Seven

20.4K 468 69
                                    

Sabi ko magpapakababae na ako.

Hindi ko alam na napakahirap palang gawin non.

Sa pagpapahaba pa nga lang ng buhok, halos mabaliw ako.

Napatubo ko naman ang hair ko hanggang dibdib. Pero dahil tamad akong mag-ipit at mas lalo ang magsuklay, laging sabog yung buhok ko sa tuwing pumapasok. Parang walis-tambo nga eh. Hindi kasi ako tulad ng karamihan sa mga schoolmates ko na kada tatlumpung minuto, nagsusuklay. Minsan lang ako magsuklay sa isang araw, yung pagkatapos maligo. Tapos kung ano ang itsura niya pag natuyo, ganun na buong araw.

Split-ends ang naging resulta, kaya madalas ipa-trim ni Mama yung buhok ko.

At dahil hindi ko rin nababanlawang mabuti, nagka-balakubak ako. Nagpalit-palit na nga ako ng anti-dandruff shampoo noon mula Nizoral, Head and Shoulders, Clear… pero wala pa rin. Matindi ang kalaban. Kapag mas matapang yung pinanghuhugas ko ng buhok, mas marami ang balakubak na namumuo. Ang nakakainis pa, hindi yung maliliit na parang alikabok lang. Buo-buo talaga!

Dahil sa mga pesteng balakubak na yon, sobrang kati ng anit ko! Para lang maibsan yung kati, kinakamot ko talaga. Alam niyo ba yung bawat kamot sa ulo, may masasamang balakubak sa kuko? Ganon. Nakakaasar diba? Hindi ko nga namalayang naging ugali ko na’ng magtanggal ng dandruff habang nagkaklase eh. Automatic na yung pagkakamot ko sa anit, tapos kapag may sumasama sa kuko, pinipitik ko sa labas. Buti na lang sa tabi ako ng bintana nakaupo. Pakiramdam ko, kung inipon ko sila sa isang garapon, iisipin ng tao, mukha siyang pinipig.

Nakakahiya pang magsuot ng dark-colored shirts. Kasi para lang may naglalaglagang snowflakes sa balikat tuwing gagalaw ako. Akala ko nga mate-turn off yung mga nagkaka-crush sa’kin kaso, sila pa talaga yung nagpapagpag saka nila ako pinapayuhan na magpagupit na lang dahil hindi naman daw ako maalaga sa buhok at mas bagay daw sa’kin ang maikling gupit.

Kaya naman pinaiklian yung gupit ko hanggang taas lang ng balikat. Kumonti naman yung balakubak, sa awa ni Lord. Hanggang sa unti-unti na silang naglaho. Akala ko nga tumawag ng reinforcement dahil niloko ako ni Kuya Chuck na baka kuto naman daw ang pumalit kung hindi ko raw inalagaan yung buhok ko.

Kaya kahit tumagal ako ng dalawampung minuto sa banyo para lang masiguradong nabanlawan ko nang mabuti, tinitiis ko talaga hanggang sa kumulubot yung mga daliri ko at magmukhang pasas.

Ayos na sana. Yun nga lang, nadikitan siya ng bubble gum, kaya walang choice si Mama kundi paikliin ulit ang buhok ko hanggang tenga.

Pa’no nadikitan ng bubble gum? Si Chan-Chan ang may kasalanan dahil ang hilig-hilig niyang kumain non. Pinapalobo pa nga niya tapos puputukin tapos ngunguyain niya ulit.

Ginagawa niya yon habang nagba-bike kami. Siya yung angkas ko sa likod. Habang nililibot namin yung subdivision, nagkukwentuhan kami. Hindi ko na matandaan kung ano yung pinag-uusapan namin pero tawa kami nang tawa.

Biglang may tumawid na aso sa kalsada kaya pinihit ko yung preno at nagkauntugan kami. Halos parehas kaming nahilo sa lakas ng impact.

 

“Araaay,” angal ko at itinabi namin sa kalsada yung bisikleta.

“Ang sakit,” dagdag pa ni Chan-Chan hanggang sa may napansin siya. “Teka, sa’n na napunta yung—“

Hinimas ko yung batok ko para sana hilutin yung parteng masakit pero may nahawakan akong parang malagkit sa buhok ko. “Yuck! Nataihan yata ako ng ibon!”

Yun pala, yung bubble gum na yung nahawakan ko. Kung pa’no nadikit sa buhok ko yon, hindi ko alam. Siguro nakanganga si Chan-Chan dahil nagtatawanan nga kami bago nagkauntugan kaya kumapit yon, o kaya pinapalobo niya tapos pumutok nung nadikit sa buhok ko. Sinubukan pa naming tanggalin kahit puro laway ni Chan-Chan yon, pero lalo lang kumalat.

Parehas kaming napagalitan ng Nanay ko bago ako dinala sa bahay nung baklang nanggugupit.

Hindi siya binayaran ni Mama.

Kasi boycut ang ginawa niya sa’kin.

Grabeng pagpapaliwanag tuloy ang ginawa ni Mama sa Principal namin para lang hindi ako ma-suspend dahil bawal ang boycut don.

Sa totoo lang, mas gusto ko ng maikling buhok para hindi ko na laging inaayos. Wash and wear lang. Magaan pa sa ulo.

HATBABE?! Season1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon