Dai 4-shou

3.8K 197 18
                                    

Magkatabing nakadapa sina tatay at Kuya Ador na naliligo sa sarili nilang dugo.  Nakaramdam ako ng kirot sa aking puso habang pinagmamasdan sila. 

''R-Rita.'' Lumingon ako sa pinanggalingan ng tinig at nakita ko si nanay na nakasandal sa pader habang kandong ang walang buhay na si Martin. Unti-unting  bumabagsak ang talukap ng kanyang mga mata habang nagdurugo ang sugat niya sa dibdib.  Tumulo ang mga  butil ng luha sa aking mga mata.  Lalapitan ko sana si nanay pero hindi makagalaw sa aking kinatatayuan.  Hindi ko napansin na pinalilibutan ng kadena ang aking mga kamay at paa. 

"Nanay,"  tawag ko sa kanyang.  Pabagal ng pabagal nang pabagal ang kanyang paghinga. Bumilis ang pagtibok ng aking puso sa huling salitang binulong niya bago siya malagutan ng hininga.

Napaupo ako sa kama habang pinapabagal ang aking paghinga.  Medyo malamig din ang aking pakiramdam dahil sa suot kong basa sa pawis.  Tumingin ako sa kanang sulok ng silid kung saan nakatulog ang sundalo.  Bumalik sa akin ang huling salitang sinambit ni nanay.  Marahil ito ang bagay na kailangan nila ngayon.  Bumalik ako sa pagkakahiga at nag-ipon ng tapang sa aking puso. 


Naputol ang aking panaginip dahil sa langitngit mula sa pagbubukas-sara ng aparador.  Limang araw ko nang paulit-ulit na napapanaginipan iyon at sa bawat araw ay parang ladrilyong nagpapatong-patong ang pagkakasala ko sa kanila. Nakabalik ako sa reyalidad dahil sa isang pagtikhim.  Naaninag ko sa tulong ng kahel na liwanag ng lampara ang sundalong nakatayo sa harap ng mesa habang abala siya sa pagbubutones ng kanyang uniporme. 

"Huwag kang lalabas sa silid na ito kung ayaw mong mamatay," sambit niya gamit ang kanyang malamig na tinig.  Hindi niya inaalis ang tingin niya sa kanyang damit.  "Kung may kailangan ka,  tawagin mo lang si Yusuke. Hindi ka niya sasaktan." Humarap siya at tinignan ako na nakahiga pa lang sa kama.   Bumalikwas ako at mabilis na nagtungo sa sulok ng silid na malayo sa kama. 

Nagkasalubong ang mga kilay niya at binigyan ako ng kakaibang tingin.  Huminga siya ng malalim at binaling sa baril ang kanyang atensyon. ''Kung sa tingin mo ay may binabalak akong hindi maganda,  pasensya na at mapili ako sa babae,"  sambit niya. 

Nakaramdam ako ng inis sa pananalita niya.  Mananatili sana akong tahimik pero binagabag ako ng isang tanong. "Paano ka nakakapagsalita ng salita namin?"

Lumingon siya sa akin na walang emosyon sa mukha.  "Natural lang kasi may dugo akong Pilipino."

"Anong pangalan mo? "

Lumukot ang mukha niya sa tanong ko na parang hindi makapaniwala sa kanyang narinig. "Seiji Saitou." Maikli niyang sagot habang nililinis ang kanyang baril gamit ang puting tela.  "Kung may tanong ka pa,  wala na akong panahon para sagutin iyon," dagdag niya habang hindi inaalis ang tingin sa baril niya. 

Tumigil muna siya sa pintuan bago siya umalis.  Binigyan niya ako ng naiinsultong tingin. "Wala akong tiwala sa kukote mo kaya uulitin ko.  Kung ayaw mong mamatay,  huwag kang lalabas sa silid na ito kahit ano mang marinig mo sa labas. " Malakas ang pagkasara niya sa pinto at unti-unti nang naglaho ang kanyang mga yabag. 

Ala sais ng umaga nang kumatok si Yusuke na may dalang pagkain. "Ohayo gozaimasu," sambit niya.  Saglit siyang tumigil sa harap ng pintuan na tila malalim ang iniisip.  "Go-good morning," wika niya sa kanyang kakaibang tuldik. "Eigo o hanashimasu ka? (Do you speak English?)" Tinignan ko lang siya. "Ingrish?" Tumango ako bilang pagsagot.  "Food.  You eat," sabi niya pagkalapag niya ng  isang mangkok ng kanin, sabaw,  at ginisang gulay sa mesa. "Douzo." Yumuko siya at lumabas ng silid. 

Nakatingin ako sa pagkain na binigay sa akin ni Yusuke.  Lumamig na ang kanin at ang sabaw.  Ilang araw na rin akong hindi makakain ng maayos.  Naalala ko noong isang araw na tinutukan pa ako ni Seiji ng baril para kumain ako.  Paulit-ulit din niyang sinabing wala siyang balak na lasunin ako dahil maari nila akong gamitin sa pagkalap ng impormasyon. 

Watashi no Ai (My Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon