Dai 18-shou

2.1K 145 9
                                    

Dedicated to HistoFicReader.
****

Umalingawngaw  ang malakas na pagkatok sa aking pinto.  Mula sa liwanag na pumapasok sa siwang ng bintana, masasabi kong alas kuatro na ng umaga. Inayunan naman ito ng pagtilaok ng mga tandang.

"Rita." Napabalikwas ako sa kama dahil sa pagtawag ni Seiji. Ang mukha  niyang lukot ang sumalubong sa akin pagkabukas ko ng pinto. "Bakit ang tagal mong magbukas ng pinto?"

Kinusot ko muna ang mga mata kong nanlalabo. Tumingin ako ako sa sulok kung saan iniipon ang mga labada. "Wala namang naipong damit na lalabhan."

Nagkasalubong ang kilay niya sa sinabi ko. "Maghanda ka na at may pupuntahan tayo." Agad din siyang naglakad palayo.

"Saan?" tanong ko na malabo niyang sagutin.

"Kung ganoon ay  dapat natin itong gawan ng paraan," sabi ng kapitan ng bayan nang marinig ang hinaing ni Seiji. "Ano ang pwede nating gawin Kapitan Saitou?"

Nabaling ang  pansin ng mga magsasaka kay Seiji na nakatayo sa tabi ng kapitan. Kasalukuyan silang nagkakaroon ng pag-uusap para masolusyonan ang nagbabadyang kakulangan sa pagkain. Lumapit sa kanya si Mang Leonosio at binulungan.

"Nais ng ating kapitan na habaan pa natin ang ating pasensya sa mga susunod na araw," sambit ni Mang Leonisio. "Suhestiyon niya na magtanim tayo ng mga kamote, kamoteng-kahoy, at kangkong para maibsan ang tag-gutom." Nagkaroon ng kaunting ingay sa kinauupuan ng mga magsasaka. "Dagdag niya, handang tumulong ang bansang Hapon at mga sundalo nito para mapalago ang mga pananim."

May ilang sundalong lumapit sa mga magsasaka at nakipag-usap. Sa tingin ko ay tungkol sa  mga pamamaraan ng pagtatanim ang kanilang paksa.

"Ano naman kayang maitutulong ng mga sundalo sa pagtatanim?" tanong ko sa sarili ko. Nanlaki ang mga mata ko nang nakarinig ako ng pagtawa sa likuran ko.

"Iha," tawag sa akin ni Mang Leonisio. "Ang iba sa mga sundalong Hapon ay may dating trabaho bago pa sumiklab ang giyera. Ang ilan sa kanila ay guro, magsasaka, mangingisda, trabahador sa pagawaan, at iba pa." Tumingin siya sa direksyon ni Yusuke na masayang nakikipaglaro sa mga bata. "Hindi rin lihim na nag-aaral si Kondo-san ng medisina bago siya nasama sa giyera."

"Kung ganoon-"

"Hindi natin mahuhusgahan ang panlabas lamang na kaanyuhan ng mga sundalo iha." Nakaramdam ako ng inis sa pagtawa ni Mang Leonisio.

Mayamaya'y lumapit sa amin si Seiji para sabihin kay Mang Leonisio ang ilang hakbang na susunod na gagawin. Gusto niyang makita ang taniman ng mga gulay para maihanda ang lupa para sa mga pananim.

"Hindi," wika ng isang magsasaka sa hindi kalayuan. Nagkakamot na siya ng batok habang nakikipag-usap sa sundalo.  "Kailangang iangat ng kaunti ang taas ng lupang pagtatamnan ng kamote."

"Kamote to nani desuka?" Kunot noong tanong ng sundalo.

"Akala ko ba kamote ang usapan natin?" Mukhang susuko na ang magsasaka sa usapan. Napangiti na lang si Mang Lenosio bago nagpaalam para tulungan ang dalawa na magkaintindihan.

Nabaling ang atensyon ni Seiji sa dalawang bata na lumapit sa amin na  sa tingin ko ay nasa edad walo at pito.

"Osu," bati nila kay Seiji habang nakayuko. "Magandang araw po."

"Um," maikling tugon ni Seiji. "Anata wa umaku renshū shimashi ta?"

"Ano daw?" bulong ng  mas bata sa mas matangkad kaysa sa kanya.

Watashi no Ai (My Love)Where stories live. Discover now