Two

29.3K 669 116
                                    

Sa paglaki ko, halos baril-barilan, kotse-kotsehan, wrestling, computer games, basketball at kung anu-anong sports ang nilaro ko.

Syempre, impluwensya ng mga Kuya ko.

Naalala kong nagpadala ng Barbie para sa’kin si Mama galing sa Singapore, tapos baril-barilan naman sa mga kuya ko. Wala pang isang araw, gula-gulanit na si Barbie. Pa’no, ginawa naming target ng baril-barilan, ahahaha. Kaya simula no’n, hindi na nagpadala ng Barbie si Mama. Sayang lang daw, ang mahal pa man din.

Kung hindi nyo naitatanong, yung apat na mga kuya ko, madalas hindi rin babae ang tingin sa’kin dahil magkamukhang-magkamukha kami ni Kuya Mason—yung sinundan ko. Madalas nga, pinagkakamalan kaming kambal eh. Kaya kung minsan, hindi ko na rin sya kinu-kuya, hehe.

Kaya hindi rin ako nahilig magsuot ng mga palda. Kasi sa sobrang close namin ni Mason, gusto ko lagi kaming parehas kahit sa damit. Umiiyak talaga ako no’n kapag pumapasok kami. Lahat sila naka-shorts o kaya naka-pants pero ako, naka-uniform na pambabae. Pakiramdam ko kasi, wala akong salawal. Tsaka, niloloko ako nung mga kaklase ko na bakla daw ako dahil pati gupit ko, boy-cut.

Hindi ko naman masisi si Papa. Ano nga naman ba kasi ang alam nya sa pag-aayos ng buhok ng babae? Tapos nasa Singapore pa si Mama at tatlong beses sa isang taon lang kung umuwi para magbakasyon ng tig-dalawang linggo.

Naalala ko nung nagdesisyong mag-resign si Mama para alagaan na lang kami, inaayos nya yung mga gamit ko no’n. Mga ilang araw pa lang yata syang nakakauwi dito. Grade Three yata ako n’on. Galit na galit talaga sya nung makauwi si Papa galing sa trabaho.

“Bakit may tag pa rin lahat ng mga dress na pinadala ko kay Charlie? Ibig sabihin, hindi nya sinuot yung mga ‘yon kahit kailan?!” halos pasigaw nyang bungad kay Papa.

“Hindi sanay si Charlie na nagsusuot ng mga gano’n. Alam mo bang tinutukso sya sa school—?”

 

“Eh pa’no syang hindi tutuksuin sa school? Tignan mo nga! Pati gupit parang lalaki! Kaisa-isang babae na nga lang na anak na’tin, magiging kalahating-lalaki pa! Naghirap pa akong manganak ng anim na beses para lang magkaroon tayo ng prinsesa! Pa’no na lang kung matuluyan syang maging tomboy?!”

Hinila na ako ni Kuya Marcus papasok ng kwarto namin at tinawag yung iba pa naming mga kapatid. Oo, sama-sama rin kami sa isang malaking kwarto. Dalawang malalaking kama ang nandun at tabi-tabi kami according to birth.

Sinindi na lang nya yung TV at nilakasan yung volume para masapawan yung sigawan ng mga magulang namin.

Tahimik lang kaming lahat habang nanonood.

Dahil curious ako, mahina akong nagtanong. “Mason Mason, ano yung ‘tomboy’?”

“Ewan ko,” simpleng sagot nya.

‘Yon ang naging palatandaan kung pa’no kami maa-identify ni Kuya Mason. Tahimik kasi sya. Ako, sobrang ingay.

Gumapang ako, papalapit kay Kuya Chuck. “Kuya Chuckie, ano yung ‘tomboy’?”

Napa-singhal sya. “Pfft. ‘Tanong mo kila Kuya Mac.”

Kaya naman lumipat ako ng kama kung saan  kumportableng nanonood yung tatlong mas matatatanda at dahan-dahang lumapit sa supladong si Kuya Mark.

“Kuya Mac—“

“’Wag ka ngang maingay! ‘Kita mo nang nanonood ako eh!” talak nya.

Kaya kinalabit ko na lang ‘yung pinakamabait kong kuya. “Kuya Chino, Kuya Chino…”

Hindi sya tumingin sa’kin pero inakbayan nya ako. Sya lang yata sa kanilang lima ang kung minsan, napapansing babae nga pala ako. Sya rin madalas ang nanlalambing sa’kin. “Ano po ‘yun, prinsesa?”

“Prinsesa?! Hahaha.” Si Kuya Mark. Kung kelan hindi kausap saka sasabat sa usapan nang may usapan. Ang labo nya talaga kahit kelan. “Yan? Prinsesa?!”

Sinapak tuloy sya ni Kuya Marcus. “’Ang ingay mo!”

Binelatan ko sya at ginantihan din nya ako. Sisipain ko sana sya pero pinigilan na ako ni Kuya Chino. “Ano na yung question mo?”

Ngumiti ako sa kanya nang maluwag. “Ahh.. ano po yung ibig sabihin ng ‘tomboy’?”

Pero si Kuya Marcus ang sumagot. Marami daw syang alam eh, kasi nga naman fourth year high school  na sya noon. “Babaeng mukhang lalaki.”

“Ha?! Eh di ang pangit nya?!” malakas kong kumento.

At malakas silang nagtawanan. Nakikinig pala silang lahat sa usapan namin.

“WAHAHAHA, eh di pangit ka rin?” panunukso ni Kuya Mark.

“HINDI AH! Sabi ni Mama maganda ako!” sumbat ko naman.

“Eh tomboy ka eh! Haha!”

“HINDI AKO TOMBOY! BABAE PO AKO!” ngawa ko at nangingilid na yung luha ko.

Ang nakakainis lang sa mga kuya ko, madalas nila akong pagtripan tulad nito. Pati si Kuya Chino, nakikisali dahil ibu-bully siya ni Kuya Marcus ‘pag hindi sya nakisama.

“TOMBOY SI CHARLIE! TOMBOY SI CHARLIE!!!” sabay-sabay nilang panunukso sa’kin.

“HINDI AKO TOMBOY! BABAE AKO!” sigaw ko pero hindi nila ako tinigilan. Kaya umiyak na ako.

Kung maingay ako kapag nagsasalita, mas maingay ako kapag umiiyak. Para daw akong nakalulon ng megaphone.

Galit pa rin si Mama na pumasok sa kwarto at pinagalitan kaming lahat.

Dahil doon, nung sumunod na pasukan, nilipat ako nila Mama sa all-girl school. Para daw maisalba pa ako’t maging normal na batang babae.

HATBABE?! Season1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon