Dai 21-shou

1.9K 139 14
                                    

Nadatnan ko si Eloy sa kusina na naghahain ng agahan.  Nakalapag sa mesa ang isang plato ng kanin at isang mangkok ng ginisang talbos ng kamote.

"Kain na po ate," yaya niya sa akin nang mapansin niyang nakatayo ako malapit sa mesa. "Mabuti po at  nagbigay si Kuya Lucio na talbos ng kamote. Pagtiyagaan na lang po natin."

Umupo ako  sa bangkong gawa sa kawayan. Inabutan ako ng Eloy ng pinggan. "Iparating mo  pasasalamat ko kay Ginoong Lucio."  Tinugunan niya lang ito ng ngiti at tango.

Tahimik naming pinagsasaluhan ang simpleng agahan. Halatang naging mahigpit ang mga magulang ni Eloy sa pagdidisiplina sa kanya sapagkat malinis ang kanyang pinagkainan. Wala ni isang butil ng kanin ang natira.

"Na-nakita  po kitang kausap ang tinaguriang babaeng bayaran ng kampo," basag niya sa katahimikan.  May pag-aalangan sa kanyang tinig at hindi niya ako matignan ng diretso.  "Ma-maraming  pong  nagsasabing isa siyang masamang impluwensiya sa mga kababaihan. Huwag mo po sanang masamain pero   mas mabuti  raw po kung umiwas ka sa kanya."

"Ano naman ang nakikita  nilang masama sa kanya?"

Namula ang kanyang mga tainga. "I-iyon lang po ang sinabi ng mga kasamahan natin dito sa kampo."   Tumayo siya at binitbit ang kanyang pinagkainan. "Ma-may gagawin pa po ako."  Nagmadali siyang umalis.

May dalawang katotohanan sa buhay. Una ay  mabilis magbigay ng panghuhusga ang mga tao kahit  na hindi pa  alam ang tunay na kwento.  Pangalawa, naniniwala na tayo agad  sa sinasabi ng iba. Kung  ako ang tatanungin  ay may pagmamalasakit si Luzviminda sa mga nakababatang kababaihan. Ngunit sa likod ng kanyang mga salita at kaunting pirasong nalalaman ko tungkol sa kanya, alam kong may mas malalim pa siyang pinagdadaanan.


Mayamaya ay narinig akong pagkatok sa pinto. Mabilis kong binuksan ang pinto at labis akong nagulat kung sino ang nasa aking harapan. Marumi ang punit-punit ang kasuotan ni Luzviminda at makikita ang pagod sa kanyang mga mata. Wala pang limang segundo ay  nawalan siya ng balanse at bumagsak sa lupa. 

Sinubukan ko siyang buhatin ngunit masyado siyang mabigat. Napatingin ako sa dalawang Amerikanong sundalo na walang suot na pantaas. Marahil ay sila ang huli niyang nakasama. Nagtama ang mata namin ng isa sa kanila ngunit agad rin niya itong iniwas at nagpatuloy sa paglalakad. May ilang kapwa Pilipino ang nakakita ng sitwasyon ngunit mas pinili nilang huwag na itong pansinin at tinapunan lang siya ng tingin na may bahid ng panghuhusga at pandidiri.

Nakaramdam ako ng pananakit sa braso nang maihiga ko siya sa higaang kawayan. Puno ng butil ng pawis ang kanyang noo at mabagal at mabigat ang paghinga niya. Linapat ko ang aking kamay sa kanyang noo.

"May lagnat ka Luzviminda," saad ko.

Iminulat niya ang kanyang mga mata tsaka umiling. "Kulang lang ako sa tulog."  Akma siyang babangon ngunit mabilis ko siyang pinigilan.

"Maawa ka sa katawan mo," saway ko. "Ang kasangkapan nga ay nasisira kapag laging nagagamit. Paano pa kaya ang katawan ng tao?"

Pagkatapos kong sabihin iyon ay nangaligkig siya kasabay ng pagbilis ng kanyang paghinga. Kinumutan ko siya at linagyan ng basang panyo ang kanyang noo. Ilang minuto ko rin siyang binabanyusan ngunit hindi pa rin bumubuti ang kanyang kalagayan.

"Sandali lang." Hinaplos ko ang kanyang ulo. "Magtatawag lang ako ng manghihilot."

Paglabas ko ng dampa ay  umagaw sa aking pansin ang mga taong nakatingin sa kalangitan na parang nanonood ng isang palabas.

"Nandito na sila," sambit ng batang babae na nakatayo sa tabi ko.

Sinundan ko ang direksyon kung saan sila nakatingin. May isang sasakyang panghimpapawid ang paikot-ikot sa ere. 'Di nagtagal ay may inilaglag itong tatlong malalaking kahon na nakakabit sa tig-isang parakaida.

"Bata," tawag ko sa batang babae. "May kakilala ka bang manghihilot?"

Tumango siya at lumingon sa isang matandang babae na nakaupo sa ilalim ng punong mangga. "Lola, may naghahanap po sa inyo."

