IV. The News

3.2K 98 22
                                    

Media Box:  Welcome to the Black Parade by My Chemical Romance


***Dawn's POV***

Tapos na ang araw at pababa na ako ng Main Building pabalik na ng dorm. Iniisip ko pa rin ang nangyari kanina bago nag-History. Ang mga taong naka-itim na ito ang nakapag-papaalala sa akin ng pinagdaanan ko sa dati kong eskwelahan. Sumusumpong ang sakit ng ulo ko kapag bumabalik ang mga iyon sa isip ko.

Freshman pa lang ako noon sa Sisters of Mary School for Girls. Maganda naman ang eskwelahan na iyon, ayoko noong una dahil puro babae ang mga estudyante at madre ang nakikita ko araw-araw, pero noong tumagal ay nasanay na rin ako. Wala naman akong masasabi sa kanilang curriculum, maganda rin ang pasilidad at mababait ang mga tao. Magandang lugar iyon para sa mga estudyante. Hanggang may nangyari dalawang buwan bago matapos ang school year.


"AAAAAHHHH!!!!!!!!" Galing ang boses na iyon sa Classroom 1-1. Nagdadatingan pa lang ang mga estudyante noong umagang iyon at nabulabog ang lahat dahil sa narinig naming iyon. Katabi lang noon ang classroom namin, taga-Class 1-2 kasi ako. May mga estudyanteng nagkukumpulan sa tapat ng Classroom 1-1 at may isang babaeng iyak ng iyak. Naririnig ko rin ang boses ng isang teacher na pilit pinapakalma ang estudyante.

Lumakad ako at tumingin sa loob ng classroom dahil gusto ko lang makita kung ano'ng meron. At doon ko nakita ang isang katawan ng estudyante na nakabigti sa harapan, sa itaas ng teacher's table. Hindi lang siya basta nakabigti, sugatan ang katawan niya at nagkulay pula na ang puti niyang uniporme. Maraming hiwa, maraming sugat, maraming saksak-- sa binti, sa kamay, sa braso, sa leeg at sa mukha. Sobrang brutal noon. Sino'ng gagawa nito sa kanya?

Dumating na ang ilang madre at School Admin. Itinaboy na ng mga Security ang mga estudyante papunta sa mga klase nila at tinipon ang mga estudyante ng Class 1-1. May mga umiiyak at may ilang hindi umiimik sa sobrang gulat at takot. Kilala ko na 'yong estudyanteng 'yon-- si Jennifer Santos. Matalino siya, maganda at mabait. Lagi siyang kasali sa mga school quiz bees. Bakit bigla siyang namatay?


Pumasok na kami sa mga sarili naming klase, pero ramdam ang gulat, takot at lungkot sa buong paligid dahil sa sobrang katahimikan. Umupo na ako at tumingin sa teacher sa harapan. Halatang pinipilit lang niyang maging maayos, dahil kailangan niyang gawin ang trabaho niya. Tumayo siya sa tapat ng mesa, kinuha ang activity sheet niya at nagpaliwanag sa kung ano'ng gagawin namin ngayong araw na ito.

Nagulat ako nang makita ko ang imahe ng isang babaeng nakabigti mula sa kisame. Nakasuot ito ng uniporme namin at puno ito ng dugo. Nakatakip ang mahaba niyang buhok sa mukha niya at nanlaki ang mga mata ko nang biglang umangat ang ulo niya at tumitig sa akin. Ipinikit ko ang mga mata ko at maya-maya'y nakaramdam ako ng mga kamay na umaalog sa akin.

"Dawn! Dawn!" Pagdilat ng mata ko, mukha ng kaibigan kong si Wendy ang nakita ko. Puno ito ng pag-aalala at ilang kaklase namin ang nakatingin sa akin.

"Dawn, okay ka lang ba? Gusto mong pumunta sa Clinic?" Alalang tanong ng teacher namin. Umiling ako at bumalik na sa kanya-kanyang upuan ang mga kaklase ko.

"Dawn, bakit ka sumisigaw kanina? Sigurado ka bang okay ka lang?" Bulong sa akin ni Wendy habang nagpapatuloy ang klase.

"Oo, okay lang ako." Ngumiti ako sa kanya at pinunasan ng panyo ang pawis na namuo sa noo ko. Ibinaling kong muli ang tingin sa harapan ng klase. Wala na ang estudyanteng nakabitin.


Inalog ko ang ulo ko at nagpatuloy sa pagbaba ng hagdan. Nasa labasan na ako nang may marinig akong ingay mula sa gilid ng gusali. Lumiko ako para tingnan kung ano'ng nangyayari roon. Nagulat ako nang makita ko ang kaklase ko na nakahandusay sa lupa at pinagtutulungang bugbugin ng tatlong malalaking lalaki.

Natigilan sila sa pambubugbog nang makita nila akong papalapit. May mga bagay akong nasabi na ikina-inis nila at nauwi iyon sa palitan ng mga salita. Wala akong pakealam kung sino o ano pa sila sa eskwelahang ito. Pare-pareho pa rin kaming estudyante at hindi tama na ginagawa nila ito sa kapwa nila.

"Aba't sobra ka na, ha!" Sumugod ang lalaki sa unahan para suntukin ako, pero madali ko itong nailagan. Isa rin palang walang kwentang bully ito.

Sumunod na umabante ang isa pang matangkad na lalaki para hampasin ako ng kahoy na hawak niya ngunit napigilan ko ng kamay ko ang pagtama nito sa ulo ko. Pathetic. Nakita kong nanlaki ang mga mata niya, hindi niya siguro inaasahang isang katulad ko lang ang makakatapat nila. Sinipa ko siya nang malakas habang hawak pa rin ang kahoy at nabitawan niya ito. Napaluhod siya sa sakit ng tiyan niya at inakay na lang ng isang kasama niya patayo.

"Tara na, tara na!" Tawag ng ikatlong lalaki.

"Babalikan ka namin!" Sigaw sa akin ng unang lalaki.

"Sige, hihintayin ko kayo!"


Tiningnan ko ang walang-malay kong kaklase at inisip kung ano'ng gagawin sa kaniya. Hayaan ko na lang kaya dito? Tumingin ako sa paligid at nakita kong makulimlim ang langit. Kawawa naman, baka maulanan.

"Hoy." Lumuhod ako sa tabi niya at tinusok siya ng maliit na patpat. "Gumising ka."

Inalog ko siya ng kaunti sa balikat ngunit hindi pa rin siya nagigising. Napagod na ako kaya't tumayo na ako. "Hoy, Domingo! Gigising ka ba riyan o hihintayin mong bumagsak ang ulan?" Sinipa ko siya sa tagiliran niya at nagising siya sa sakit. Tumama yata iyon sa parteng sinuntok o sinipa noong mga lalaking iyon kanina.

"D-Dawn?"

"Sasamahan na kita sa Clinic. Bilisan mo kasi ayokong maulanan." Inakay ko siya patayo at lumakad na kami papuntang Clinic.

***


"Miss Dominguez?" Tawag sa akin ng isang babae paglabas ko ng Clinic. Nakasuot siya ng uniform na pang-Admin at lumapit siya sa akin. Nakita kaya niya 'yong nangyari kanina?

"Bakit po?" Bigla akong kinabahan. Ayokong mapatawag sa Principal's Office dahil siguradong tatawagan nila ang Guardian ko. Ayokong maging pabigat sa Tita Rika ko. Sana naman hindi ganoon ka-grabe ang gawin nila. Kasalanan ito ng mga pesteng iyon, eh! Isasabit ko sila kung sakaling bigyan ako ng parusa ng Principal. Damay damay na.

"May bisita ka. Puntahan mo siya sa Guard House." Bisita? Bisita lang pala! Phew! Tumango ako at agad pumunta sa Guard House katabi ng Main Gate ng Monte Carlo High. Pero, sino naman ang bibisita sa akin dito?


"Manong, may bisita raw po ako? Dominguez po. Class 3-1." Tiningnan ni Manong Guard ang log book niya at tumango. Itinuro niya sa akin ang taong nakaupo sa isang upuan sa labas ng Guard House. Ano'ng ginagawa niya dito?

Nakayuko ang babaeng nakaupo mag-isa sa isang sulok. Nakalugay ang itim at maalong buhok niya at hindi ko maaninag ang mukha niya. Pero sa suot niyang uniporme, alam ko na kung taga-saan siya. Kilala ko rin ang bag na nakalapag sa tabi niya. Na-miss na niya ako kaagad? Nilapitan ko siya at nakangiti pa ako nang tawagin ko ang pangalan niya. "Wendy!"

Nag-angat siya ng ulo at tumingin sa akin. Nawala ang ngiti sa mga labi ko dahil sa nakita kong itsura niya. Maputla ang maganda niyang mukha at mugto ang mga mata niya. Nasaan na ang masayahing si Wendy? Ano kayang nangyari sa kanya? Agad ko siyang nilapitan at umupo ako sa tabi niya. Kakamustahin ko na sana siya nang bigla siyang magsalita. Natigilan ako bigla dahil hindi ko inaasahan ang mga salitang ibinungad niya sa akin.

"Dawn... Patay na si Anastacia."


---edited 03.22.15

The Lady in Shining Armor: Monte Carlo HighWhere stories live. Discover now