Chapter 18

36 11 0
                                    

"Ikagagalit ba ng bangkay kung patay na patay ako sa 'yo?” tanong ni Marvin.

“Hindi naman ata sila magigilit kahit mas mukha ka pang bangkay sa kanila,” sagot ni Laica. Dahil sa sinabi niya, agad na nawala ang ngiti sa labi ng binata. Nahalata ang pagiging dismayado niya dahil ang banat na nabasa niya sa facebook ay nabara pa ng babaeng pinagsabihan niya nito. Hindi na nga talaga uubra ang mga naipon ni Marvin sa babaeng wala naman ding pakialam sa ganitong usapan.

Umiihip ang malamig na hangin, habang ang kapaligiran ay hindi masasabing payapa. Nasa parke sila ngayon kung saan ang ilang mga bata na hindi masaway ng mga magulang ay nagkalat sa tabi. May mga katulad naman din nila na nagdi-date ngayon.

Ito ang unang date nila na silang dalawa lamang ang magkasama. Mabuti nga at nasuhulan ni Marvin si Leizl na huwag na lang din sumama, dahil baka mas mapurnada pa ang porma niya dahil sa babae na iyon. Dahil dakilang mukhang pera naman ang dalaga, kinuha niya ang suhol sa kaniya ng binata.

Ito ang isa sa mga nakasulat na ibinigay ni Laica sa binata. Ang nais ni Laica ay maranasan ang magkaroon ng park date. Nakikita niya kasi sa mga labas sa tv,  nagpupunta rito ang mga bida. Gumagawa ng magagandang eksena at iyon ang tingin niyang magiging magandang paraan, upang makita niya kung magkakaroon nga ba ng epekto sa kaniya ang ganito, kasama ang kaniyang gwapong-gwapo sa sariling nobyo.

Maaliwalas ang kalangitan, at ang araw ay hindi naman din gaanong mainit sa katawan. Ang mga halaman at dahon ay nakikisayaw sa mga hangin na dumarampi naman din sa kanilang mga balat.

“Gusto mo bang kumain ng ice cream?” tanong ni Marvin, hindi na kasi nito alam kung paano pa nga ba sila mag-uusap ng dalaga. Tablado na rin ang hiya at pagkailang. Napapansin na nga rin ang panginginig ng kamay ng binata, ngunit ayaw naman din niyang ipahalata ito mas'yado.

“Ikaw na lang ang bahala. Kung tingin mo puwede naman,” sagot ng dalaga.

Kaya pala hindi tumatalab ang init ng araw. Mas malamig pa kasi sa yelo ang pakikitungo ni Laica.

“Okay lang ba 'yon? Curious lang din ako kung may panlasa ka ba? Di ba part naman 'yon ng damdamin?” Ito na ata ang pinakatangang naitanong ni Marvin sa buong buhay niya.

“Mero'n naman akong panlasa, pero ang sabi ni Leizl wala akong taste dahil pinatulan kita.” Parang isang bomba na sumabog sa harapan ng binata ng mga salita na ito.

Napakamot si Marvin sa likod ng kaniyang tainga. “Dapat may pick-up line ako, pero naunahan mo akong barahin. Wag na nga lang,” saad nito.

Mas mahirap pa pala ang magpakilig kaysa ang angkinin na kamahal-mahal si Marvin. Paano niya nga ba magagamit ang mga salita na tiyak ay magbibigay ng tuwa sa puso ni Laica, kung mas nauunahan siya nitong barahin.

Dahil wala na ring maisip si Marvin ng banat na nakaw niya lang naman sa facebook, naglakad na lang silang dalawa patungo sa mamang surbetero. May tatlong bata pa na naunang bumili, matapos nito ay silang dalawa na rin ang humarap kay manong.

“Anong flavor ganda?” tanong ni manong habang ang ngiti niya ay parang mas matamis pa sa tinitinda niya.

Dumungaw ang dalaga at nagtitingin kung ano ba ang dapat niyang piliin. “Mayro'n ba kayong ice cream flavor na katulad ng kasama ko?” tanong nito.

