STORY #52: Back Home

3.5K 263 43
                                    

DEDICATED TO: madel2014 (Mhadel)

DEDICATED TO: madel2014 (Mhadel)

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.






“TOTOO na ba iyan? Sure ka na ba? Uuwi ka na ba talaga sa inyo?”

Hindi ko alam kung ilang beses na iyong itinanong sa akin ng kaibigan ko sa akin. Kahit inihahatid na niya ako sa gate ng bahay niya ay iyon pa rin ang itinatanong niya.

Napailing ako habang tumatawa nang mahina. “Alam mo, para kang sirang plaka. Paulit-ulit 'yang tanong mo!” biro ko sa kaniya.

“E, kasi naman, Mhadel! Hindi ako makapaniwala na finally ay nalinawan na rin iyang utak mo. Uuwi ka na talaga sa inyo after three months!”

Yes. Mahigit tatlong buwan akong nawala sa amin dahil sa malaking tampo ko sa aking pamilya.

Tinutulan kasi nila ang pakikipag-relasyon ko sa isang lalaki na meron nang anak. Nagrebelde ako at naglayas. Sumama ako sa boyfriend ko. Nag-live in kami pero naghiwalay din. After ng isang buwan na magkasama kami ay doon ko nalaman na meron pa siyang ibang karelasyon.

Hiniwalayan ko siya at sa kaibigan kong babae ako tumira dahil nahihiya akong umuwi sa amin. Dahil na rin siguro sa pride. Nagsabi kasi ako noon bago ako maglayas na hinding-hindi na ako babalik dahil hindi ako nagkamali sa pagsama sa lalaking iyon.

Well, tama pala ang pamilya ko. Masisira ang buhay ko kapag sumama ako sa dati kong nobyo.

Inihatid lang ako ng kaibigan ko sa gate ng bahay niya. Sumakay ako ng tricycle at nagpahatid sa bus station.

Tama ang kaibigan ko. Nalinawan na rin sa wakas ang aking utak. Naisip ko na hindi maganda na may sama ako ng loob sa mga taong nagbigay sa akin ng buhay. Handa akong humingi ng tawad sa kanila kahit pa pagalitan nila ako.

Normal lang siguro na mapagalitan ako dahil umalis ako ng bahay para sa isang walang kwentang lalaki. Pero happy ako na babalik na ako sa amin. Miss na miss ko na sina mommy, daddy at ang dalawa kong kapatid.

Makalipas ang halos dalawang oras na biyahe ay nasa harapan na ako ng aming bahay.

Sa loob ng tatlong buwan na nawala ako ay marami na agad ang nagbago doon. Nawala na ang mga tanim na halaman ng mommy ko sa harapan. Parang basta na lang binunot ang mga iyon dahil nakabuhaghag ang mga lupa.

Marahan akong naglakad palapit sa pinto. Kinakabahan na ako.

Kumatok ako pero walang nagbukas kaya nagdesisyon akong buksan ang pinto nang pihitin ko iyon at hindi naman pala naka-lock.

Sa pagbukas ko ng pinto ay sumalubong sa akin ang nakakabinging katahimikan. Meron ding kakaibang amoy. Mabaho. Parang amoy ng nabubulok na patay na daga o pusa. Ano ba iyon?

Bakit nag-iba na ang ayos ng mga gamit? Tanong ko sa sarili.

Kilala ko si mommy na maayos at malinis sa bahay kaya nakakapagtaka kung bakit hindi maganda ang pagkakaayos ng mga gamit sa salas. Ang dumi din ng kabahayan. Kita ko ang makapal na alikabok sa center table na yari sa magandang uri ng kahoy.

Nasaan kaya sila? Maganda siguro kung sorpresahin ko sila.

Una kong pinuntahan ang aking kwarto. Napakagulo doon. Naninilaw ang bedsheet na sa pagkakatanda ko ay iyon ang bedsheet nang naglayas ako. Ibig sabihin ay hindi iyon pinalitan?

Sa kwarto naman ng parents ko ako pumunta. Wala ring tao.

Ang huli ay ang kwarto ng kapatid kong lalaki na si Michael.

“Michael!” Bumangon ang saya sa dibdib ko nang makita ko siyang nakahiga sa kaniyang kama at nakatulala.

Napatingin siya sa akin at may luhang bumagsak sa kaniyang mata. Nilapitan ko siya at doon ko nakita ang malalaking peklat niya sa braso at noo.

“Anong nangyari sa iyo?” May pag-aalala kong tanong.

Nagulat ako nang niyakap niya ako. “Ikaw ba talaga iyan, Ate Mhadel?” Dama ko ang takot sa pagsasalita niya.

“Oo naman. Bakit ba?”

Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin. Bubuka pa lang ang bibig niya para magsalita nang marinig ko ang boses ni mommy sa may salas.

“Michael, nakabalik na kami ng daddy mo!”

“Si mommy! Gusto ko na silang makita!” Tatakbo na sana ako palabas ng kwarto ni Michael nang hawakan niya nang mahigpit ang aking braso.

Hinila niya ako at pinapasok sa aparador sa kaniyang kwarto. “A-ate, kahit anong mangyari ay huwag kang lalabas diyan,” pabulong nitong sabi.

“B-bakit?” Nagtataka kong tanong. “Sina mommy—”

“Michael?” boses ni mommy. Parang nasa tapat na siya ng pinto ng kwarto ni Michael.

“Basta. Sundin mo na lang ako, ate. 'Wag na 'wag kang magpapakita sa kanila.”

Isinarado niya nang mabilis ang aparador at bumalik sa pagkakahiga sa kama.

Ako ay nakasilip sa maliliit na siwang sa pinto ng aparador.

Nakita ko ang pagpasok ng isang hindi pamilyar na babae. Nilapitan nito si Michael at hinaplos ito sa pisngi.

“Ikaw na ba iyan, mommy?” tanong ni Michael.

“Oo, anak. Ako na ito—ang mommy mo. Sana ay bumalik na ang paningin mo para nakikita mo na kami…” Niyakap ng babae si Michael.

Kitang-kita ko ang takot sa mata ng kapatid ko habang nakatingin siya sa aparador na aking pinagtataguan.

Sino ang babaeng iyon? Bakit parang nagpapanggap na bulag si Michael at hindi niya alam na hindi namin nanay ang babaeng kayakap niya? Ano bang nangyari habang wala ako dito sa aming bahay?







THE END

100 Tales Of HorrorWhere stories live. Discover now