Chapter 32

24 8 0
                                    

Pasado alas-otso na ng gabi nang makauwi silang tatlo mula sa galaan na hindi naman naging maganda ang katapusan. Sinamahan na muna ni Marvin ang dalawang dalaga pabalik sa bahay nila, habang si Leizl na kaninang madaldal ay parang naputulan na ng dila dahil sa pagiging tahimik nito.

“Magtitimpla na muna ako ng kape,” saad ni Laica. Hindi na rin niya hinintay pa na magsalita ang mga kasama niya bago siya nagtungo sa kusina.

Isa na rin ata ang araw na ito sa mga bagong bagay para kay Laica. Noon, wala siyang pakialam sa kaibigan niya, dahil nga hindi naman niya nararamdaman kung ano ang nangyayari dito. Pero kanina, may kaunting kirot sa puso niya. Saglit lang iyon katulad noong mabilis na kalabog sa dibdib niya, nang makita si Marvin.

Hindi na maipaliwanag ni Laica ang mga nangyayari, kailangan na niyang magpa-check up upang malaman kung nakakatulong nga ba ang ginagawa nila ni Marvin. Kung tunay man na nakakaramdam na siya, sapat na ba ang panahon upang mas lalo niyang maramdaman ang tunay na sakit?

Mula naman sa salas, naroon ang dalawa na walang imik. Pasulyap lang si Marvin na nakatingin sa mukha ni Leizl, hindi niya alam kung dapat na ba siyang magsalita o hahayaan na lang niya itong nakasimangot. Pero hindi na niya matiis, nasusura na siya sa pagmumukha nitong parang tumbong na hindi makalabas ang ebak.

“Ang pangit mo pala kapag umiiyak,” biro ng binata. Sinubukan niya lang ito para malihis ang atensyon ni Leizl. Hindi nga siya nagkamali, inilihis ng dalaga ang ulo niya at nanlilisik ang mga mata. Nagmumukha siyang aswang, lalo na at hulas na ang eyeliner niya na kumakalat ang iilang itim sa mga mata. Ang buhok niya rin ay nawala na sa tamang ayos.

“Ikaw nga hindi pa umiiyak ang pangit na, paano pa kaya kapag umiyak ka?” bira ni Leizl. Nagkatinginan lang ang dalawa, na hindi nagtagal ng segundo ay natawa rin.

“Ang pangit na nga ng sitwasyon kanina, mas pangit pa pala ang kausap ko,” ani Leizl na may mahinang pag-iling. Inihiamos ng dalaga ang kamay niya sa kaniyang mukha pataas sa buhok at inayos ito patalikod.

“Bakit ba ang malas ko sa love life?” Mahina lamang ang boses ng dalaga.

“Hindi ka naman siguro malas, wala ka lang tinitira para sa sarili mo.”

“Ano bang alam mo sa self-love na ‘yan? Sa bagay, mukhang sanay ka ngang mahalin lang ang sarili mo.”

“Pero seryoso, anong nangyari?” Hindi na mapigilan ni Marvin ang magtanong. Mukhang ito na ang tamang pagkakataon.

“Wala eh, mahal ko. Saka ang pogi niya kasi, kaya kahit masaktan ako ayos lang. Wala, e. Gusto kong mahalin ako, kaya kahit ubos na ako nagpapasobra pa ako sa pagbigay.” Ang mga salita na ito ay narinig din ni Laica, nasa tapat lamang siya ng pinto ng kusina.

“Wala namang masama sa pagmamahal, ang masama lang sinobra mo na ang bigay na walang natira para sa sarili mo.” Parang nakakatandang kapatid kung magpayo ang binata.

“Akala mo talaga e no? Narinig ko na ‘yang magtira ka para sa sarili mo at ‘wag mong ibigay lahat. Naku! Kahit ang nag-imbento nang kasabihan na ‘yan, paniguradong wala ring natira sa sarili niya noong nagmahal siya. Kapag ba nagmahal ka masasabi mong may matitira pa para sa sarili mo? E para ka na ngang nagiging alipin ng pagmamahal, madali lang sabihin na huwag ibigay lahat, pero kapag naramdaman mo na, alam mo naman na iibigay mo na talaga lahat.” Masyadong malalim ang pinanghuhugutang salita ni Leizl, sa katunayan ay natamaan naman si Marvin. Tunay naman talaga na ang pag-ibig, ibinibigay ng buo at hindi na maiisipan pa na magtira para sa sarili. Kahit ilang beses pa itong sabihin.

“Anong gusto mo? Hanggang ganyan ka na lang? Maghahabol? Magmamakaawa para sa isang tao na binabasura ka? Galit ako sa ‘yo, ikaw ang latak sa malinis kong buhay kasama ang Aringking-king ko, pero ayaw ko naman na magmukha kang tanga palagi, kaya pinapayuhan kita.”

“Talaga ba Marvin? Edi two joints!”

“Hindi ako nagbibiro kahit na nakakatawa palagi ang mukha ko. Mahal ka ng taog mahal ko, kaya kahit nakakasuka, kailangan kitang mahalin bilang isang kaibigan. Kaya sana, piliin mo naman ang sarili mo. Huwag puro pogi ang hanapin mo, ika nga sa makalumang kasabian, humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay. Dahil pangit man kami sa inyong paningin, pangit talaga.”

Dahil na rin sa binitawang pagbibiro ng binata, nabakas ang pagtawa sa mukha ni Leizl na ilang sandali ay napawi nang mabigat niyang paghinga. Marahan na bumaba ang tingin niya sa sahig.

“Tama nga kayo. Hindi ko alam kung kailan ba ako matatauhan, sana may malakas na sampal akong matamo na yayanig din nang mundo ko—”

Mabilis na dumarating ang kahilingan, kaya dapat ay nag-iingat sa mga hiling. Isang nakakayanig na sampal ang bumalandra sa pisngi ng dalaga. Mukhang kahit na may hangover ang puso niya sa sakit nang pangyayari, nawala ito dulot nang pagdampi ng makikinis na palad ng kaibigan niya.

“Bakit mo ako sinampal?”

“Ang sabi mo sampalin ka? Ito uminom ka ng kape, para sa puso mong nasaktan ng jowa mong walang pake.” 

“Solid!” Walang pagsidlan na tuwa ni Marvin.

“Isa ka pa, umalis ka na at gabi na. Baka hinahanap ka na rin ng mga magulang mo,” ani Laica.

“Wala ba akong kape? Dahil kasama ko ngayon ang Laica na aking bebe?” Marahan at sunod-sunod pa ang pagkurap ng mga mata na hindi mapagkakatiwalaan.

“Grabe talaga. Paano mo nagawa sa akin ‘yon?” Hindi pa rin makapaniwala ang dalaga sa mga nangyayari.

“Para nga magising ka. Ngayon gising ka na ba?” Si Marvin na ang nagsalita.

Hindi na nagawa pang magsalita ni Leizl, isang kibit-balikat lamang ang naging tugon niya.

Habang ang dalawang mortal na magkaaway ay nakaupo sa sofa at iniimon ang kape na magpapagising sa mga diwa at imahinasyon nila, si Laica naman ay nakatayo lang sa harapan nila na walang ibang emosyon na makikita sa mukha, ngunit ang kakaibang damdamin ay para bang nabubuhay. Para siyang isang patay na muling tumibok ang puso.

“Ang sarap mo pala magtimpla ng kape,” puri ng kaniyang nobyo. Hindi ito ang unang beses na nakarinig si Laica nang pagpuri sa kaniyang tinimplang kape, ngunit ito ang kauna-unahang beses na may maipis na kurba ng labi ang sumilay. Hindi ito pilit, kusang gumalaw ang labi niya para lamang sa tipid na ngiti na siyang nasilayan ng kaibigan niya. Sa puntong ito, halos mabali ang leeg ni Leizl na napalingon kay Marvin at ang mga mata niya ay halos mahulog na sa sahig.

Alam na ni Laica ang ibig na sabihin nito, ramdam na ng kaibigan niya ang pagbabago sa kaniyang sarili at dulot ito ng isang lalaki na hindi nila inaasahang makakagawa ng isang himala.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now