Nang sabihin ito ng Laica, agad naman na napatingin ang surbetero sa kasama niya. Ang binata naman ay ipinakit ang ngiti niyang abot-langit. Ang puti niyang ngipin ay tila ba kumikinang dahil sa tama ng araw.

Kumunot ang noo ng surbetero at muling ibinaling ang tingin sa dalaga na walang kahit na anong reaksyon sa mukha. “Sigurado po kayo na gusto ninyo ng ice cream flavor na katulad nito?” Hindi makapaniwala ang lalaki sa tanong niya at marahan na inangat ang kamay, upang ituro si Marvin. Ang ngiti naman sa labi ng binata kanina ay unti-unting naglaho na parang surbetes na naiwan sa initan.

Tumango lamang si Laica bilang senyales ng kaniyang pagsang-ayon.

“Sorry ganda, pero wala akong binibentang pangit na ice cream. Dirty ice cream tawag dito, pero mas mukhang yuck ang kasama mo.”

“Grabe ka naman magsalita manong. Ang ibig niyang sabihin na parang ako, sweet at masarap,” apila ng binata. Napahawak pa siya sa kaniyang dibdib dahil sa mga narinig niya.

“Ah. Hindi naman kasi nilinaw. Ito na lang chocolate, para kakulay mo.” Matapos na sabihin ito ng surbetero ay sinimulan na niyang bigyan ang dalawa ng ice cream. Si Laica naman ay napatingin na lamang kay Marvin.

“Aringking-king ko, humaharang ang buhok mo sa mukha mo,” saad ng dalaga. Pagkasabi niya nito ay siya na mismo ang naghawi ng buhok, upang makita niya ng mas maaliwalas ang mukha ng jowa niya. Mabuti na lang talaga at si Laica ito, marunong magtiis sa pangit na tanawin.

“Sweet chocolate para sa inyo ganda.” Naagaw lamang ang atensyon nang magsalita ang surbetero. Sa totoo lang agad niyang pinutol ang eksena, hindi niya lang maatim na makita ang ganito.

“Jowa mo siya ganda?” tanong nito. Nababakas naman na hindi siya naniniwala sa pagtango na sagot ng dalaga. Hindi nga lang dalawang beses niyang kinusot ang mga mata para lang malinawan sa kung ano ang nasa kaniyang harapan.

“Ganiyan din ang reaksyon ng marami. Kahit na nakapikit ka pa manong, malalaman mo talaga kung gaano ako kagwapo.” Mataas pa rin ang tingin ng binata sa kaniyang sarili. Itinaas-baba rin nito ang kaniyang makapal na kilay.

Muling ibinaling ng surbetero ang kaniyang tingin kay Laica na walang reaksyon. Blanko lamang ang makikita sa mga mata nito, na para siyang isang robot na binitbit lang ng binata sa lugar na ito.

“Siguro malungkol ang buhay mo kaya mo 'yan pinatulan no? Para naman maranasan mo maging masaya? Titingin ka pa lang kasi sa mukha niya nakakatawa na.” Mahinang umalog ang balikat ng surbetero matapos niya itong sabihin. Ang ilan naman sa gilid ay natawa na rin. Hindi nila napansin na may iba pa palang nag-aabang na bumili ng sorbetes.

Saglit na ibinaling ni Laica ang tingin kay Marvin na mukhang ngayon ay nawala na ang kaniyang kumpyansa sa sarili.

“Hindi. Siya ang pinili ko dahil... dahil karapat-dapat naman siyang piliin.”

Sa unang pagkakataon, sa buong buhay ni Marvin. Ang mga salitang matagal na niyang nais na marinig ay nanggaling mismo sa babaeng tila mas malaming pa sa yelo ang pakikitungo. Bakit ganito ang nararamdaman ng binata? Bakit niya nararamdaman ang mas paglalim ng totoong damdamin? Alam niya na hindi na lamang din parte ng usapan nila ni Laica, alam niya na nagiging makatotohanan na ito. Magagawa pa nga ba niyang panindigan ito kung alam niyang siya lang naman ang mahihirapan sa huli?

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now