STORY #89: Birthday Wish

3.3K 211 64
                                    


DEDICATED TO: parabasako (Jessa)

DEDICATED TO: parabasako (Jessa)

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.





MARAMI ang tumaas ang kilay nang magpakasal si Jessa sa isang matandang lalaki na ang edad na ay seventy nine. Ang sabi, pera lang ang habol ni Jessa sa matanda dahil ubod ito ng yaman. Ilang taon na lamang daw ang itatagal ng asawa niya kaya niya ito pinakasalan para daw kapag namatay ito ay sa kaniya mapupunta ang lahat ng kayamanan nito.

Lahat ng masasakit na salita ay pinalalampas lang ni Jessa sa kaniyang tenga. Naiintindihan niya ang mga tao dahil ang tingin ng marami sa kagaya niyang mahirap ay mapangsamantala.

Upang patunayan na hindi siya umaasa sa kaniyang mayaman na asawa ay nagtayo siya ng sarili niyang business. Isang cake shop at siya mismo ang gumagawa ng mga cake. Ginamit niya ang kaalaman na natutunan niya noong nagtrabaho siya sa isang bakeshop. Nag-enroll din siya sa isang school na nagtuturo ng baking upang mas malinang ang kaniyang baking skills.

Sa tuwing sasapit ang kaarawan ni Jessa ay siya na ang gumagawa ng cake para dito. Paborito ng asawa niya ang mocha cake kaya iyon ang palagi niyang ginagawa tuwing birthday nito.

“Happy 85th birthday, honey!” Malambing na bati ni Jessa sa kaniyang asawa na nagising sa paghalik niya sa labi nito. Dala niya ang isang mocha cake na may isang maliit na kandila sa gitna. Plinano niya na paggising nito ay siya ang una nitong makikita at ang kaniyang mocha cake.

Hinalikan siya nito sa labi. “Thank you, honey. Hindi mo pa rin nakakalimutan ang birthday ko kahit anim na taon na tayong magkasama!” Masaya nitong sabi sa kaniya.

“Oo naman, honey. Make a wish and blow your candle!” Pumikit ang asawa ni Jessa at pagbukas ng mata ay hinipan ang kandila.

“Anong winish mo, honey?” tanong niya.

“Ang wish ko? Sana ay magkasama tayo hanggang kamatayan. Gusto mo ba iyon?” Nakangiwing tumango si Jessa.

“G-gusto ko iyon…” Napipilitan niyang sagot.

Ang totoo ay matagal nang gustong mamatay ni Jessa ang kaniyang matandang asawa upang mapunta na sa kaniya ang lahat ng pera at kayamanan nito. Noon pa ay balak na nila itong patayin ng boyfriend niya para magbuhay hari at reyna na sila. Pero kapag pinatay niya ito agad ay baka magtaka ang mga tao. Kaya pinatagal niya muna ng anim na taon bago siya magdesisyon na tuluyan nang wakasan ang buhay ng kaniyang asawa.

Siguro naman ay sapat na ang anim na taon para hindi siya pagdudahan. Saka iisipin ng mga tao na namatay ito sa sobrang katandaan.

Pinaghanap niya ng magandang uri ng lason ang boyfriend niya. Nakahanap at nakabili ito ng dalawa. Parehas na hindi makikita ang lason sa katawan kapag in-eksamin kaya hindi talaga siya sasabit. Ang unang lason ay mabagal ang epekto habang ang pangalawa ay matindi. Kahit daw isang patak lang ng lason na iyon ay kayang pumatay ng isang tao sa loob lamang ng limang segundo!

Kahit ilagay mo sa isang kutsarang tubig ang isang patak ng lason na iyan at pinainom mo sa amoy lupang matanda na iyon ay mamamatay pa rin siya! Pagmamalaki pa ng boyfriend niya sa kaniya.

Ang unang lason ay inilagay niya sa mocha cake na hawak niya. Ipapakain niya iyon sa asawa niya para mamatay na ito. Ang pangalawang lason ay back up niya.

Bumaba na sila sa dining area ng mala-mansion na bahay na iyon ng matanda. Wala ang mga kasambahay dahil pinag-off niya lahat.

Binigyan ni Jessa ng isang slice ang matanda habang naglagay din siya ng isa sa platito niya para hindi ito magduda.

“Paborito ko talaga itong mocha cake mo, honey…” pakli ng matanda bago ito sumubo ng malaki sa cake.

“Kaya iyan ang ginawa ko para sa iyo, honey!”

Kumain ka ng marami, matanda, dahil last na kain mo na ng mocha cake ko ngayon! Tumatawang sabi ni Jessa sa kaniyang sarili.

Tuwang-tuwa si Jessa habang pinapanood ang pagkain ng cake ng matanda. Maya maya pa nga ay napapahimas na ito sa dibdib at lalamunan nito. Ang epekto kasi ng cake ay papasikipin niyon ang daluyan ng hangin kaya mahihirapan itong huminga.

“Honey, anong nangyayari sa iyo?” Kunwari ay inosenteng tanong ni Jessa.

“P-parang n-nahihirapan akong h-huminga—” Malakas na umubo ang matanda. Bakas sa mukha nito ang labis na paghihirap. “I-inumin! B-bigyan mo ako ng inumin!”

“Tubig or juice? Oh! Orange juice na lang. Meron sa ref!” Kung umasta siya ay para bang walang masamang nangyayari sa matanda.

Kinuha ni Jessa ang isang pitsel ng orange juice sa ref. Kumuha siya ng baso at sinalinan iyon ng orange juice. Inilabas niya mula sa bulsa ng suot niyang palda ang maliit na bote ng lason. Isang patak lang ang kailangan pero inubos niya ang laman niyon sa baso.

Kumuha pa siya ng kutsara at hinalo ang orange juice na nilagyan niya ng pangalawang lason!

Hindi maalis ang ngiti ni Jessa dahil alam niyang abot-kamay na niya ang pagyaman.

Pagkatapos niyang haluin ang juice ay awtomatiko niyang isinubo ang kutsarang ginamit niya sa paghalo niyon upang malaman kung tama lang ang lasa ng juice.

Nasa bibig na niya ang kutsara nang matigilan siya. Unti-unti ay naramdaman niya ang paninigas ng dila at lalamunan niya…

Sana ay magkasama tayo hanggang kamatayan…

Sana ay magkasama tayo hanggang kamatayan…

Sana ay magkasama tayo hanggang kamatayan!

Paulit-ulit na umaalingawngaw ang birthday wish na iyon ng asawa niya sa loob ng ulo niya habang nagdidilim ang kaniyang paningin.





THE END















ABANGAN ANG HULING LABING ISANG KWENTO!

100 Tales Of HorrorWhere stories live. Discover now