Chapter Twenty

1.3K 65 22
                                    

DUMATING ang dalawang lalaking tauhan na sinabi ni Enriqe De Dios at hinawakan siya sa magkabilang braso, akmang hihilain siyang palabas.

"Erina." Agad niyang baling sa kasintahan.

"Ilabas ninyo ang lalaking iyan hanggang sa labas ng tarangkahan. Wala kayong papapasukin na kahit sinong hindi taga-rito." Mariing utos ni Enrique.

"Erina, ano ba? Tulungan mo akong magpaliwanag. Erina!" Lumakas na ang kanyang tinig dahil hindi man lang siya nito pinapansin. Nahila na siya ng dalawang lalaki. "Bitiwan ninyo ako!" Nagpumilit siyang makaalpas.

"Tara na, Erina." Humawak sa braso ni Erina ang ama nito at iginiyang palabas ng bahay.

Marahas niyang itinulak ang dalawang lalaki at tumakbong palapit sa kasintahan, hinawakan ito sa magkabilang balikat. "Erina, love, anong nangyayari? Bakit ayaw mong magsalita?" Bahagya pa niyang niyugyog ang mga balikat nito.

"Aba't tarantado ka palang lalaki ka!" Hinaklit ni Enrique ang kanyang braso at agad na dumapo ang matigas nitong kamao sa kanyang panga. At dahil hindi niya iyon inaasahan, nawalan siya ng balanse mula sa ika-limang baitang ng hagdan na kinatatayuan at gumulong pababa sa matigas na lupa.

Nasaktan siya. Naramdaman niya maging ang pagkirot ng labi't mga ngipin, nalasahan pati ang dugo sa loob ng kanyang bibig. Tumayo siya't tumingin kay Enrique, sa galit na galit nitong mga mata na nakapako sa kanya.

"Get out, Guerrier. Get the hell out of my house!" Sinenyasan nito ang dalawang tauhan upang muli siyang kaladkarin palabas ng bakuran nito.

"S-Sandali lang ho, sandali lang." Iniangat niya ang dalawang palad, nagmakaawa. "Gusto ko hong makausap si Erina." At muli niyang sinubukang kunin ang atensiyon ng kasintahan. "Erina, please...look at me. Talk to me. Erina?"

Ngunit hindi niya makita ang dati'y masayahin at palangiti nitong mga reaksiyon. Pakiramdam niya'y hindi ito ang babaeng nakilala't kanyang minamahal. "Erina?"

"Sige na, ilabas na ninyo siya!" Muling utos ni Enrique.

Hindi na malaman ni Caleb kung ano ang dapat gawin. Hindi siya makapag-isip ng matino, kung ano ba ang tama at mali sa kanyang inakto, at kung ano ba talaga ang nangyayari. Totoong naalarma na siya, lumabas na lahat ng takot na kanyang nararamdaman.

"Erina!" Muli siyang kumilos upang lapitan ang nobya, kailangan niya ng kasagutan.

Subalit hinihila na siyang palayo ng dalawang lalaki, habang ang kasintahan nama'y nakasunod sa ama nito na pasakay sa jeep. Parang sasabog ang kanyang ulo. Hindi. Hindi dapat ganito. Kailangan niyang makausap si Erina. Kailangan!

Nakipagpambuno siya sa dalawang lalaki, kabaliwan dahil alam niyang hindi siya mananalo sa mga ito, ngunit nagpumilit siya, kahit ang kapalit ay ang kanyang buhay, kailangan niyang makausap ang kasintahan.

Nalugmok sa lupa ang pasado niyang katawan at duguang mga galos sa balat at mukha, nanghihina na rin siya. Ngunit hindi pa rin siya sumuko, nilubayan na siya ng mga lalaki sa pakiwari na hindi na siya makatatayo pa, kaya sinamantala niya iyon at mabilis na lumihis ng daan upang takbuhin ang papaandar na jeep ni Enrique. Lumundag siya sa harapan ng jeep, at kahit nakapagpreno agad si Enrique, bumalandra pa rin siya sa lupa.

"Putang-ina!" Mabilis na lumabas si Enrique upang tingnan kung buhay pa siya. "Kung gusto mong mamatay na, makabubuti sa amin iyon. Ano ba? Damputin ninyo ang lalaking ito at ilabas bago pa siya mamatay sa aking bakuran." Sigaw nito sa mga tauhan.

"E-Erina!" Hawak ang katawan na pinilit niyang tumayo. Paika-ikang pumunta siya sa may pintuan ng jeep kung saan ito nakaupo. "Erina, please...talk to me." Naluluha siya sa sakit na nararamdaman ng katawan, ngunit mas masakit ang ipinapakitang pagbabalewala sa kanya ng kasintahan. "Erina, please!" Gumaralgal ang kanyang tinig, punong-puno ng pagmamakaawa.

Once A Love Story - #Wattys2018 WinnerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon