Chapter Nine

1.4K 62 3
                                    

"KUMUSTA ang pakikipag-usap mo sa bangko?" Nasa kama na si Lucinda nang lumabas ng banyo si Enrique.

Sa gulang na trenta-otso, makisig pa rin ang pangangatawan ni Enrique, matipuno't hiniyang sa pisikal na trabaho. Sariwa pa rin sa isipan ni Lucinda kung paanong madaling nabighani ang kanyang puso noong una niya itong makilala sa isang sayawan noong disi-otso anyos siya.

"Enriq?" Muling kuha sa pansin ng asawa sapagkat tila hindi siya nito narinig.

Lumingon ito, nasa reaksiyon ang pagkabahala. Pagkuwa'y ipinagpatuloy ang pagkuskos ng tuwalya sa basang buhok, puwersahan na tila ba roon nais ipuntirya ang anumang nasa isipan.

"Ano ba, hindi mo ba ako sasagutin?"

Inihagis nito ang tuwalya sa kama bago humarap sa kanya. "Inilit na ng bangko ang plantation natin. Hindi ko na kayang bayaran ang mataas na interes at hindi sapat na kita sa tubuhan."

"Ano? E pa'no 'yan? Saan natin ibabagsak ang mga tubo? Ano na ang mangyayari sa atin?"

"Hindi ko na kayang suwelduhan ang marami nating trabahador, kailangan ko ring bawasan ang mga tauhan sa maisan. Nailit na sa atin pati ang pabrika, hindi ako papayag na pati ang lupaing natitira sa atin ay mawala."

"E ang ibang mga negosyo, ang kita sa bigasan at manukan, siguro naman kahit paano ay makatutulong ang mga iyon?"

Umiling ito, nagpakawala nang bunting-hininga. "Matulog na tayo, maaga pa akong gigising kinabukasan para lumuwas sa bayan."

"Itong mansiyon, hindi ba ginamit mo itong kolateral para sa perang hiniram mo para sa pabrika? Anong mangyayari sa atin, sagutin mo ako, Enrique."

"Ako na ang bahala sa suliraning ito, Lucinda--"

"Kung sana ay hindi mo sinubukang makipagkompetensiya sa negosyo ng mga Guerrier ay wala tayo sa suliraning ito, Enrique. Kung bakit ba sagad sa buto mong pataubin ang negosyo nila pero tingnan mo ang nangyari, sa atin bumalandra."

Matalim ang mga matang tumitig sa kanya ang asawa. Kumuyom ang mga palad. Tumigas ang bagang. "Tumahimik ka. Huwag na huwag mong babanggitin ang pangalang iyan. Tama na Lucinda," sa matigas nitong tinig.

"Hindi. Ikaw ang tumigil, Enrique. Tumigil ka na sa walang katuturan mong galit sa pamilyang iyon gayong wala naman silang ginagawa sa atin. Tama na--"

Subalit natigalgal siya sa malakas na paghampas ng palad nito sa kanyang pisngi. Namanhid hindi lamang ang kanyang mukha kundi pati ang kanyang isipan at damdamin. Hindi siya makapaniwala sa nangyari. Ngayon lamang siya kinanti ng asawa at hindi niya matanggap iyon.

"L-Lucinda..." Bakas din sa mukha ng asawa ang pagkabigla sa ginawa.

"H-how dare you? Kahit minsan ay hindi ako nagtanong sa bawat desiyong ginawa mo pagdating sa negosyo dahil may tiwala ako sa iyo, pero kung pati ang yaman ng mga magulang ko'y sasayangin mo rin nang dahil diyan sa hindi ko maintindihang galit mo, hindi ako tatahimik na lang. Ikaw ang tumigil, Enrique." Bumalong ang mga luha sa kanyang mga mata. Nanginginig ang palad na sinapo niya ang pisnging nasaktan.

"Hindi ko sinasadya." Akmang hahawakan siya nito subalit umiwas siya, tumayo't dinampot ang silk na roba tsaka isinuot.

"Saan ka pupunta?"

"Sa guest room na muna ako matutulog." At tuluyan na siyang lumabas ng silid nilang mag-asawa. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na hihiwalay siya ng pagtulog. Mabilis ang mga hakbang na tinunton niya ang isang silid sa dulo ng pasilyo, hindi pinansin ang patuloy na pagtawag nito sa kanyang pangalan.

Once A Love Story - #Wattys2018 WinnerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon