Chapter 34

27 8 0
                                    

Nang makalabas na ng hospital si Laica, ang unang sumalubong sa kaniya ay si Marvin.  Para ba itong isang bida sa isang pelikula. Nakasandal ito sa motor niyang bagong paligo— mas mabuti pa ang motor halata kung naligo, hindi katulad ng may-ari nito. Nakahawak pa si Marvin sa kaniyang helmet habang ang helmet ng kaniyang nobya ay nakapatong sa upuan.

Mahinahon na naglakad ang dalaga palapit dito. Hindi niya maalala kung nasabihan nga ba niya si Marvin kung nasaan siya ngayon. Ang alam lang ni Laica ay ang nakakaalam lang nito ay ang kaibigan niya. Sa bagay, ano nga ba ang aasahan sa babae na iyon? Malamang ay siya ang tunay na may pakana kung bakit ba nalaman ni Marvin kung nasaan siya ngayon. Hindi manlang ba kayang magpreno ang bunganga ni Leizl?

“Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Laica, mahina lamang ang pagkakasabi niya na naging sapat naman upang marinig ng kaniyang nobyo.

Bago sumagot ay hinawi muna ni Marvin ang bagong gupit niyang buhok. Mukhang wala rin naman nagbago, para pa rin siyang buhay na sama ng loob.

“Nasabi kasi sa akin ni Leizl na andito ka nga, kaya hinintay na kita para sabay na tayo,” sagot ni marvin.

“Ang sabi ko sa kaniya na 'wag niya na muna ipaalam sa iba.”

“Binilhan ko siya ng ice cream kasi ayaw niyang sabihin kung nasaan ka.”

“Pinagpalit talaga ako sa isang ice cream?”

“Magnum 'yon.”

Naunawaan na kaagad ni Laica kung bakit nga ba napaamin na ang kaibigan niya. Hindi maaaring isama sa isang krimen si Leizl, dahil pagkain lang ang kayang itapat ay mapapaamin na ito. Hindi na kumibo si Laica, hindi niya alam kung paano nga ba niya sasabihin sa kaniyang nobyo ang naging resulta ng usapan nila kanina ng kaniyang doctor. Hindi niya nga alam kung good news ba ito o maituturing na bad news.

“Ano pala ang ginagawa mo d’yan? May sakit ka ba? Bakit hindi mo manlang ako sinabihan?”

Napalingon ang dalaga sa kaniyang likuran. “Wala naman. Saan ba tayo pupunta? Wala ka palang pasok ngayon?”

“Hanggang bukas wala akong pasok.”

“Ihahatid mo ba ako sa bahay?”

“Pupunta tayo sa bahay.” Mas malawak pa sa pag-unawa ni Laica ang ngiti na pinapakita ng kaniyang nobyo. Sa katunayan para bang nahaluan na si Laica ng kaibigan niya, para maging lutang at hindi kaagad maunawan ang usapan. Nakakahawa pala ang pagiging lutang?

“Sa bahay niyo?”

“Oo. Hindi ba ang sabi mo sa akin na gusto mong makilala ang magulang ko? Mukhang ito na ang panahon,” sagot ng binata. Ilang beses niya rin kinausap ang kaniyang sarili tungkol sa bagay na ito. Lalo na at nahihiya pa rin siya sa kung ano nga ba ang buhay na mayro'n siya, ngunit hindi pa rin maalis ang pagkakataon na nais na niyang maging seryoso ang lahat sa kanila ni Laica. Hindi nga lamang niya maamin sa dalaga kung ano ba ang nararamdaman niya. Kahit na anong tapang ni Marin, mananatili pa rin ang takot sa puso niya na baka hindi siya tanggapin ng babae na iniibig niya.

“Sigurado ka? Bakit mo biglang naisipan 'yab?” tanong ng dalaga.

“Ayaw mo ba? Noong nakaraan pinipilit mo ako 'di ba?”

Sa katanungan na ito ni Marvin ay hindi kaagad nakasagot si Laica. Hindi na niya alam kung ano ang nangyayari. Habang nakatitig siya sa mukha ng lalaking mukhang paa, nagmumukha na itong mamahaling sining. Sa sobrang kakaiba ng mukha ni Marvin para bang mabibili ito ng milyong halaga. Wala na kasi itong katulad at para bang mahahanap lang ito noong panahon ni Eba at Adan.

Pumalakpak si Marvin na naging dahilan upang bumalik si Laica sa kaniyang sarili. “Ano na?”

“S-sige.” Sa unang pagkakataon ay nautal ang dalaga. Napalunok pa siya ay humawak sa kaniyang dibdib. Mabuti na lamang at hindi pa nahahalata ni Marvin ang mga pagbabago na inaasta ng kaniyang nobya.

Pinanatili ni Laica ang pagiging isang misteryoso. Humakbang pa siya nang tatlong beses para tuluyang lumapit sa motor ni Marvin. Nang kukunin na niya ang helmet ay inunahan ito ni Marvin.

“Ako na ang magsusuot sa ‘yo. Hindi ba ganito sa mga palabas?”

Hindi na umapila si Laica. Tinitigan niya lamang ang mukha ni Marvin habang nagkakalapit sila lalo.

Ito na nga ba ang pag-ibig na sinasabi nila? Mga kataga na nasambit ni Laica sa kaniyang isipan. Wala naman naging bago sa ganito. Sa tuwing umaalis sila ay nagiging ganito sa kaniya ang nobyo, ngunit sa oras na ito ang bawat sandali ay nagiging espesyal para sa kanila. Nanatiling tahimik si Laica habang umuupo sa likod at si Marvin naman ay nag-aabang na yumakap siya.

“I-start ko na to, ah?

“Ikaw ang bahala.”

Pinaandar muna ni Marvin ang makina, ngunit hindi pa rin yumayakap sa kaniya si Laica kaya nilingon na niya ito.

“Bakit?”

“Hindi ka ba yayakap sa 'kin?” Pagtatakang tanong ng binata. Ilang beses naman na niyang naiangkas ang dalaga kaya malamang ay alam na nito ang gagawin.

“Ano bang nangyayari sa ‘yo? May problema ba ulit?” tanong ni Marvin. Ang huli nilang napag-usapan ay ang tungkol sa kapatid ni Marvin na napagkamalan ni Laica na asawa nito, pero mukhang may ibang tinatago si Laica.

“Wala naman. Hindi ko lang naalala.” Matapos itong sabihin ng dalaga ay marahan siyang yumakap kay Marvin, ngunit hindi siya ganoon dumikit lalo na at kung ano na naman ang nararamdaman ng puso niya.

Base sa naging usapan nila ng kaniyang doctor kanina, nagkakaroon na nang pagbabago sa kaniyang damdamin. Maganda ito kung magpapatuloy na makaramdam siya. Subalit nalilito pa rin si Laica kung paano nga ba niya ito sasabihin kay Marvin. Kapag ba nagsabi na s'ya nito ay magsisimula na rin maganap ang mga nakalista na break-up scene nila?

Hindi na maikakaila pa ni Laica na tunay na ang nararamdaman niya at kung may isang masakit na pangyayari ay makakaapekto na ito sa kaniya. Ito rin kaya ang hangad ni Marvin? Ngayon na tunay na rin ang damdamin na dapat ay pagkukunwari lang?

Sa isang laro na sila naman ang pumayag pareho, sino ang magiging dehado at panalo? Si Laica ba na magkakaroon na ng pakiramdam o si Marvin na masasaktan nang lubos dahil sa unang pag-ibig na una ring wawarak sa puso niya? Sino sa kanila?

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now