Chapter 2

179 26 53
                                    

Kung kasipagan ang susi sa tagumpay, sino ang nagkandado? Ang mga tanong na hanggang ngayon ay hinahanap pa rin ni Marvin Depogi, ang sagot. Isang binata na mukhang hindi uso ang glow-up. Maaaring kailangan din niyang masaktan nang todo, para lang magkaroon ng bago sa kaniyang mukhang luma.

"Depogi, ikaw na ang mag-pickup ng parcels. Kailangan matapos mo lahat 'to ngayon, baka magreklamo na naman ang mga online shoppers," utos ni Vagito, ang feeling boss ng J&BC Express.

"Bakit sabi ni boss, ako ang magde-deliver ng mga parcel ngayon?" tanong nito habang marahan na inaayos ang kaniyang buhok, na tumatama na rin sa kaniyang mga mata. Kailan nga ba siya huling nagpagupit? Buhay pa kaya ang gumupit sa kaniya noon?

"Aangal ka pa? Ayan nga ang sinabi sa akin. Ito ang listahan. Tapusin mo 'yan ngayon lahat ha?" Hindi na nagawa pang magreklamo ni Marvin nang iabot sa kaniya ng kaniyang katrabaho ang papel. Dito nakasulat ang pangalan ng mga seller na pupuntahan niya ngayon.

Higit isang taon na rin si Marvin sa trabaho niya bilang isang rider sa J&BC Express. Ang company nila ay sister company ng Swapeeisang sikat na online shop.

Kung babasehan ang mukha ni Marvin, masasabing mabait ito at masipag. Well, dapat ay sa panloob na anyo palaging nakabase ang mga tao, upang umunlad ang mundo. Katamtaman ang tangkad, kayumanggi ang kulay ng balat, may bigote at ang ilong nito ay hindi maikakaila na Pilipino siya. Maganda ang mga mata nito, kaya minsan, mas maganda kung mata na lang ang ipapakita niya.

Nagsimula na muli ang trabaho. Isang dakilang empleyado si Marvin, kaya kahit na mas masama pa sa mukha niya ang kaniyang loob, ginawa pa rin niya ang utos. Una sa listahan niya ay si Laica Labio. Malapit lang din ang bahay ng dalaga sa branch na nakadestino si Marvin, kaya ito na lamang ang una niyang pinuntahan.

Ngayon, mararanasan ni Laica ang unahin, dahil madalas ay huli siyang pinupuntahan ng mga riders, upang kunin ang mga parcels. Sa tagal na ni Marvin sa trabaho, ilang beses na rin silang nagkita ni Laica, ang babaeng walang kahit na anong emosyon.

Nang mabasa ni Marvin ang pangalan ng dalaga, alam nitong hindi manlang siya ngingitian nito. Parang mas malamig pa sa yelo ang emosyon na nakikita niya kay Laica. Maging siya ay hindi kayang ipaliwanag kung bakit nga ba ganito si Laica, o baka naman sa kaniya lang? Dahil ba sa sobrang gwapo niya, hindi nais ng  dalaga na ma-fall? Hmm! Mukhang mas makapal pa sa kalyo ang mukha ni Marvin.

Maraming parcel na kukunin kay Laica ngayon. Marami rin ang kailangan niyang puntahan, kaya dapat na ring magmadali ng binata.

Ilang minuto lang din ay nakarating na rin s'ya sa bahay nina Laica. Nang itigil niya ang tricycle na dala niya, agad din itong bumaba at kumatok sa gate ng bahay ng dalaga. Nag-text na rin siya rito, kaya alam niyang palabas na rin ito.

"Bumaba ka nga! Kapag ikaw nahulog d'yan, baldog 'yang ulo mo. Basag bungo mo, kakalat utak mo sa semento!" saway ng binata sa mga makuklit na batang lumalambitin sa tricycle.

"Cedric, don't lambitin there!" Isang babae na nasa edad kinse ang sumaway sa isang bata.

"Taray, english pa si ate," saad nito sa sarili habang nakatingin sa mga ito.

Mukhang hindi pa nag-iinit ang paligid, pero ang mga chismosa ay may pinag-iinitan na ngayon. Maraming bata ang nagtatakbuhan. Mga kumare ni Marites na nakapameywang pa sa isang gilid, malapit sa tindahan. Isang senaryo na paulit-ulit na nakikita ni Marvin.

