Chapter 23

44 9 0
                                    

Nagpapatuloy ang trabaho ng lalaking bukod na pinagpala sa lahat. Marami  siyang parcel na kailangan mai-deliver sa mga oras na ito. Kung may mas mabilis pa sa faster, siguro ayon na ang nais na gawin ni Marvin, para lang matapos na ang trabaho niya.

Sa mga oras din kasi na ito ay si Laica lang ang laman ng utak niya. Magtatagal ang dalaga sa branch nila at alam niya na hindi maiiwasan ng mga katrabaho niya na kausapin ito. Mukhang masisira na kaagad ang porma niya sa mga gagawin ng mga katrabaho niya.

Mabilis na lumilipas ang oras at sa wakas ay tatlo na lang ang kailangan na ihatid ni Marvin. Mabuti na lamang ay sumagot na rin sa tawag niya ang isang customer.

“Ma'am delivery po. 5,842 pesos po,” saad ni Marvin. Maliit lang ang pouch na ito at presyo nito, mukhang gadget ang laman. Maaaring cellphone.

Tumambad lamang sa harapan ng binata ang iritadong mukha ng babae na mukhang nasa edad kuwartenta. Nakakunot ang noo nito, suot ang daster at mukhang init na init ngayon. Alam naman ng binata kung good mood ba o bad mood ang customer na padadalhan nila ng parcel.

Sa katunayan, mas maayos pa nga ang trabaho ng binata kapag mag-pickup lang siya ng parcel, kaysa ang mag-deliver nito. Mas madalas kasi na pinapabalik lang siya, minsan naman naaabutan pa niya na nag-aaway ang mga tao sa bahay kapag ay bagong delivery.

“Ang mahal naman n'yang order mo,” saad ng maritonong boses mula sa likod ng babae. Mula naman doon ay nakita ni Marvin ang hubad na lalaki habang suot nito ay isang kulay brown na maong short. Malaki ang pangangatawan ng lalaki, mukhang nasa hanay ito ng pulis o may katungkulan ito bilang militar. Mahahalata naman kasi ito sa tindig pa lamang.

“Bubuksan ko muna ito bago ko bayaran,” saad ng babae.

“Ay, hindi po p'wede ma'am. Kailangan po munang bayaran 'yan, kung sakali man po na may problmea p'wede niyo naman po kausapin ang seller for refund po,” kontra ng binata. Ito ang bagong utos sa kanila. Dahil sa oras na buksan ng customer ang parcel at ibinalik sa kanila, sila ang mag-aabono nito. Mas'yadong malaki ang babayaran ng binata, parang buong sahod na niya sa isang kinsenas ito.

“Ay, hindi puwede 'yon. Babayaran ko 'yan tapos mamaya sira pala? Mamaya peke 'yang binigay nila sa akin. Bubuksan ko 'yan bago ko bayaran.” Pagpupumilit ng babae.

“Sorry ma'am pero mapapagalitan po ako kapag binuksan niyo 'yan. Sa akin po ipapabayad 'yan. Maliit lang po ang sahod ko ma'am. Sana po maintindihan ninyong hindi po sakop ng trabaho namin ang mga ganiyan,” katwiran ng binata.

“Akin na nga 'yan! Tigas ng bungo mo, paputukin ko 'yan. Hindi mo ba ako kilala sa lugar na 'to? Tanginang 'to, pulis ako hindi ka marunong gumalang!”

Wala na ring nagawa pa ang binata matapos na hablutin ng lalaki ang hawak niyang parcel. Napakamot na lamang siya sa kaniyang ulo at hindi alam kung ano ang gagawin. Ito ang mahirap sa trabaho nila. Palagi na lang walang magagawa sa kung ano ang nais ng mga customer.

“Kapag sira ito hindi ko 'to babayaran. Tangina niyo, peperahan niyo lang ako,” saad ng babae. Masama rin ang tingin niya sa binata habang pinupunit ang pouch.

“Kung sakali man po ma'am, ang seller po ang kakausapin ninyo pagdating sa ganito.” Mahinahon lamang itong sinabi ng binata. Halos mahulog na rin ang puso niya sa kaba dahil sa mapagbantang tingin ng lalaki.

“Dapat alam ninyo ang trabaho niyo. Mga inutil kayo! Anong gusto ninyo, babayaran na lang namin basta sa inyo? Tapos kayo magkakapera kapag may problema? Ang daming naglipana na scammer,” saad ng lalaki. Mabibigat ang bawat na bitaw nito ng salita. Kaya wala na ring nagawa ang binata kundi ang manahimik na lang.

Nararamdaman ni Marvin ang pagtulo ng pawis sa noo niya sa mga oras na ito, lalo pa at nabuksan na ang parcel. Napalunok pa ang binata matapos na makitang cellphone ang laman nito.

“Bubuksan ko muna 'to, mamaya mali ang binigay sa akin,” saad ng babae.

“Ma'am puwede naman po na sa loob na lang ng bahay ninyo gawin 'yan, may ide-deliver pa po kasi ako. Malapit na po cut off namin,” saad ng binata. May pagpapakiusap din sa tono ng kaniyang boses.

“Trabaho ninyo ito di ba? Maghintay ka. Kapag ako nainis tangina bibigwasan ko 'yang mukha mo. Manghiram ka talaga ng mukha sa aso.” Dinuro-duro pa ng lalaki ang binata.

“Bakit blue ang dumating? Ang order ko kulay black,” saad ng babae. Matinging ang boses nito at ipinakita kay Marvin ang cellphone.

“Ma'am mukhang okay naman po, kulay lang ang nagkaiba. P'wede niyo naman po sabihin na lang sa seller? Hindi ko po sagot 'yan.”

“Tanginang hindi mo sagot? Bobo ka bang hinayupak ka?! Ang sinabi namin black na cellphone, tangina bakit blue ang dinala mo rito? Hindi ko babayaran 'yan. Isauli mo 'yan sa putanginang pinagkuhanan mo n'yan!” Idinukdok pa ng lalaki ang kahon sa dibdib ng binata. Muntikan pa nga itong mahulog, mabuti na lang at nasalo pa ni Marvin.

“Wala po akong pang-abono rito sir. Nabuksan na po kasi, hindi na po ito puwedeng ibalik. Siguro naman po hindi makakaapekto ang kulay?” Magalang naman ang tono ng pananalita ni Marvin, pero mukhang kahit na anong galang pa ang gawin niya, kung ang mga kausap niya mismo ay ayaw na makinig, wala pa rin siyang magagawa.

“Hindi 'yan ang kulay ng order ko. Bahala ka d'yan. Ibalik mo sa kung kanino 'yan. Hindi ko babayaran 'yan! Lumayas-layas ka rito, nagdidilim ang pangin ko. Baka basagin ko 'yang pangit mong mukha,” saad ng lalaki. Matapos niyang sabihin ito ay tanging malakas na pagsara ng pinto ang humarap sa binata.

“Tanginang buhay 'to. Anong ipapambayad ko rito? Hindi pa ata papalo ng 5k ang sahod ko.” Umiiling na saad ni Marvin.

Mabigat ang nararamdaman ng dibdib niya. Maging ang mga mata niya ay nais na ring maglabas ng luha. Dismayado. Dehado. Walang laban.

Bakit nga kaya may mga taong katulad ng customer niya ngayon? Mga tao na tila ba nais na sa kanila lamang sasang-ayon ang lahat ng kagustuhan nila? Alam ni Marvin na hindi lamang siya ang nakakaranas ng mga ganito, ngunit nais niya na sana ang mga tao na katulad niya, magkaroon pa ng lakas ng loob para magpatuloy sa trabahong nais na magampanan ng maayos.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon