Dai 11-shou

2.6K 141 16
                                    

Dumadalaw ang mga alaala sa isip ko habang pinagmamasdan ang rosaryong  nakasabit sa leeg ko.  Gawa ito sa mga butil ng Appaki na matiyagang tinahi ni nanay para maging rosaryo.  Binigay  niya ito sa amin bilang  paalala na dapat pagtibayin namin ang pananampalataya sa Diyos. Minsan nakakatawang isipin na ang isang maliit na bagay ay kayang magtago ng napakaraming alaala. 

Mabilis kong itinago ang  sa ilalim  ng blusa ko nang bumukas ang pinto at pumasok si Seiji. Hindi pa pala ako nagpapasalamat sa kanya. Paano kaya niya nahanap  itong rosaryo?

Hinila niya ang  silya sa tabi ng bintana at pumuwesto.  Binuklat niya ang librong sa tingin ko ay paulit-uliti lang niyang binabasa.

"Seiji," tawag ko sa kanya. Gusto ko lang sana siyang  kausapin. Sa tingin ko kailangan  ko ng pahintulot niya bago ako pumunta sa ospital.

Sinara niya ang hawak-hawak na libro tsaka humarap sa akin. Iniwas ko ang  mga mata ko sa nakakamatay na mga tingin ni Seiji.

"Lalabas ka?" tanong niya sa akin.

Tumango ako bilang pagsagot.   "Da-dadalawin k-ko sana 'yong lola na nakausap ko sa pagamutan noong nakaraang araw. "  Nanatili ang mga mata niya sa akin na parang naghihintay pa ng mas maayos na paliwanag.  Nagpaligsahan sa aking noo ang mga malamig na butil ng pawis kasabay ng paglambot  ng aking mga tuhod.   "Ka-kawawa kasi siya. Walang dumadalaw sa kanya."

"Hindi ka nagdududa?" Napailing siya nang hindi ako makasagot sa tanong niya.  " Paano kung isa siya sa mga sumusuporta sa mga rebelde?"

Pakiramdam ko ngayon para akong isang daga na nakaharap sa isang leon.  Kahit kalmado ang pagkakatanong niya,  nakapagbibigay pa rin ito ng takot. 

"Paano mo nalaman na hindi siya nagsisinungaling? " dagdag niya.

Iniwas ko ang mga mata ko sa mapanuri niyang tingin.  "Nakatingin siya sa mga mata ko habang kinakausap ako."

Napabuntong-hininga siya sa sagot ko.  Hindi ko na aasahan na papayagan niya akong makalabas.  Bumilis ang tibok ng maramdamang papalapit siya sa akin. 

"Ito."  Inabot niya sa akin ang isang panyo katulad nito ang puting tela na nakatali sa braso ng tagapagsalin ng kanilang pinuno.

Hindi ako nag-atubiling tanggapin iyon.  Alam kung may dahilan kung bakit niya ibinigay ito.  "Salamat."
Tinignan lang niya ako bago bumalik sa kanyang pwesto. 

Minsan, may mga bagay talaga na hindi kayang gawin ng taong mag-isa katulad ng pagpiga ng kalalabang makapal na kumot,  at pagsayaw ng tango.  Katulad din nito ang kalagayan ko ngayon,  hindi ko matali-tali ang tela sa braso ko.  Bukod sa maluwang ang pagkatali ko at nalalaglag ito. Medyo madulas  din ang tela na mas nagpapahirap pa sa kalagayan ko. 

"Wala ka ba talagang kayang gawin ng mag-isa?" May bahid ng pagkairita ang boses ni Seiji. Lumapit siya sa akin at tinali ang tela sa braso ko. Hindi ko alam kung bakit ako tumingala at sakto namang nagtama ang mga mata namin.  Mabilis kong iniwas ang tingin ko sa kanya at ipinako na lang ito sa sahig.  Nagpasalamat muna ako sa kanya bao umalis.  Bago pa ako makalabas ng silid, tinapik niya ako sa balikat. 

"Mahiya ka, " sambit niya.  "Dadalaw ka sa maysakit na walang dala." Dinukot niya ang isang bilot ng papel  mula sa kanyang bulsa at inabot sa akin. 

"Ano 'to?" Nagkibit balikat na lang siya sa tanong ko bago siya bumalik sa kanyang pwesto. 




Parang ngayon lang ulit ako nakabalik sa reyalidad.  Nagkaroon ng bagong salapi sa pamumuno ng mga Hapon.  Simbolo ito na nasa ilalim na ng kapangyarihan ng bansang Hapon ang Pilipinas.  Nakwento sa akin din ni Seiji na may nga bagong opisyal ng gobyerno noong nagtanong ako kung anong nagyayari sa labas.  Kung hindi ako nagkakamali ay Jose P.  Laurel ang pangalan ng bagong presidente.  Naputol ako sa pag-iisip nang madaanan ang isang tindahan ng mga miryenda. 

Watashi no Ai (My Love)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang