaran 'to,” saad ng manager.

Malamig ang buong silid, ngunit ang ulo nito ay nag-iinit na sa kung ano ba ang narinig niyang balita mula sa binata. Kung kanina maganda ang mood ng matandang babae na ito, ngayon na kung kailan uwian na, saka siya nakarinig ng ganitong klase ng usapan. Ang pagsigaw niya ay naririnig sa labas. Kaya hindi malabong marinig ito ni Laica, na nakaupo lang din malapit sa pinto.

“Ikakaltas ko 'to sa sahod mo, ha? May utang ka pa. Iyong nakaraan na CA mo hindi pa rin bayad,” saad ng manager. Napahilot pa ito sa kaniyang sintido dahil na rin sa kaniyang kunsumi sa binata.

“Puwede po ba na kahit kalahati muna? Kabuwanan na po kasi ng kapatid ko, kailangan ko ng pera kung sakali na magkaro'n ng emergency.” Malumanay lamang ang tanong na ito.

“Hindi. Lumabas ka na rito, mas lalo lang akong naggalit sa 'yo.”

Alam ng binata ang ugali ng babaeng ito. Hindi nito nais na may kumukulit sa kaniya, kaya kahit na ayaw ni Marvin, lumabas na lamang siya ng silid. Napahilamos pa siya ng kaniyang palad at hindi na alam kung ano pa nga ba dapat na gawin.

Sa kabila ng kawalan, may isang tagapagligtas na hindi naman din matatawag na super hero. Nang makalabas si Marvin ng silid, may isang kamay ang nag-abot sa kaniya ng pera. Noong una ay nagtaka pa siya kung sino ito, ngunit nang nag-angat siya ng tingin, bumungad sa kaniya ang nobya na kanina pa palang nakikinig sa usapan.

“Ibayad mo na muna 'to. Ako na lang ang kukuha ng gamit na 'yan,” saad ng dalaga. Mahina lamang ito, ngunit naging sapat naman upang marinig ng binata.

“Ah, hindi na kailangan. Malapit naman na ang sahod, kaya do'n na lang siguro kakaltasin. Tara uwi na tayo, baka hinahanap ka na ni mama,” aya ng binata. Mama at papa na rin ang tawag ni Marvin sa mga magulang ni Laica. Wala namang problema si Marvin sa pagtawag no'n. Ang may problema ay ang mga magulang ng dalaga. Baka kapag narinig ng kung sino man, isipin na nag-ampon sila.

“Kunin mo na. P'wede mo naman akong bayaran sa susunod. Bulag lang ako at walang taste, pero hindi naman ako bingi.” Pagpupumilit ng dalaga.

Bumaba ang tingin ng binata sa hawak na pera ni Laica. Nasa pagitan na siya ng pagkuha nito at pagtanggi. Hindi niya alam kung ano ba ang mas nananaig sa kan'ya. Nang mapansin ng dalaga na matagal na tinitigan ni Marvin ang kamay niya, siya na lang mismo ang nag-abot nito sa kamay ng nobyo.

“Bayaran mo na lang kapag nakaluwag ka na. Hindi naman ako nagmamadali.” Wala mang kahit na anong bahid ng ngiti ang maaaninag sa dalaga, alam ni Marvin na sa parte na ito, lumalabas pa rin ang pagiging matulungin ni Laica.

"Di ba ang magkarelasyon dapat nagtutulungan? Kaya tanggapin mo na 'yan."

“Salamat.” Halos may pamumula sa tainga ng binata dahil lang sa hiya na nararamdaman niya.

Tumango si Laica. “Hihintayin na lang kita sa labas.”

Hindi na rin nag-aksaya pa ng oras si Marvin. Ibinigay na niya kaagad ang halaga na kailangan ng manager nila. Matapos nito ay siya na lamang ang nagbitbit ng cellphone. Hindi niya tuloy alam kung ibibigay nga ba niya ito kay Laica o hindi. Mukha naman kasing sa estado ng buhay ng dalaga, hindi niya kailangan ng pipitsyugin na cellphone. Siguro ay puchu-puchu na jowa lang.

Nang makalabas si Marvin ng brach nila, naabutan niya si Laica na nakatayo lang sa tapat ng motor niya at mukhang may pinagmamasdan ito. Ngayon lang napansin ng binata na luma na pala ang ilang piyesa ng motor at naging kasing pangit na nya ito. Sabagay, may pagmamanahan nga ba ang gamit niya kung sa pangit lang din naman nagmula?

“Tara na, umuwi na tayo. Salamat pala sa pinautang mong pera, nakakhiya naman sa 'yo. Ako itong pogi tapos ako pa 'tong walang pera.” Napakamot sa likod ng tainga ang binata.

Marahan na lumingon si Laica. “Parehas kayo ng jowa ni Leizl, walang pera. Pero iyon kasi pogi talaga. Mukhang hindi totoo ang mga kasabihan mo na mga pogi palaging walang pera. Kahit ata mga pangit nauubusan din,” saad ni Laica. Hindi ito biro, dahil hindi naman uso sa kaniya ang salitang pagbibiro. Lahat naman nang lumalabas sa bibig niya ay dulot na rin ng pagiging totoo sa mga nakikita niya.

“Umuwi na nga lang tayo. Naks! Gandang pakinggan no? Umuwi na tayo sa bahay, pero kahit naman nasaan ako basta kasama kita masaya na ako. Sabi nga nila, masaya ka kapag kasama mo ang tahanan ng puso mo,” banat ni Marvin. Ipinapakita niya ang ngiti na akala mo ay hindi siya problemado.

“Tahanan mo ako? Ano naman kita? Bodega ba?” tanong ni Laica.

“Bodega talaga?” Mahinang gumalaw ang balikat ng binata dahil sa pagtawa niya.

“Hindi pa rin ba tayo pupunta sa bahay ninyo?” tanong ni Laica.

“Rides tayo bago umuwi. Maganda ang sunset banda ro'n. Tara na, isuot ko muna 'tong healmet sa 'yo. Para mas romantic tingnan. Alam mo na, basta rider, sweet lover.” Kumindat pa ang binata matapos niyang sabihin ito.

Hanggang sa mga oras na inulit ni Laica ang tanong kung makikilala na nga ba nito ang mga magulang ng binata, patuloy naman na iniiba ni Marvin ang usapan. Hindi pa para sa kaniya ang oras na ito, upang makilala ng dalaga ang pamilya niya.

Ngunit habang ginagawa ito ni Marvin, lalo naman ding nais na makita ng dalaga ang pamilya nito. May kung ano sa sarili ng dalaga na hindi niya magawang ipaliwanag. Isang pangyayari na alam niyang ngayon lang din naman naganap sa buhay niya.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now