"Kuya, kaunti lang ito ha. Mas marami ang kukunin mo bukas." Dahil sa biglaang pagsasalita ng isang babae, halos mapatalon sa gulat ang binata. Nanlaki ang mga mata nito at agad na napalingon.

"Ilalagay ko na rito. Nasaan ang pipirmahan?" tanong ng dalaga. Hindi mawari ni Marvin, kung bakit hindi niya magawang magsalita sa mga oras na ito.

Matagal naman na niyang nakikita si Laica, pero bakit hanggang ngayon ay naninibago pa rin siya  rito. Inabot niya ang papel kay Laica ng hindi manlang nagsasalita.

"Salamat." Kahit pa pagpapasalamat, daig pang walang buhay ni Laica.

"S-salamat din." Napalunok pa ang binata upang pakalmahin ang kaniyang puso. Sinundan lamang ng mga mata nito ang dalaga, hanggang sa napansin niya ang biglaan nitong pagtigil at marahan na lumingon sa kaniya.

"M-may problema ba?" tanong nito, habang ang mga mata ay kay Laica nakatuon. Maging ang mga kamay niya ay nanginginig na rin, kaya minabuti na lang niyang itago ito sa kaniyang likuran.

"May jowa ka?" Deretsyong tanong ni Laica. Dahil sa isang simpleng tanong, hindi tuloy mawari ng binata kung ano ang dapat niyang maging reaksyon. Dapat nga ba niyang sagutin ang katanungan na ito?

"H-ha?" Narinig naman niya ang tanong, pero kailangan niyang magpanggap na bingi. Ganito raw kasi ang mga gwapo, bingi.

"Kapag wala kang jowa, ako na lang jowain mo."

Nalaglag ang panga ni Marvin sa sinabi ng dalaga. Sunod-sunod pa siyang napakurap habang nakatingin kay Laica. Pilit na inaabot ng kaniyang isipan kung ano ang ibig na sabihin ng dalaga.

"Bakit parang naninigas ka? Gawin mo akong jowa, tapos saktan mo ako." Dahil hindi na magawa ni Marvin na magsalita, si Laica na lamang muli ang nagsalita.

"Grabe ka naman ma'am. Prankster ka ba ma'am? May camera ba ngayon?" Halatang napipilitan lang si Marvin sa pagtawa nito. Lumingon pa siya sa paligid.

"Seryoso ako. Paibigin mo ako, tapos saktan mo ako." Walang kahit na anong emosyon ang makikita at madarama kay Laica, kaya alam ng binata na maaaring parte lang ito para dumami ang views ng video ni Laica. HIndi siya na-inform na vloggerist na pala ito. Gagamitin pa ang kagwapuhan niya. Takot pa naman ito sa camera, dahil baka mawalan na ng trabaho ang ilang gwapong artista at sa kaniya na ibigay ang lahat ng proyekto.

"Hindi ako nananakit ng babae. Magtatrabaho na muna ako ma'am." Pilit na inililihis ng binata ang sarili niya sa usapan na ito.

Pero bago pa man siya makasakay, agad siyang hinawakan sa kamay ni Laica. Dahil sa ginawa nito, daig pa nilang nasa isang teleserye. Habang humaangin ay tila bumabagal din ang paigid, pero si Marvin lang ang nag-iisip nito. Halata naman sa mga mata ni Laica na wala siyang pakialam. Ang nakakapagtaka lang, bakit kailangan itong sabihin sa kaniya ng dalaga.

"May Alexithymia ako. Tulungan mo akong makaramdam nang kilig, nang sakit, nang lungkot, nang takot. Warakin mo ako–I mean, warakin mo ang puso ko."

Kahit pa nais na intindihin ng binata ang mga sinasabi ni Laica, ayaw niyang magpadala sa ganito. Paanong ang isang babae na ganito kaganda ay aayain siyang maging jowa?

"Sorry talaga. Siguro humanap ka na lang ng iba? Maraming babaeng malulungkot kapag nag-jowa ako," saad ng binata at agad na inalis ang kamay ni Laica.

Napailing na lamang ang binata. Paanong ang isang babaeng walang emosyon na iyon ay aayain siyang maging jowa? Ganoon na lang ba talaga siya kagwapo? Masyado na itong nakakatakot.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon