Chapter 8

53 11 0
                                    

"Kuya, bakit ka nakangiti kahit naghuhugas ka ng plato?" tanong ng nakababatang kapatid ni Marvin na si Mara.

Parang hibang na naglalakbay sa kalawakan si Marvin na tumingin sa kaniyang kapatid. "Wala naman. Hindi ba pwede na maging masaya habang naghuhugas ng plato?"

Kapansin-pansin na ang gawain na ito ni Marvin. Paano ba naman, kahit na ang mga plato na malilinis na, ay hinuhugasan pa rin niya. Matapos niyang magsaing ay agad niya ring sinangag ito. Maging ang mga damit na galing sa sampayan ay nilabhan niya ulit. Hindi naman ito ganito noon, kaya iniisip ng pamilya niyang maaaring naengkanto na ito.

"Iyan na nga ba ang sinasbai ko sa inyo. Bakit kasi kayo nagtatapon ng mainit na tubig sa labas? Naengkanto na itong kapatid niyo," saad ng nanay ni Marvin. Umiiling din ito habang nakatingin sa kaniyang anak. Mababakas ang awa sa kaniyang mga mata, dahil sa sinasapit ng kaniyang anak. Kanina pa rin niya itong pinipigilan na magtrabaho, lalo pa at rest day niya. Pero ang binata na mismo ang nagpi-prisinta na gumawa ng gawaing-bahay.

"Ipatawas mo na lang kaya siya, nay. Baka mapaano pa 'yan si kuya. Baka pati bubong natin ayusin na niya," suhestyon ni Mayleen.

Ngunit kahit na harap-harapan pa na pag-usapan ang binata, tila ba wala na rin ito sa kaniyang sariling kaisipan. Hindi na alam kung anong nangyayari sa paligid. Ang alam lang niya, nakausap niya sa chat si Laica. Simula pa noong isang araw ay halos abutin na sila ng madaling araw sa usapan nilang dalawa. Mukhang bumibigay na rin ang marupok na puso ng binata. Noong una, panay pa siyang tanggi sa kung anong nais ni Laica, hanggang sa siya na rin pala mismo ang tuluyang bibigay.

"Nay, may pera pa ako d'yan, bili muna kayo ng miryenda niyo," saad ng binata. Matapos niya itong sabihin ay agad na rin siyang nagtungo sa kaniyang kwarto.

Wala siyang pasok ngayon. Kaya mukhang hanggang sa matapos ang sumpa nang sinisisi nilang engkanto, magiging ganito kahibang si Marvin.

Matapos niyang makapasok sa kwarto, agad niyang binuksan ang kaniyang cellphone. Binalewala ang ibang chat, mas nagtuon siya kay Laica, na mukhang katatapos lang din sa ginagawa nito. Balak pa lamang sana niyang mag-reply sa chat ng dalaga nang tumawag na kaagad ito sa kaniya. Dahil sa biglaan, agad na hinagod ng binata ang kaniyang buhok at sinagot ito.

"Laica, sumagot na si Deputa! Ah si ano... Marvin!" Rinig niyang sigaw ng babae na nasa harapan ng kamera. Agad naman na ngumiwi ang labi ni Marvin matapos niyang marinig ito.

"Nasaan si Laica? Bakit pangit agad ang bumungad sa akin?" tanong ni Marvin.

"Kapal, ah! Malabo na nga itong mukha mo hindi pa rin matatanggi na ang pangit mo." Hindi rin nagpapatalo si Leizl sa asaran na ito.

Sa katunayan, si Leizl nga ang nagiging saksi kung paano silang mag-usap na dalawa ni Laica. Kahit na ayaw ni Marvin na may nakikiepal, ayaw naman din ni Leizl na hayaan ang kaibigan niya. Mukhang kung isa itong teleserye, si Leizl ang magiging kontrabida sa kanila. Wala nga lang siyang ipapantapal na 10 million para layuan ang kaibigan niya.

"Sorry, may kinuha lang kasi akong pinapabigay ni papa," saad ni Laica. Nang ang dalaga na ang humarap sa kamera, tila ba nagliliwanag ang mundo ni Marvin. Para siyang nasisislaw sa kagandahan nito. Mabagal nga lang ang internet kaya nagmumukha itong hati-hati ang mukha. Mukhang hindi na naman nagbayad ang kapitbahay ng binata na pinagkakabitan niya ng wifi. Paminsan talaga ay panira ng love life ang mahinang internet.

"Bakit ka nga pala napatawag? Gusto mo bang makita ang kagwapuhan ko?" tanong ni Marvin. Kasasabi pa lang niya nito ay narinig na niya kaagad ang reklamo ni Leizl.

"May ginagawa ka ba ngayon? Gusto lang sana kitang imbitahan sa bahay. Birthday kasi ngayon ng kapatid ko. Mamaya pa naman bandang... bandang 6pm. Pang-family lang, gusto ko lang na ipakilala ka sa pamilya ko," saad ng dalaga. Kahit na putol-putol ito, buo naman sa puso ni Marvin na naintindihan ito.

"Ipapakilala mo na kaagad ako? Ano ka ba? Hindi pa nga tayo sigurado, gusto mo na kaagad akong gawing legal sa pamilya mo? Ano ka ba naman. Sa grabeng kagwapuhan ko, gusto mo na kaagad na angkinin ako? Wag sana ganito." Matapos itong sabihin ni Marvin ay agad siyang napakagat sa unan niyang mukhang natuyuan na rin ng panis na laway. Hindi niya ito pinakita sa dalaga, lalo pa at ayaw niyang isipin na marupok siya.

"Ayaw mo ba?"

Agad na humarap ang binata sa kamera. "Wala akong sinabi na ayaw ko. Pag-iisipan ko muna sana, pero sige na nga. Saglit lang ako ha?"

"Pakunwari pang ayaw." Mahinang apila ni Leizl, na agad na kinontra ng kaibigan niya.

"Hayaan mo na siya. Ang sabi niya sa akin masipag siya, kahit ang nahugasan na plato hinuhugasan pa niya. Siya na lang maghugas ng plato kapag tapos ng handaan," saad ni Laica. Mukhang walang ibang intensyon ang dalaga, pero nakakasakit ito para kay Marvin.

"Parang gusto mo lang ako paghugasin ng pinggan sa bahay niyo?" tanong nito.

"Hindi naman sa gano'n. Gusto ko lang ipakilala ka sa mga magulang ko. Hihintayin kita bago mag 6pm. Sige, usap na lang tayo mamaya. Bye!" Humabol pa nang sasabihin si Marvin, ngunit naputol kaagad ang tawag. Napuno naman ng dismaya ang kaniyang mukha.

"Ikaw talaga Laica I. Labio, pabigla-bigla ka masyado. Makikita na kaagad ng mga magulang mo kung gaano kagandang lahi maibibigay ko. Shet! Baka pagkaguluhan pa ng pamilya nito ang kagwapuhan ko. Kailangan simple lang ako, para hindi masyadong makita na napakapogi ko. Ayaw ko naman na magkagusto pa sa akin pati mga kapatid niya. Hindi naman ako gano'ng klase ng lalaki, ayaw kong masabihan na lahat ng gwapo ay manloloko."

 Mukhang tablado na ang pagmamatigas niyang ayaw niyang pumatol sa sinasabi ni Laica, siya na mismo ang nahuhulog kaagad. Ano na nga kaya ang gagawin ng gwapitong mukhang tuko kung ang love story na gusto niya ay nais ng dalaga na magtapos sa iyakan? Hmmm... kakayanin nga kaya ito ng kagwapuhan niya?

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now