Nanlaki ang aking mga mata nang lumapit sa amin ang matandang babae. Nanigkit ang kanyang mga mata nang binalingan niya ako ng ngiti.

"Muli tayong nagkita iha," sambit niya.

"L-lola Puring!" Lumapit  ako at yinakap siya  ng mahigpit. "Bigla lang po kayong nawala sa pagamutan."

"Mahabang kwento hija," sagot niya pagkakalas namin sa yakap. "Ano ang maitutulong ko sa iyo?"

Sinabi ko sa kanya ang kalagayan ni Luzviminda habang pabalik sa kubo.   Lumungkot ang mukha niya nang nasilayan ang kalagayan ng dalaga.

Linabas niya ang bote ng langis na may lamang halamang gamot at sinimulan  ang paghihilot sa dalaga.  "Kawawang bata."

Habang abala si Lola Puring sa panghihilot, may kumatok sa pinto. Mabilis ko itong tinignan.

"Good day!" bati ng sundalong Amerikano. "I heard that the girl who was with us is here. Is she okay?"

Bago pa ako nakasagot ay tumawa ang kanyang kasamahan. "Stop it. You were so hard on her. Don't expect her dancing around chasing butterflies."

Napangiti lang siya at umiling.  "By the way, here's a small present  for her." Inilapag nila ang  berdeng sako na gawa sa tela. "Tell her, she needs a lot of rest and we would like to  have a good time with her one of these days." Kinindatan pa ako ng isa sa kanila bago sila umalis.

Linapag ko muna ang sako sa tabi ng pinto at umupo sa bangko. Ilang bata ang nagkumpulan sa tabi ng isang sundalong namimigay ng mga malilit na pakete ng sikulate. May isang batang babae na nakasuot  lamang ng pang-itaas na damit.  Marahan siyang hinila ng sundalong  may  kantandaan. Ipinalibot niya ang isang berdeng tuwalya sa bewang ng bata.

" Mabuti na ang kalagayan niya." Lumingon ako sa pintuan at nginitian si Lola Puring.

"Maraming salamat po." Umusog ako ng kaunti. "Upo po kayo."

Magiliw niyang tinanggap ang aking alok. Napansin kong mas maaliwalas ang mukha niya kumpara noong namamalagi pa siya sa pagamutan.

"Mabait na bata si Luzviminda," sabi niya. "Sa maikli panahon ko dito, masasabi kong busilak ang kanyang puso."

Hindi nagtagal ay lumapit sa amin ang tatlong bata. Ang isa sa kanila ay batang babae na maputi at singkit ang mga mata. Sa tabi  niya ay isang batang lalaki na  mala-sikulati ang buhok at asul ang mga mata lalo na kapag natatamaan ng sinag ng araw.  Sa kanan naman ng babae ay ang batang lalaki na may kayumangging balat, bilugang  mga mata at matangos na ilong.  Kita ang bahid ng dugong dayuhan sa kanilang  mga itsura.

"Nandyan po ba si ate Luzviminda?" tanong ng batang babae.

Bago pa kami nakasagot ay may mahinang tinig mula sa aming likuran. "Nasa sako ang mga ipinangako ko sa inyo." Binaling niya ang tingin sa akin. "Pakitulungan na lang sila Rita."

"Maraming salamat po ate Luzviminda." Pinaligiran siya ng mga  bata at yinakap ng mahigpit.

Masaya ang mga batang naglalakad habang kandong ang mga pagkaing ibinigay sa kanila. Nang makalayo na sila ay nagpaalam si Rita na magpapahinga muna.

"Ang mga batang iyon ay  may dugong dayuhan," sambit ni Lola Puring. "Ang ama ng batang babae ay isang Hapon kaya kita mo kung paano siya iwasan at pagbalingan ng galit ng mga Pilipino rito sa kampo. Ang batang may malagintong buhok naman ay bungga ng isang pangakong nag-ugat sa kasinungalingan. Balita dito kung paano pinangakuan ng isang Amerikano ang kanyang ina ngunit iniwan din sa bandang huli. At ang  batang may bilugang mga mata ay anak ng isang  Kastila na linapastangan ang pagkababae ng isang Pilipina."

"Mga bastardo?"

"Tama ka," pagpapatuloy niya. "Wala nang nag-aaruga sa kanila kaya't si Luzviminda na ang umako ng responsibilidad sa pagbantay sa kanila."

Sa 'di kalayuan ay  may batang babaeng kumakaway. "Lola!"

"O siya at ako na ay tinatawag ng aking apo."  Tumingin siya sa akin.  "Kung ano mang dahilan na napunta ka dito hija, sa bandang huli ay makikita mo rin ang sagot sa mga tanong mo."

"Tanong po?" Nagkasalubong ang kilay ko sa sinabi niya. "Tanong po saan?"

Ngumiti lang siya sa akin at itinuro ang kanyang puso.

Bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko alam kung bakit naalala ko ang mga mata ng taong iyon.

Watashi no Ai (My Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon