STORY #53: Hit And Run

3.4K 246 27
                                    

DEDICATED TO: Dyosang_Goddess (Angelina)

DEDICATED TO: Dyosang_Goddess (Angelina)

Hoppla! Dieses Bild entspricht nicht unseren inhaltlichen Richtlinien. Um mit dem Veröffentlichen fortfahren zu können, entferne es bitte oder lade ein anderes Bild hoch.





ALAS ONSE na ng gabi at nasa kalsada pa rin si Angelina at minamaneho ang kaniyang kotse. Wala nang katao-tao sa dinaraanan niya.

Pauwi na siya sa kanilang bahay at nagmamadali siya dahil malapit nang mag-alas dose. Mula General Community Quarantine ay babalik na sa mas mahigpit na Modified Enhanced Community Quarantine ang kanilang baranggay.

Masyadong lumaki kasi ang kaso ng nagkaroon ng COVID-19 sa kanilang lugar, e.

Nagmamadali siya na huwag abutan ng MECQ sa daan dahil ayon sa kapitan nila ay bawal muna ang kahit na anong public at private vehicle na pumasok sa baranggay nila. Para daw mas maiwasan ang pagkakahawaan.

Masyado pa namang mahigpit ang mga tanod sa baranggay nila kaya alam ni Angelina na hindi uubra ang pakiusap niya sa mga ito kapag nagkataon.

Ginabi na kasi siya nang husto sa pagde-deliver ng mga tinitinda nilang ube pandesal at leche flan. Ang daming um-order sa kanila ngayon na ikinakatuwa naman niya. Ang hindi lang talaga niya ikinakatuwa ay ang maabutan siya ng MECQ nang wala pa siya sa kanilang baranggay.

Sa tantiya ni Angelina ay thirty minutes pa ang ibabyahe niya at nasa bahay na siya. Ayaw naman niyang bilisan nang sobra ang pagpapaandar kahit siya na lang yata ang nasa kalsada dahil baka hulihin siya ng mga pulis. Hindi man niya nakikita ang mga iyon ay alam niyang nasa paligid lang ang mga pulis.

Aabot pa ako. Tiwala lang! turan niya sa sarili.

Bahagya siyang nagulat sa biglang pagtunog ng kaniyang cellphone na nakapatong sa unahan. Tumatawag ang nanay niya. Malamang ay nag-aalala na ito sa kaniya.

Wala siyang balak na sagutin ang tawag nito pero alam niyang hindi ito titigil hanggang hindi siya nakakausap at nasisiguro na ayos lang siya.

Sinagot niya ang tawag at ni-loudspeaker.

“'Ma, pauwi na po ako. Malapit na ako—”

“Angelina, ang lolo mo!” Awtomatiko ang pagbilis ng tibok ng puso niya sa sinabi ng nanay niya. Lalo na at parang umiiyak ang boses nito.

“A-ano pong nangyari kay lolo?”

Eighty four years old na ang lolo ni Angelina. Matampuhin at ulyanin. Close sila ng lolo niya dahil noong bata pa siya ay palagi siya nitong binibilihan ng laruan. Siya daw kasi ang paborito nitong apo. Kaya ngayong may kakayahan na siya na kumita ng pera ay siya na ang gumagastos para sa maintenance nito. Para kahit papaano ay makabawi siya dito.

“Naglayas ang lolo mo. N-napagalitan ko kasi dahil pinaglalaruan ang pagkain niya kaninang lunch. E, hindi ko na rin napigilan sarili ko dahil sa pagod sa paglalaba.”

“Mama, alam niyo naman pong matampuhin si lolo, e!” Walang pagsidlan ang kaba ni Angelina. “Anong oras pa nawawla si lolo?”

“Kaninang hapon pa. Pagtingin ko sa kwarto niya ay wala na siya—”

“Hapon pa?! 'Ma! Ang tagal na niyang nawawala. Baka kung ano na ang…” Hindi niya tinapos ang sasabihin. “Ni-report niyo na ba sa mga pulis?” Pilit siyang nagpapakahinahon pero hindi niya magawa.

Naiiyak na si Angelina sa sobrang pag-aalala para sa mahal niyang lolo.

“Hindi pa. Sa baranggay muna ako lumapit. Ang sabi ay maghihintay pa ng twenty four hours bago ma-report na missing ang lolo mo.”

