Chapter 25

38 10 2
                                    

Bago pa man sumapit ang ika-lima ng hapon, nakaabang na ang magkaibigan sa labas ng pinapasukang trabaho ni Marvin. Nakatago sila sa isang gilid, na akala mo naman ay mga holdaper sila na may dapat na abangan.

“Hanep ka talaga eh no? Kung abangan mo 'yang jowa mo akala mo naman makikipagkita sa babae niya,” saad ni Leizl. Kanina pa rin siya ngumunguya ng binili nilang mais. Napasama lang talaga si Leizl sa kaibigan dahil sa libre na alok nito. Walang mas mahiwaga pa sa salita na 'yon.

“Aalamin lang natin kung saan siya nakatira,” ani Laica. Naningkit pa nga ang mga mata niya habang nakatingin at nagmamasid sa paligid. Baka kasi bigla silang mahuli ng binata.

“Di ko akalain na gagawin mo 'to. Daig mo pang stalker eh. Buti pa ako di ko 'to ginagawa para lang mahuli jowa ko.”

“Paano mo gagawin, kahit nasa harapan mo na ang panloloko niya hindi mo pa rin nakikita.” Walang naging pakialam ang dalaga kung masaktan man ang kaibigan sa sinabi niya.

Hindi na lamang umimik si Leizl, dahil pinapatuloy na lang niya ang pagkain. Nakikisabay na lang din siya sa kaibigan na hanapin kung nasaan nga ba ang binata o kung uwian na nga ba. Malapit na rin naman kasi ang tapos nang trabaho ni Marvin. Kaya ang dalawa ay mas lalong nilinawan ang paningin.

“Ayan na. Ayan na siya! Ayan na si tukmol!” sigaw ni Leizl. Mabuti na lang at may kalayuan sila at hindi naririnig ng binata ang sigaw na ito.

“Tumawag ka ng tricycle, para masundan natin siya,” utos ni Laica.

“Ah pota, ayos ah. Sa mga palabas taxi ang kinukuha nila. Shet! Ang exciting naman nito, para tayong nasa pelikula.” Mas malawak pa sa kalawakan ang bunganga ni Leizl habang sinasabi niya ito. Hindi na lang din umimik si Laica, dahil ang buo niyang atensyon ay nasa kaniyang nobyo.

Sa totoo lang ay hindi niya ito gagawin, kung pumapayag lang sana si Marvin na makilala niya ang pamilya nito. Ito na lang ang maaaring paraan upang malaman ng dalaga kung saan nga ba nakatira ang binata at kung ano ba ang iniiwasan nito.

“Ay, potangina! May diaper na dala oh. Diaper 'yan no? Shuta! Hindi naman sa pinag-o-overthink kita, pero baka kaya ayaw ni Marvin na makilala mo pamilya niya dahil may asawa na siya? Tapos 'yang diaper na dala niya para sa anak niya? Wag ka mag-overthink ha? Paano kaya kung gano'n nga?” tanong ni Leizl, habang umiiling ito.

“Nasaan na ang tricycle? Pasundan mo si Marvin,” utos muli ng dalaga. Matapos niyang sabihin ito ay siyang dating naman nang tinawag ng kaibigan niya kanina. Sa loob umupo si Laica, habang ang kaibigan naman niya ay sa likod ng driver.

“Kuya bilisan mo, sundan mo 'yang hinayupak na punyetang animal na pangit na 'yon. Bilisan mo kuya. Bilis! Kuya baka makalayo siya. Bilisan mo kuya!” Daig pang humuhuli ng asawa itong si Leizl. Mas nagiging agresibo pa siya sa dapat na inaasta ng kaniyang kaibigan.

“Bilisan mo kuya. Habulin mo 'yang lalaki na 'yan. Kuya ano pa bang hinihintay mo? Habulin—“

“Miss hinahabol na natin, masyado kang nagmamadali. Para kang tanga. Ikaw kaya magmaneho rito,” inis na saad ng driver na siya naman ding nagpatahimik sa dalaga

“Ay, sorry po. Nadala lang ako sa eksena, akala ko kasi nasa movie ako. Go kuya, sundan mo siya. For the win po, God bless po.” Marahan na tinatapik ng dalaga ang likod ni manong na mukhng katutuyo lang din ng pawis.

