CHAPTER 7 : FIRST GAME

32.3K 1K 485
                                    

#SAT9S



CHAPTER 7 : FIRST GAME


Ako : Sino?


Nag-aanticipate ako ng reply niya. Sino ang naaalala niya sa akin? Mas lalo akong nahiwagaan. Yung pakiramdam na gusto ko siyang tanungin ng diretsahan kung ano ang meron sa akin at sa taong tinutukoy niya. Ano ang comparison?


Ren Delgado : Secret.


Na-frustrate ako. Halos kagatin ko na ang cellphone ko. May parte ko na gusto siyang kulitin kung sino ba talaga 'yon ngunit ang kabilang parte ay pumepreno dahil baka masyadong personal.


Kaya sa huli ay hindi na lang ako nag-reply ngunit na-stuck ako sa kakaisip kung sino 'yon. Kamag-anak? Kapatid? Kaibigan? O girlfriend?


Natawa ako sa sarili ko. Malabo yung huli. Asa pa. Sa isip ko, nasa mataas na pedestal ang girlfriend niya at walang binatbat ang lebel ko. Parang do'n palang, no match na.


Napapreno na naman ako. Ba't ko kinukumpara ang sarili ko sa gano'n kagandang nilalang? Para kong iniinsulto ang sarili ko.


Dalawang araw pagtapos no'n, saka lang ako pumasok. Dapat kahapon pa pero pinigilan ako ni Liza. Wala akong nagawa dahil kung magbunganga ang isang 'yon ay parang nagmamaktol na inang bayan.


Pagdating ko sa gymnasium ay natigilan ang ibang players. Binati agad ako ng mga coach at kinumusta.


"Okay na po ako." Sagot ko habang malaki ang ngiti. Napatingin sa mga players na nagpatuloy sa pagdribble at pagshoot ng bola. Ang ibang nasa bench ay napainom ng wala sa oras at naging busy bigla sa cellphone nila.


Nalusaw ang ngiti ko. Mga patay malisya. Letse. Kinuha ko ang cardboard at nagtanong kay Coach kung ano ang routine na ipapractice ngayong araw. Mataman akong nakinig sa instruction.


"Ilang araw na lang ang nalalabi at magsisimula na ang league. Ipagpapahinga natin ang players para makondisyon sila. Ang huling practice ay sa isang araw."


Tumango ako. "Tingin niyo po, mananalo tayo sa Blitz?"


Sinulyapan ako ni Coach. "Hindi gano'n ka kampante. Malakas ang kalaban. Hindi ko sinasabing 'no match' tayo pero ilagay natin yung sitwasyon na kaka-adjust lang ng team sa bagong rotation. Gano'n pa man, dapat positive tayo."


"Tama po." Niyakap ko ang cardboard. Hindi ko gusto dagdagan ang pressure ni Coach. Siguradong tinatago lang nito 'yon at paniguradong gano'n rin ang nararamdaman ng mga players. Mas magandang maging positive.


Tumingin ako sa court at isang tao lang ang hinanap ko. Nando'n siya sa corner side at nagsushoot ng bola. Napaiwas agad ako ng tingin. Ayokong mahuli niya akong nakatingin sa kanya at ayokong makapansin ang iba pero hindi ko talaga maiwasang pagmasdan ang laro niya.


Gusto ko makuha namin ang unang panalo dahil maganda ang nagsisimula ng walang talo. Iyon ang unang rason. Ang pangalawa, pride ng buong university ang matalo ang nagchampion last year. Pangatlo, gusto kong maging maganda ang simula ni Ren sa team para hindi pagdudahan ang kakayahan niya at hindi siya matahin ng sino man. Para walang manumbat na hindi siya deserving sa slot niya rito sa team.

Stuck At The 9th StepWhere stories live. Discover now