“Ano ba iyan, mama? Okay, pauwi na ako diyan. Malapit na ako—” Impit na napasigaw si Angelina nang may makita siyang taong biglang tumawid at nabangga niya.

Natapakan man niya ang preno ay huli na ang lahat dahil nabangga na niya ang tumawid. Tumilapon iyon ng ilang metro. Nakadapa iyon at nakita ang mabilis na pagkalat ng dugo sa kinaroroonan nito.

“Angelina, ano iyon? Anong nangyari sa iyo?” Nag-aalalang tanong ng nanay niya.

“W-wala po. M-may pusa lang na tumawid. Sige po. 'ma. Bye na.”

“Angelina—”

In-end na niya ang tawag. Nanginginig ang buong katawan niya dahil sa hindi inaasahang pangyayari. Sa nakikita niyang dami ng dugo sa lalaki ay naisip niya na baka patay na ito.

Anong gagawin ko? Ayokong makulong! Natatarantang sigaw ng utak niya.

Luminga siya sa paligid. Nasa gitna siya ng Calamansi Street at Bayabas Street. Wala siyang nakikitang CCTV kahit saan. Kung may nakakita man sa nangyari ay malamang lumapit na. Pero halos isang minuto nang nakahinto ang sasakyan niya doon ay wala pa rin na lumalapit.

“Walang nakakita. Pwede pa akong tumakas!” ani Angelina.

Mali man ay tinakasan ni Angelina ang nagawang aksidente. Umuwi siya sa kanila nang hindi naabutan ng MECQ. Nang ipasok niya sa garahe ang kotse ay pinunasan niya ang dugo sa unahan. Mabuti at walang yupi iyon. Walang magtatanong sa kaniya kung bakit may damage ang sasakyan.

Pumasok na siya sa bahay nila at naabutan niya na umiiyak ang nanay niya.

“Anak, sorry. Kung hindi ko sana pinagalitan ang lolo mo ay hindi siya lalayas!” anito habang umiiyak.

“'Wag niyo na pong sisihin ang sarili ninyo. Magpahinga na tayo. Mamayang umaga ay magpapatulong na tayo sa mga pulis sa paghahanap kay lolo.”

Maya maya ay may biglang tumawag sa telepono nila sa bahay. Si Angelina ang sumagot dahil panay pa rin ang iyak ng kaniyang mama.

“Hello po. Sino po sila?”

“Mula po ito sa Calamba Police Station, ma’am. May kilala po ba kayong Argel Reyes?” Isang lalaki ang kausap niya.

“Opo! Lolo ko po siya! Nakita niyo na po ba ang lolo ko? Naglayas po kasi siya, sir!” May pag-asang bumangon sa dibdib ni Angelina.

Napalapit ang nanay niya sa kaniya. Natuwa ito nang marinig ang sinabi niya.

“Anong nangyari sa lolo mo, Angelina? Anong sabi?” Hindi makapaghintay na tanong ng nanay niya.

“Kinakausap ko pa po, 'di ba?” itinuro niya ang telepono na nakadikit sa tenga. “Sir, nakita niyo na ba si lolo ko?” Balik niya sa kausap sa telepono.

“Opo, ma’am.”

“Nasaan po siya, sir?”

“Ma’am, nasa Calamba Doctors Hospital siya. Doon siya dinala. Dead on arrival.”

Halos gumuho ang mundo ni Angelina sa narinig. “Ano?! P-paanong—Sir! 'Wag kayong magbiro ng ganiyan! Anong nangyari kay lolo?!” Naghihisterikal na siya.

“Nakita po ang katawan niya sa pagitan ng Calamansi at Bayabas Street. Nabangga po siya. Tinakbuhan siya ng nakabangga sa kaniya. Sa ngayon po ay hinahanap pa namin ang nakabangga sa lolo ninyo dahil walang saksi o CCTV sa area na iyon. Huwag po kayong mag-alala dahil gagawin po namin ang lahat para mahuli ang salarin…”

Hindi na narinig pa ni Angelina ang ibang sinabi ng pulis dahil nagdilim ang paningin niya at nawalan siya ng ulirat. Bumagsak siya sa sahig nang hindi nalalaman kung sinalo o hindi siya ng kaniyang nanay.







THE END

100 Tales Of HorrorWo Geschichten leben. Entdecke jetzt