Dai 24-shou

1.9K 145 36
                                    

Nabalot ng pag-aalala ang kampo dahil ilang araw nang hindi bumabalik ang mga kalalakihan mula sa kanilang paglalakbay. May ilang ugong-ugong na pataksil daw silang inatake ng mga gerilyang hindi kakampi ng mga Amerikano o ng mga nagtatagong Hapon sa kabundukan.  Naging mas agresibo kasi ang mga pwersang Hapon dahil unti-unting nababawi ang mga probinsyang sinasakupan nila. Napangiti ako dahil sa wakas ay unti-unti nang bumabalik ang kalayaan ng bansa ngunit agad  din itong napawi nang maisip ko ang mga taong napalapit sa akin na  itinuturing na  kaaway ng bansa.

"Isara mo na 'yang bintana," paninita sa akin ni Luzviminda. "Pumapasok ang hamog." Tumingin siya sa akin ng nanunukso.  "Iisang langit man ang tinitignan ninyo, hindi  pa rin mawawala ang katotohanang malayo kayo sa isa't isa."

"Si George ba ang tinutukoy mo, Ate?" singit ni Eloy na nagkakape habang nakatingin sa pahayagang nakuha ng isang lalaki mula sa kabilang bayan.  Pilit niyang iniintindi ang mga paksa  sa gabay ng isang maliit na lampara.

Napairap na lang si Luzviminda. "Matulog ka na nga lang.  Baka mahabag pa  sa iyo ang langit at bigyan ka  ng pagkakataong tumangkad. H'wag mong piliting magbasa sa dilim at hindi ka naman tatalino dyan." Tumingin siya sa akin. "Ikaw rin. Matulog ka na."

Nanatili ako sa aking pwesto habang pinapanood ang pagsayaw ng alab sa loob ng lampara. Natanaw ko ang  pagpasok ni Eloy sa kanyang silid samantalang nakaupo  naman si Luzviminda sa harap ko. 

"Matulog ka na," wika niya. "Masama sa tao ang mag-isip masyado. Nakakamatay."

Natawa na lang ako sa sinabi niya.  "Kung magsalita ka para kang nabuhay ng ilang libong taon."  May mga  panahon na parang padalos-dalos sa pananalita si Luzviminda ngunit kung iisiping mabuti, puno ito ng mensahe. "May dunong ang mga salita mo kahit pa may bahid ng kalokohan."

Umiling siya. "Hindi taon ang basehan sa talino kundi ang karanasan. May mga taong nabuhay ng ilang taon ngunit natakot silang lumabas mula sa kanilang limitasyon. May ilang tao ring nabuhay ng ilang taon pero  sumubok at doon  sila natuto." Pumasok siya sa silid at humiga sa tabi ko.  "Nakalimutan mong isara 'yong bintana." Itinuro niya ang bintana. Tatayo sana siya para isara ito ngunit pinigilan ko siya.

"Pwede bang hayaan muna natin?" pakiusap ko.  Maaliwalas  ang gabi ngayon. Maraming bituin sa langit na mistulang mga kristal na nakadikit sa isang itim na tela.

"Sige." Nagkibit-balikat siya. "Wala akong kasalanan kong mahamugan ka at magkasipon."  Bumalik siya sa kanyang upuan. Kinuha niya ang bungkos ng kangkong at sinimulan ang pag-alis ng mga matigas na parte ng tangkay at gulang na mga dahon. "Sinabi kay Eloy na ayusin ang pagpili ng talbos. Hindi ko alam kung anong magyayari sa batang iyon kapag mag-aasawa na," reklamo niya.

"Luzviminda," tawag ko sa kanya.  Ilang araw ko ein itong iniisip. Hindi naman kasi malabong mangyari ito. "Ano sa tingin mo? H-hindi naman lahat ng Hapon ay masasama. Anong mangyayari kaya  sa kanila kapag natalo sila sa digmaan?"

Nahinto siya sa kanyang gawain at tinignan ako sa mata. "Kung labis kang nag-aalala bakit hindi mo siya hanapin? Ang sagot sa tanong mo? Dalawang bagay lang naman ang pwedeng mangyari sa kanila. Una, mamatay dahil sa pakikipaglaban at pangawala, babalik sila sa kanilang bansa kung susuko sila."

Bumilis ang tibok sa puso ko nang sinabi niya ang sagot. Hindi ko maipaliwanang ang dahilan kung bakit nabalot ako ng lungkot at pangamba.

"Bakit namutla ka yata?" Binigyan niya ako ng mapanuring tingin.

"H-hindi ko rin alam."

"Hay…ano ba 'yan?" Puna niya na parang pasan niya ang lahat ng problema sa muna. "Rita, nakababatang kapatid ang turing ko sa iyo at alam mo iyan. Sa tingin ko pinapahirapan mo lang ang sarili mo. Sabi sa akin ng lola ko, "Minsan ang pinakamalakas na bulong na hindi napapansin ay bulong ng puso." Inayos niya ang bungkos ng kangkong at inilagay sa tabi. "Matulog ka na at baka hindi rin makatulog ang taong iniisip mo."

Watashi no Ai (My Love)Where stories live. Discover now