CHAPTER 6 : TOWER OF PRIDE

31K 1K 490
                                    

CHAPTER 6 : TOWER OF PRIDE


Tama nga ang nararamdaman ko. Nagkasakit ako after ng gabing 'yon. Nagawa ko pang pumasok kinabukasan pero pagdating ko sa dorm, hirap na ako huminga at sobrang tamlay ko na. Absent ako kahapon at hindi pa rin ako okay ngayon. Mas sumisikip ang dibdib ko. Hindi ako nakatulog ng mabuti at pati ang ka-dorm ko, nag-aalala sa akin dahil para na raw akong naghihingalo kung huminga.


"George, sure ka bang normal 'yang sakit mo? Pwede namang dalhin kita sa ospital. Natatakot akong iwan ka rito, eh." Sabi ng ka-dorm ko na si Liza.


Para sa mga hindi 'informed' sa ganitong klase ng sakit, talagang mawiwindang sila pag nakita nila ako pero dahil normal na sa akin 'to, ang paningin ko ay sobrang o-OA nilang mag-react. Hindi ko rin naman masisi dahil talagang mukhang naghihingalo ako pag hinihika.


"Okay lang ako." Yumupyop ako at humanap ng pwestong komportable. Kinuha ko ang kumot at tinaas 'yon hanggang baba ko.


"Anong okay? Saan banda? Pinagloloko mo ata ako, eh. Tingin mo, okay ka pa ng lagay na 'yan, ha?" Naiiling niyang sabi habang nagsasapatos. "Putlang-putla ka na. Ang itim ng ilalim ng mata mo kasi hindi ka nakakakuha ng sapat na tulog. Namamalat na ang labi mo at nakayupyop ka dyan tapos kung huminga ka parang katapusan mo na, then sasabihin mo sa akin 'okay kang ako.'" Ginaya niya ang hinang-hina kong boses. "Ako pa ba ang lolokohin mo?" Medyo naging sarkastik ang tono niya sa huli.


Pumikit na lang ako kaysa irapan siya. Kung magaling lang ako, nabara ko na 'to at may libreng sampung mura siya sa akin. Kita niya na ngang hirap ako, magtatanong pa. Sinong loka sa aming dalawa?


"Kung ayaw mong dalhin kita sa ospital, kumain ka. Sabihin mo sa akin kung anong kailangan kong bilhin." Kumuha siya ng papel at ballpen. Pagsusulatin pa ata ako ng gaga. Pagbangon nga, hirap ako. Nanatili na lang akong nakapikit. "Georgia Rante! Huwag kang matigas ang ulo. Sabihin mo kung anong bibilhin ko!"


Sa huli ay napilitan ako magsalita dahil mukhang hindi siya titigil. Naririndi pa naman ako sa maiingay pag may sakit ako.


Lumabas siya matapos kong sabihin ang mga kailangan ko. Bumalik siya walang pang labing-limang minuto. Pinabangon niya ako at pinilit kumain. May cup noodles at gatorade.


"Sigurado ka bang ito lang ang kakainin mo? Wala ka bang gamot na iniinom pag nagkakaganyan ka?"


Tinuro ko ang gamot ko at natigil lang siya ng makita 'yon. Tahimik akong kumain. Umayaw ako ilang subo lang.


"Himala. Konti lang ang kinain mo?"


Natural, may sakit ako! Humiga ulit ako pagtapos. "Wala ka bang klase?"


"Meron." Napakamot siya sa kanyang ulo. "Eh, nakatatakot kang iwan rito mag-isa."


"Magiging okay rin ako." Ganito naman talaga ako pag sinusumpong ng hika.


"Sure ka, ah? Papasok na ako." Sinukbit niya ang bag sa kanyang balikat. "Ganyan ka pala pag nagkakasakit ka. Sa susunod, iwasan mong magpakapagod. Masyado mong inaabuso ang katawan mo, eh hindi ka naman pala gano'n kalakas." Naiiling niyang sabi pagtapos ay lumabas na siya ng silid.

Stuck At The 9th StepWhere stories live. Discover now