Dai 39-shou

1.3K 107 10
                                    

"Inday," tawag ko kay Imelda. Inilibot ko ang aking mga mata sa paligid. Marahil may kasama pa siya dahil may mga yapak pa akong narinig. Humigpit ang hawak ko kay Hoshi. Hindi maaring madamay ang bata sa gulong ito. Naramdaman ko rin ang pagbigat ng hininga ni Imelda. Siguradong pareho kami ng iniisip ngayon. Hindi kaya't ang pangkat ni Lilia ang kasama namin ngayon?

Mas lumapit ako sa bintana kung sakaling may hindi inaasahang mangyari. Matagal na naming pinag-usapan kung anong gagawin namin kapag may pangyayaring katulad nito.

"Chotto matte ne." Pamilyar ang tinig na iyon. "Watashi desu."

Umalingawngaw ang kalansing ng punyal. "R-rita." Nanginginig ang tinig ni Imelda. "A-ang gasera."

Tila nahawa rin ako sa kanyang kaba. Nahihirapan ang kamay ko sa pagsindi ng gasera habang karga si Hoshi.

Para kaming nabuhusan ng malamig na tubig nang lumiwanag ang silid. Hindi makatayo si Imelda habang nakatingin kay Hide.

"Tadaima." Puminta ang ngiti sa mga labi ni Hide. Mabilis ang pagtulo ng mga luha ni Imelda nang ikulong siya ng kanyang iniibig sa isang mahigpit na yakap. "Gomen ne. Watashi wa okureta."

Sa isang iglap ay nag-iba ang tingin ni Imelda nang nahagilap niya si Luzviminda. Tahimik siyang nakatayo sa isang sulok habang tinitignan kami. "A-anong ginagawa mo dito?" Ibinaling niya ang tingin niya sa akin. Mas humigpit naman ang hawak ko kay Hoshi na ngayon ay kinukudot ang kanyang mata. Nagising siya dahil sa ingay.

"Ojitsuke ne," marahang wika ni Hide. "She helped me."

Napakunot ang noo ko sa sinabi ni Hide. Siya ang nagbigay ng mapa ng kampo sa pangkat ni Gani. Inatake ang kampo dahil sa impormasyong ibinigay niya. Bakit tinulungan niya si Hide?

"Kung itinatago mo si Gani, ilabas mo na siya." Ibinigay ko si Hoshi sa kanya ina. Pinulot ko ang punyal na nasa sahig at itinutok kay Luzviminda. "Hindi na ba sapat sa iyo na tinalikuran mo kami ng isang beses? Hanggang ngayon pa ba ay gusto mo kaming linlangin?" Naalala ko ang mga taong puno ng takot habang tumatakbo palayo ng baryo. Mas lalong humigpit ang hawak ko sa punyal nang gumunita sa akin ang ngiti ni Seiji habang pinagmamasdan ang rosaryong gawa sa mga buto ng Appaki na ibinigay ko sa kanya. "Ano pa ba ang gusto mo?"

Namula ang mukha ni Luzviminda. Dahan-dahan siyang napaupo sa sahig at sa oras na iyon, nagmistulang ilog ang kanyang mga mata. Ngayon ko lang siya nakitang umiyak. May kung anong pumatig sa puso nang maaninag ang kalagayan niya. May mga pilat ang kanyang mga braso. Labis rin siya umitim at malaki ang ipinayat niya. Hindi na siya ang dating Luzviminda na kinagigiliwan ng mga sundalong Amerikano. Hinigop ng mahirap ng karanasan ang kagandahang tinataglay niya.

Nabalik lang ako sa huwisyo dahil sa pag-iyak ni Hoshi. Nasa bisig siya ng kanyang amang naluluha. "He grew up fast."

"He looks like you," wika ni Imelda sa limitadong niyang Ingles.

Hinayaan ko muna ang pamilyang magsama-sama. Inilapag ko ang punyal sa isang istante. Lumapit ako kay Luzviminda. Hindi siya makatingin ng diretso sa akin. Tinulungan ko siyang tumayo bago ko sinindihan ang isang gasera. "Umupo muna tayo sa labas."

Inilapag ko ang gasera sa isang baitang ng hagdan. Umupo na rin ako habang pinagmamasdan ang mga gamu-gaming nahuhumaling sa apoy.

"Naalala ko ang aking sarili sa mga gamu-gamo." Tumabi sa akin si Luzviminda. "Labis akong nahumaling sa isang bagay pero sa huli ay nasaktan rin ako."

"A-anong nangyari sa inyo?" Akala ko ay masaya na silang namumuhay ni Gani sa kabundukan.

"Hindi ko inaasahan na ganoon ang mangyayari," panimula niya. "Ang alam ko ay susundin nila ang unang plano. Nakiusap kasi si Kapitan Saito na kung maari ay sa kanbundukan na lang gawin ang labanan. Hindi niya nais na may masaktang sibilyan."

Watashi no Ai (My Love)Where stories live. Discover now