Chapter 21

42 11 0
                                    

“Alam mo sa dami ng talento sa mundo talagang katangahan pa ang pinili mo?” Ito ang mga katagang kanina pa rin sinasabi ni Laica sa kaibigan niyang baliw na baliw sa lalaking nagsisimula sa letter J. Sa dami naman din ng letter sa alphabet, bakit nga ba natataon na sa letter J mas maraming mapanakit?

“Mahal na mahal ko siya. Hindi ko na kaya pang mabuhay kung wala siya sa piling ko. Si Joshua lang ang baby loves ko.”

Kahit ata ilang libong salita pa ang bitawan ni Laica, iisa lang ang sagot ng kaibigan niya. Mahal nito ang lalaking iyon. Ano pa nga ba ang magagawa ng dalaaga kung hindi pa rin magawa ni Leizl na iwan ang lalaking pera lang naman ang habol sa kaniya?

“Gusto mo na mamatay?” Tila ba pagsisigurado ni Laica sa kaibigan. Bumaba pa ang tingin niya kay Leizl na kanina pa rin nasa sahig.

Tanging tango lamang ang isinagot ni Leizl. Habang nasa sahig siya, nakapalupot ang mga braso niya sa unan na kapapalit lang ng punda, pero mukhang binasa na kaagad ng mga luha niyang sinasayang sa lalaking walang kuwenta.

“Sakto at may 50% sale sa St. Pedro. Avail na ba natin? May free biscuit daw ro'n,” saad ni Laica.

Agad na napabalikwas nang tayo si Leizl. Ang mga namumugto niyang mga mata ay nakatingin sa kaibigan niyang hindi alam ang salitang pagbibiro. Kaya alam ng dalaga na seseryosohin talaga ni Laica ang sinabi nito sa kanya.

Bago magsalita ay inayo ni Leizl ang buhok na humaharang sa maganda niyang mukha. “Seryoso ka na talaga no? Hindi mo manlang ba ako dadamayan? Nasasaktan ako, oh. Ang sakit-sakit nito. It gives me... it's give me the ano. Ano ba 'yan! Bakit sa mga palabas ang galing mag-English ng mga nasasaktan. Tanginang ang bobo ko talagaaaa.” Muling ibinalik ng dalaga ang pagsubsob ng mukha niya sa unan.

Kung kanina ay si Joshua lang ang iniiyakan ni Leizl, ngayon naman ay ang kabobohan na niya.

“Kahit na anong iyak mo, kapag bobo ka bobo ka na talaga. At kahit na anong hinagpis mo, kapag lolokohin ka lolokohin ka talaga,” saad ni Laica. Mga linya na nanakaw niya lang sa isang post. Ngayon na pala magagamit ng dalaga ang mga salita na 'yon, kahit na hindi naman din niya alam kung para saan ba 'yon. Kung makakasakit ba o hindi. Kasi wala naman siyang pakialam at hindi niya rin dama.

“Gan'yang kaibigan ka ba? Umiiyak na ako sa harapan mo, wala ka pa ring pinapakitang awa,” saad ni Leizl. Hindi pa ito mas'yadong malinaw magsalita, dulot nga ng pagkakasubsob ng mukha niya sa unan. Mabuti na lang at mas malinaw pa sa tubig ng Nawasa ang pandinig ni Laica.

“Anong gusto mong gawin ko? Umiyak ako? Huhu nakakaiyak. Nasasaktan ako kasi nasasaktan ka. Huhuhu.”

Binabanggit ni Laica ang tunog nang pag-iyak, pero wala naman ding nakikitang kahit na anong reaksyon sa mukha nito.

“Mas lalong nakakainsulto.” Muling umangat ng tingin si Leizl. “Nakakainis talaga. Siguro tama na ang kalokohan ko sa kaniya. Simula ngayong araw na 'to. Tandaan mo 'to Laica. Simula ngayon ay hindi ko na siya mahal. Kahit na tumawag pa siya sa akin o kahit na ano pang gawin niya, hindi ko na siya kakausapin. Siguro nga tama na munang mahalin ko ang sarili ko. Huwag na akong umasa sa kaniya. Hindi ako magiging marupok.” Habang sinasabi ito ng dalaga, iwinawagayway pa niya sa hangin ang kamay niya. Ang kaibigan niya naman ay nakatingin lang sa kaniya, at walang kahit na anong emosyon na makita.

“Masyadong mapanghusga ang tingin mo. Alam mo bang totoo ang mga sinasabi ko? Ang sarap pa lang maging single no? Mamahalin ko na lang muna ang sarili ko. Pipiliin ko naman ang sarili ko. Kailangan ko ng peace of mind at 10 milyon.”

Hindi na umimik si Laica. Hindi naman siya madalas na magsalita. Sa kanilang dalawa, si Leizl talaga ang hindi nauubusan ng salita. Parang ayaw n'yang mapanisan ng laway. Isang misteryo talaga kung paano ba sila naging magkaibigan. Ang isang babaeng walang pakiramdam, walang emosyon at walang pakialam sa mundo ay naging kaibigan ang isang babaeng pogi hunter, mahilig sa mga lalaking may letter J ang pangalan, madaldal at higit sa lahat ay marupok. Halatang ibang landas ang tinatahak nilang dalawa, pero nagiging magkasalubong pa.

“Maniwala ka sa mga sinasabi ko. Itagal mo ito sa buhangin ng Manila Bay. Hindi na ako magpapaut—“

Sabay pa ang dalawang dalaga na napatingin sa cellphone ni Leizl matapos na tumunog ito. Nakapatong ito sa kama at nasa paanan ni Laica.

“Ang baby love ko 'yan.” Mas mabilis pa sa alas-kuwarto kung kuhanin ito ni Leizl. Parang isang kurap lang ang pagitan noong mahawakan niya ang cellphone niya.

“Hello, baby love ko?” Parang isang bata na nang-uuto ito, habang kausap ang lalaki sa kabilang linya.

“Okay lang po 'yon. Kumain ka na ba? Wag kang papagutom baby loves ko ah? Mahal na mahal kita. Kailangan mo ng pera? Sige, papadala ko sa Gcash mo ngayon na. Kumain ka ha? Sige po baby loves ko. Eylebye pe. Ehe!”

Kung may natitira pang jejemon ngayon, si Leizl talaga ang pinaka-master. Kung magalit siya sa pagiging cringe ni Marvin, mas malala pa pala ang sa kaniya. Para siyang isang bulati na naasinan habang kausap niya ang lalaking harap-harapan naman din siyang niloloko.

Nang matapos niyang sabihin na padadalhan niya ang lalaking 'yon ng malaking halaga para sa sustento nito, agad na pinatay ang tawag.

“Ang akala ko ba self-love?” taong ni Laica.

“Oo nga. Self-love habang minamahal din siya.”

Umiling si Laica. “Kailan mo kaya ulit iisipin na gusto mo na mamatay? Sana may 50% sale pa sa St. Pedro, para may libreng biscuit.”

Mukhang hindi uso kay Leizl ang salitang ayaw. Mukhang mas naaangasan pa rin ng karupukan niya ang sinasabi niyang self-love. Baliw na baliw na sa isang klase ng pag-ibig na mukhang hindi gusto ang gulay. Hindi kasi healthy.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now