Dai 40-shou

1.9K 129 39
                                    


Masasabi kong nakakabangon na ang lahat mula na giyera. Bumabalik na ang mga tao sa kanilang dating gawain bago pa nagsimula ang masamang panaginip.

Napagpasyahan naming patirahin na lang si Luzviminda sa aming tahanan. Medyo hindi pa payag si Eloy dahil sa nagawa ni Luz pero natakot yata siya sa mga banta ni Imelda.

Kinukulit pa rin ako ni George. Buwan-buwan siyang nagpapadala ng sulat kahit sinabi kong hanggang kaibigan lang ang turing ko sa kanya. Noong nakaraan ay may kasama pang isang kahon ng tsokolate. Tuwang-tuwa si Hoshi. Sa kanya ko ibinigay ang mga tsokolate. Kamukha niya ang kanyang ama kapag ngumingiti siya. Isang araw ay nadatnan ko si Inday na umiiyak habang yakap si Hoshi. Naalala niya si Hide sa kanilang anak.

May nagpaparamdam na rin kay Luzviminda. Si Ginoong Kayang, isang balo na may dalawang anak. Minsan pa ay ang mga bata pa ang nagdadala ng regalong galing sa kanilang ama. Inasar siya ni Eloy noong nakaraan kaya nabato siya nito ng sandok. Pero sa tingin ko ay may pagtingin din si Luzviminda sa kanya.

Nakatanggap naman si Eloy ng liham na hinahanap siya ng kanyang mga kamag-anak na nakatira sa syudad ng Baguio. Lingid sa aking kaalaman ay naikwento niya kami sa kanyang liham. Noon rin ay inimbitahan kami ng kanyang tiya na sumama kay Eloy papunta ng syudad. Sinabi nila na dahil itinuturing kami ni Eloy na kapatid ay ganoon din ang nararamdman nila sa amin.

Niyaya namin si Imelda na sumama sa amin pero tumanggi siya. Nais daw niyang manatili doon kung sakaling babalik pa si Hide lalo pa at malaki ang pag-asa niya dahil sa isang pangyayari. Labis siyang natuwa noong pinatawad ni Presidente Quirino ang mga sundalong Hapon. Ang mga sundalong walang ginawang mabigat na kasalanan ay pinauwi sa bansang Hapon at ang nakagawa ng labis na pagmamalupit ay binitay bilang parusa. Gayumpaman, marami pa ring nagalit sa desisyon ng presidente. May iba namang nakaramdam ng sitwasyon niya dahil nasawi rin ang kanilang pamilya sa kamay ng mga sundalong Hapon. Gaya ni Presidente Quirino, pinili nilang magpatawad.

Nais naman daw tulungan ni Luz si Imelda sa pag-alaga kay Hoshi lalo na at nakahanap ng trabaho si Imelda bilang tindera sa tindahan ng mga tela.

Nagpaalam na lang kami sa kanila ni Hoshi. Ayaw pa ngang mahiwalay ng bata sa kanyang Tiyo Eloy dahil wala na siyang kakampi kung sakaling sasapian ng halimaw ang nanay niya. Istriktang ina kasi si Imelda.

Masaya akong tinanggap ni Auntie Gracia at Uncle Ben sa pamilya. Nasabi ni Auntie Gracia na noon pa man ay gusto na niyang magkaroon ng anak na babae.

Tinulungan nila akong makapagtapos ng sekondarya. Kinumbinsi rin nila akong maging teacher - in- training sa Baguio Colleges. Nahihiya pa ako noong una pero sinabi nila na wala na rin lang silang papaaralin. Naging miyembro ng USAFFE ang kanilang dalawang anak na lalaki at nasawi sila sa giyera. Nais nilang ibigay sa amin ang magandang kinabukasan na hindi nila nagawa sa kanilang mga anak. Laking tuwa nila nang matapos ko ito. Agad nila akong ipinakilala sa kumpadre nilang namamahala ng isang iskwelahan. Ngayon, isa na na akong maestra sa elementarya.

Si Eloy naman ay pumapasok sa Baguio Technical and Commercial Institute. Nililihim pa niya kung ano ang pinag-aaralan niyang bokasyon. Nabatukan nga siya ni Auntie Gracia dahil dito.

"O, ano na naman iyan? " tanong ni Auntie Gracia na naghahanda ng tanghalian. "Huwag mong sabihing may kikitain ka? Sabihin mo munang dumalaw dito sa bahay."

Ibinaba naman ni Uncle Ben ang hawak na periodico. "Kung mag-aasawa man ay hayaan mo na. Tutal nasa edad naman na."

"May hinihintay 'yan," sawsaw ni Eloy sa usapan. Pinandilatan ko siya ng mata.

Watashi no Ai (My Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon