Dai 34-shou

1.4K 108 17
                                    

Napasinghap ako nang tapikin ni Inday ang balikat ko. Lumapit  sa amin ang isang sundalo para tignan kung anong nangyari.  Umalis din siya agad ng masiguradong maayos ang lahat.  Kakaiba  ang tingin sa akin ni Inday nang marinig namin ang  pahinang pagbukas-sara ng pinto ni Seiji. 

"Ang lalim kasi ng iniisip mo," wika niya.  Kinuha niya ang isang damit  at sinimulang tupiin. 

"Hindi naman."

Umikot ang  mga mata niya. "Pareho talaga kayo ni kapitan.  Pilit man ninyong itago ang bumabagabag sa inyo, nakikita pa rin ito." Lumingon siya sa paligid.  "Oy,  kausapin mo kaya. Mukhang kailangan niya ng kausap.  Malaki ang respeto ng  ibang sundalo sa kanya kaya nahihiya silang magtanong. Ang iba naman ay may galit." Marahan niya akong siniko sa tagiliran.  "Nakasalalay sa iyo ang lahat bilang ina ng kampo." Ipit siyang humagikhik. Ang paghampas ko sa kanyang balikat ang nagpatigil sa kanya. 

Nag-ipon muna ako ng lakas bago kumatok sa pinto ni Seiji. 

"Ohairi (Come in)." Walang emosyon ang tono niya pero napaghahalata ang kanyang pagod. 

"Psst." Saglit na nabaling ang pansin ko kay Inday na tahimik na pumapalakpak.  Tila nasasabik siya sa susunod na mangyayari.

Sa totoo lang, masaya ako na nandito si Inday. Hindi  kasi ako makakuha ng lakas para kausapin si Seiji.  Pilit ko siyang iniintindi pero may mga bagay na hindi ko talaga maintindihan. 

"Seiji." Saglit siyang tumingin sa akin tsaka ibinalik ang  pansin sa  mapa na nakalatag sa mesa.  "P-paumanhin pala sa sinabi ko."  Tumango lang siya bilang pagtungon.  "Pasensya na at naging padalos-dalos ako." Medyo alanganin  akong ipakita ito sa kanya.  "S-Seiji."  Tinignan niya ako sa mata.  Ngayon nakakunot  ang mga noo niya.  "Kung hindi mo mamasamain, gusto ko lang malaman kung ano ito."

Napapikit siya nang makita ang papel na inilagay ko sa ibabaw ng mesa.  "N-naiwan mo iyan."

"Nabasa mo ba? " tanong niya sa malamig na tono. 

"O-oo."

Kinuha niya ang papel at ipasok sa kanyang bulsa.  "Ngayon,  may ideya ka na sa nangyayari."

"Kaya humihingi ulit ako ng paumanhin." Bago ako umalis,  lumingon muna ako sa kanya.  "Seiji,  hindi mo kasalanan ang nangyari kay Felipe at Mang Leonicio."  Bumilis ang tibok ng puso ko.  "H-hindi mo ginusto iyon.  Alam kong hindi magugustuhan nila Mang Leonicio na nakalubog sa kalungkutan ang hinahangaan nilang kapitan.  Nais nilang protektahan mo ang bayang ito."

Muntik akong mapasigaw nang dumampi sa aking tiyan ang tainga ni Inday.  Nakikinig pala siya sa usapan namin.  Itinulak ko siya kaunti.  Napangiti  siya ng mapansing nakalabas na ako ng silid.

"Ako na ang maghahatid ng mga uniporme."  Pabiro niya akong siniko sa tagiliran.  "Bayad na iyon sa  natunghayan kong romansa ngayong araw." Ipit pa siyang tumawa. 

"Ahou onna (Stupid woman), " bulong ni Hide sa gilid.  Hindi ko napansin na nakatayo siya  malapit sa istante habang nagbabasa ng libro.  Umiling-iling siya at  pumasok sa kanyang silid.   Namamalik-mata yata ako dahil bahagyang nakaangat ang labi niya. 



Pag-uwi ko sa kubo ay sumalubong sa aking ang pagnguso ni Eloy sa direksyon ni Luz. Nakaupo  na naman siya sa kama at nakatitig sa bintana. Ilang beses rin kaming nagtuturuan kung sino ang magtatanong kung saan  siya nagpunta noong nawala siya.   Noong nakaraang araw ay napansin ko ang mga pasa sa kanyang braso.  Nangingitim na ang mga ito.  Malaki ang aming pag-aalala  kung anong sinapit niya pero nanliliit ito  kapag haharap na kami sa kanya.

Labis kaming nagtaka nang tumakbo siya palabas.  Agad binitawan ni Eloy ang hawak na sitaw na para sana sa hapunan namin.  Nadatnan kong hawak niya niya ang buhok ni Luz na sumusuka sa gilid ng bakuran. 

"Ang selan naman ng tiyan mo! " puna ni Eloy.  "Ilang araw ka nang ganyan.   Kung saan-saan ka kasi nagpupunta kaya kinakapitan ka ng sakit." Kita ang inis sa mukha niya. "Paano kung kolera iyan? Ha?"

Inalalayan siya ni  Eloy na umupo  sa bangkuan. Inabutan ko si Luz ng panyo.   Pinunasan niya ang kanya bibig pagkatapos ay tumitig sa kawalan.  Ilang araw na rin siyang ganito. 

Umupo ako sa tabi niya. "Luz,  anong-"

Bigla siyang tumayo.  "M-maninigarilyo muna ako." Dinampot ng kanyang nanginginig na mga kamay ang kahon ng  sigarilyo.

Mabilis na kinuha ni Eloy ang sigarilyo at ihinagis sa malayo.  "Ang tigas talaga ng ulo mo." Napakamot siya sa ulo.  "Dudumuduwal at sumusuka ka na nga,  sigarilyo pa rin ang iniisip mo. "

Walang imik si Luz na tumayo at umalis ng bahay. 

Nagtinginan na lang kami ni Eloy.  "Mukhang ayaw magsalita," wika niya.  "Hayaan na lang natin. Malaki na siya. Hindi na siya bata."

Sa labas ay parang walang paki-alam itong si Eloy sa amin pero ngayon, nakasunod kami kay Luz kahit mag-gagabi na.  Napatawa na lang ako sa ugali niya. 

"Ate, " bulong sa akin ni Eloy pagkatapos naming batiin ang isang sundalo.   "Anong tinatawa-tawa mo dyan?" Nasa bayan kami kaya maraming sundalong nagbabantay. "Sa tingin mo,  saan kaya nag-susuot itong si Ate Luz?"

"Hindi ko alam," sagot ko.  "Bakit hindi mo kasi diretsahang tinanong?" May dumaan sa harap ko.  Nabaling ang tingin ko isang bilao ng bikong dala niya.  Parang gusto kong kumain ng ganoon. 

Marahan akong siniko ni Eloy may itinuro.  "Ate,  si Ate Luz." Si Luz ay may kausap na nakasuot ng salakot.  Hindi kaya si George?  May napadaang grupo ng mga bata kaya hindi ko lubusang nakita ang pigura niya. 

"George?" Paano kaya? Mas humigpit pa ang pagbabantay kaya paano siya nakalusot. 

"Hindi si Private George 'yon, " puna ni Eloy.  "Matangkad si Private George at hindi lalabas iyon, masyadong mahigpit ang pagbabantay." Nakatingin  pa rin kami sa direksyon nila Luz.  "Maingat si Private George.  Isang beses lang siyang nagpadalos-dalos."  Kumindat siya sa akin.  Alam kung pinapaalala  niya ang nangyari noon. 

Pabulong  siya nagmura ng iangat ng taong iyong ang suot niyang salakot.  "Anong binabalak nila at nandito sila?" Hinila ako pabalik ni Eloy.  "Kailangan na nating bumalik." Para kaming lumilipad dahil sa bilis ng lakad namin.  "Bakit ba kasama ni Ate Luz ang babaeng iyon? "

Tsaka lang ako binitawan ni Eloy nang makarating na kami sa kubo.  "Anong nasa isip niya?!" Napahampas siya sa dingding.  "Babaeng iyon!"

"Eloy..."

"Si Lilia iyong kasama niya ate, " bulong ni Eloy.  "Isa siya sa mga opisyal ni Kapitana Banang. Kung natatandaan mo,  kasama siya sa inutusang papatay sana sa iyo."

Naalala ko ang babaeng nakasagutan ko sa kampo ng mga gerilya.  Nagkuyom ang aking mga palad. 

"Hindi naman masama na ipaglaban ang kalayaan pero..." Tinapik-tapik ko siya sa balikat para pakalmahin.  "Ate,  hindi mo ba narinig ang bali-balita? " Napatigil ako sa sinabi niya.  " Kung paano nila kinasusuklaman ang mga Pilipinong sumusuporta sa hukbo ng mga Amerikano at Pilipino?" Pilit niyang pinapakalma ang sarili sa pamamagitan ng paghinga ng malalim. Nagsalin ako ng tubig mula sa banga at ibinigay sa kanya. "Salamat."

"Mas maganda siguro kung  sa kampo ka muna. Alam natin pareho na mainit ang mata nila sa iyo." Tumayo siya at  kinuha ang sombrerong nakasabit sa dingding.  "Ate,  huwag mo munang sabihin kay Ate Luz  ang nalaman natin o kaya mas mabuti pang kalimutan mo ito. "

"Ang alin? " Nabaling ang atensyon namin kay Luz na may hawak na bayong.  Nakatayo siya sa pintuan at nagtatakang nakatingin sa amin.  "Ano ang hindi ko dapat malaman?"

Kinuha ni Eloy ang sumbrero niyang nakasabit malapit sa pintuan.  "Na aakyat ako ng ligaw kay Mercedes." Kumaway siya sa amin.  "Alis muna ako. Susunduin ko  siya sa kabilang baryo." 

Tumango siya sa akin.  Sa tingin ko ay matatagalan ang kanyang pagbalik. 

***

Hey guys!

Thank you po sa lahat ng comments and nag-send ng messages sa FB. I'll do my best po to finish this story. 

Sorry. I was gone for a long time.  I accidentally deleted my drafts when I cleared my phone storage. 

Again,  thank you.

-J

Watashi no Ai (My Love)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora