Dai 19-shou

2K 134 15
                                    

"K-kailangan ba natin siyang piringan at igapos?" tanong ng isang nanginginig na tinig. "Na-nawalan naman na po  siya ng malay."

"Tumahimik ka nga Eloy!" iritadong tugon ng pamilyar na boses. Pilit inalala ng utak ko kung saan ko ito narinig.  Napasinghap ako nang mas lalo niyang hinigpitan ang pagtali sa mga kamay ko. "Tignan mo. Gising na ang isang ito." Hinila niya ang tali. "Tayo!"

Sa unang beses ay nawalan ako ng balanse.  Muntikan na akong matumba pero may humawak sa akin sa balikat at itinayo ako ng maayos. "Pasensya na po Ate Rita," bulong niya. "Kailangan ko po itong gawin."

Si Eloy ang  naging mga mata ko habang sa aming paglalakbay.  Nakasuporta siya sa likuran ko habang sinasabi kung ano ang dapat kong iwasan sa daan. Sa kabilang banda ay parang naiinis ang lalaking humihila ng tali. Ilang beses din siyang sumigaw para pabilisin ang aming paglalakad.

"Nandito na po tayo," wika ni Eloy nang napahinto kami sa paglalakad.

Muli kong nasilayan ang liwanag pagkaalis ng telang nakapiring sa aking mga mata. Nabaling ang aking tingin sa aking mga kamay na nakagapos gamit  ang lubid na gawa sa abaka, namumula na ito at humahapdi.

"Pasok," sambit ng lalaki.

Ramdam ko ang mga matang nagmamasid sa bawat galaw ko. Ganoon din ang mga bibig ng baril na handang tumapos sa akin sa oras na may magawa akong mali.

"Pasok," ulit ng lalaki sa mas malakas na tono kumpara sa nauna. "Bilis," sambit niya bago niya ako itinulak papasok ng dampa.

Pinilit kong alalahanin ang mga pangyayari bago ako nakarating dito. Nasa pagpupulong kami kung paano mabibigyan ng solusyon ang kakulangan sa pagkain nang may binatilyong humingi ng tulong. Napalingon ako sa direksyon ni Eloy na agad iniwas ang titig at yumuko.

"Rita."  Tumingin ako sa pinagmulan ng boses. Nakatayo siya sa tabi ng isang babae na nakaupo sa silyang gawa sa kawayan.

"G-Gani?" sambit ko at tinugunan niya ito  ng tingin na  puno ng disgusto.

"Siya ba ang babaeng tinutukoy mo?" tanong ng babae. Nakakatindig balahibo ang pagbitaw niya ng mga salita.

"Siya nga po kapitana," sagot ni Gani ng puno ng galang.

Nagkasalubong ang mga kilay ko sa aking narinig. Ang  pagkakaalala ko ay sa hukbo nila George  siya sumapi. Sumagi sa isip ko ang mga sinabi ng batang bihag na siya ang naging dahilan kung bakit ako napagbintangan. "Hindi ba sa pangkat ka nila George?"

Naipinta ang pait sa kanyang mukha at nagkuyom ang kanyang mga palad. "Hinding-hindi na ako magpapakasunud-sunuran sa isang Amerikanong inuuna ang personal na interes-" Iniangat ng babae ang kanyang kamay na nagpatigil sa bibig ni Gani.

"Kung tama ang alala ko, binibini, ay bihag ka rin ng mga sundalong Hapon," sambit niya. Nagdalawang-isip akong tumango bilang pagsagot. Hindi ko alam kung bihag bang maituturing ang kalagayan ko.

Binaling niya ang tingin niya sa kanan. Isa-isang lumapit ang tatlong babae na armado ng mga riple.   Maihahawig sila sa  rosas na nagsasaboy ng kagandahan ngunit may panganib na kalakip dahil sa mga tinik na nakapalibot sa tangkay nito. "Gaya mo ay  naging bihag din kami ng mga sundalong Hapon. Hindi namin matanggap kung paano kami binaboy." Sumalamin sa kanyang mata ang pait at sakit. "Hindi lang bayang sinilangan ang kinuha nila sa atin kundi pati ang ating pagkatao."

May kung anong hindi matahimik sa puso ko gawa ng mga sinabi niya. "Ngunit hindi sila pare-pareho. Ang mga nakasalamuha ko ay hindi katulad ng mga nanakit sa inyo," sagot ko na nagpatayo sa babaeng tinawag nilang kapitana. Umalingaw-ngaw ang pagkasa ng mga riple. Nanlamig ang katawan ko nang itinutok ang  mga bibig ng baril  sa direksyon ko.  Ikinumpas niya ang kanyang kamay at ibinaba naman ng kanyang mga kasamahan ang kanilang armas.

Watashi no Ai (My Love)Where stories live. Discover now