Dahil uwian na rin ng mga nagtatrabaho, sa oras na ito ay may kasikipan na ang kalsada. Mabuti na lang at mukhang marunong naman din si manong sa singitan, kaya nagagawa pa rin nilang makasunod kay Marvin.

Si Laica naman sa loob ng tricycle ay tahimik lamang. Hindi siya nagsasalita, dahil wala naman din siyang nais na sabihin. Blanko ang reaksyon habang ang tingin nito ay kay Marvin lamang. Mukhang sa kapanonood ni Laica ng mga palabas, nangyari na rin sa kaniya ang mala-pelikula na eksena. Para siyang mga bida sa palabas na nais na mahuli ang jowa niya kung may babae nga 'to. Low budget nga lang, wala silang pambayad sa taxi.

Suma-tutal ay inabot sila ng higit kalahating oras nang huminto ang motor ng binata sa isang eskinita. Papasok pa ito sa loob at mukhang hindi na kakasya pa ang tricycle papasok sa looban.

“Mga madam, hanggang dito lang ako. Isang motor lang kasya papasok sa loob,” saad ng driver.

Dahil wala na rin silang pagpipilian pa, nagbayad na lamang si Laica at agad na sumuong papasok sa eskinita na pinasukan ng jowa niya.

“Grabe naman kung magagawa pang manloko ni Marvin no? Parang ang layo naman sa mukha niya na kaya pa magloko. Ay, sabagay, sabi nga na ang mga pangit ngayon manloloko na. Kapal talaga ng mukha ng lalaking 'yon no? Paano 'yan? Wag ka masyadong mag-overthink na baka kabit ka, tapos makakasira ka ng pamilya dahil may anak na siya. Grabe talaga itong buhay mo, bakit naman kasi—“

Hindi na natapos ni Leizl ang pagsasalita niya nang iharang ni Laica ang daliri niya sa bibig ng kaibigan. Kanina pa walang tigil ang dalaga sa pagsasalita nito, at paulit-ulit lang din naman. Halo-halo na rin ang naririnig ni Laica, lalo na at mas nangingibabaw pa ang tining ng boses ni Leizl. Para itong isang parot na hindi na maintidihan ang pananalita.

Sa dulo ng eskinita ay may makikita pa ulit na isang compound, Halos hindi na makahinga ang mga bahay sa sobrang dikit-dikit. May mga bata rin na nagtatakbuhan sa labas. Mga nanay na mukhang lupon ni Marites. Mga kabataan na mukhang nilalamon na rin ng pag-ibig. Mga nakasampay na damit sa paligid; mga latak ng tubig sa lupa na mukhng nagiging putik na rin. Ito ang eksena na bumungad sa kanila. Pero walang naging pakialam si Laica sa paligid, hinanap lamang ng paningin niya si Marvin. Hindi naman din niya nakaligtaan ng pansin ito, hanggang sa huminto ang binata sa isang bahay. Maging ang pinto ng bahay na iyon, parang pinagpiyestahan na rin ng mga anay. Mula roon, may lumabas na isang babae at buntis ito.

“Oh my God!” Agad na napatakip sa bibig si Leizl matapos niyang sabihin ito. Si Laica naman ay wala pa ring kahit na anong reaksyon sa mukha nito.

“Nakamputa! Ang bata pa n'yang asawa niya. Tangina, nakita mo ba? May asawa siya tapos buntis pa. Kapal talaga ng mukha ng hayop na 'yan. Mukha na ngang bangkay, nagagawa pang mambabae? Kawawa naman ang asawa niya. Kung ako sa 'yo, Laica. Kung ako talaga sa 'yo, hihiwalayan ko na 'yan. Tama na pagiging tanga mo. May masisira kang pamilya, kahit pa sabihin mo na wala kang intensyon na mahalin talaga siya. Shutangina, oh. Tingnan mo mukhang manganganak na rin ang asawa niya. Tingnan mong maigi, oh. Tingan mo–"

“Oo nakikita ko. Parehas naman tayong may mata,” saad ni Laica. Ang buo niyang atensyon ay nasa kaniyang nobyo lamang.

Tunay nga kaya ang mga pangyayari na nakikita nila at ang binubuo ng mga utak nila? Ngunit sa kabila ng mga bagay na ito, iisa lamang ang napatunayan ni Laica. Na ang mga babae ay mas malupit pa sa mga detective kung mag-imbistiga.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now