Chapter 13

5.4K 160 32
                                    







[Reed]

Parang ang bigat-bigat ng mga mata ko. Pakiramdam ko tuyong-tuyo ang lalamunan ko. Gusto ko umupo pero kahit na nakapikit lang ako ay para bang hilong-hilo ako at mukhang hindi ko na magagawa pang bumangon.

"Hindi nga siya makakain kasi lahat eh iniluluwa lang din niya," dinig kong mahinang sabi ni Mama. Nakaramdam naman ako ng mainit na palad na tila baga dumampi sa noo ko. Ang pagiging mainit noon ay para bang nagbigay ng kaunting ginhawa sa akin.

"Ayaw naman niyang magpadala sa ospital dahil okay lang naman daw siya." Pagtuloy ni Mama, mababakas ang pag-alala sa kanyang boses. "Tss.. Pasaway talaga." Tila nagising ang diwa ko sa boses na narinig ko. Gusto kong dumilat pero ubod ng bigat ng mga talukap ng mata ko.

"Siguro over fatigue ang nangyari sa kanya at baka dahil sa ulan tuluyan na bumagsak yung katawan niya."

"Apaka tigas kasi ng ulo mo." Nakaramdam ako ng mahinang pitik sa noo ko at mahinang tawa mula sa kanya.

"Maiwan muna kita." Narinig ko ang pagbukas at pagsara ng pintuan sa kwarto ko. Nung sinubukan kong dumilat ay napapikit naman ako dahil sa liwanag na mula sa ilaw ng kwarto ko. Mukhang gabi na.

Nakarinig ako ng mahinang buntong hininga mula sa tabi ko. "Ano, hindi pa nakakamove on nanay mo, ngayon naman pinag-aalala mo na." kahit pa nahihirapan ako dumilat ay pinilit ko ipilig ang ulo ko sa banda niya.

Makikita sa mata niya ang lungkot pero agad din niyang nabawi yon nang makita niyang nakatitig din ako sa mata niya. Nakita ko ang pag-kurba ng sulok ng kanyang labi. "Ang putla mo." Hindi ako makapagsalita dahil para  bang tuyong-tuyo na ang lalamunan ko.

Yung pagkahilong nararamdaman ko ay para bang nadagdagan pa nung idinilat ko ang mga mata ko. "Here, uminom ka muna ng tubig. Nalaman ko hindi ka makakain, atleast try not to be dehydrated." Iniabot niya sa akin ang baso ng tubig tsaka ako inalalayang inumin yon.

Tumikhim ako kaya naman natuon sa akin ang paningin niya. "Bakit andito ka?" Paos kong tanong. Sa bawat pagpilit kong magbitiw ng mga salita ay para bang kinakaskas ng liha ang lalamunan ko. "Pasaway ka talaga no?" napapangising sita niya sa akin. "Tigilan mo ang pagsasalita mo, wala ka na ngang boses yung pagiging madaldal mo pa inaatupag mo."

Bakit ganito ka? Bakit hindi mo na lang ako layuan?

Inilapat niya ang kamay niya sa aking noo. "Mataas pa rin ang lagnat mo, pasaway kasi. Tsk." Pagtalak niya.  Kahit pa masama ang pakiradam ko ay nakuha ko siyang ismaran kaya narinig ko ang mahina niyang halakhak. "Ayos ka na ata at nakuha mo pa akong ismaran." Tumayo siya pero para bang may sariling isip ang mga kamay ko at hinawakan ko ang kamay niya dahilan para matigilan siya.

Lumandas ang mga mata niya sa kamay kong nakahawak sa kamay niya. "Dito ka lang," mahina kong bulong ngunit sapat na iyon para marinig niya. Hindi ko alam ngunit sa pandinig ko ay para bang nagsusumamo ako na sana ay wag siyang umalis sa tabi ko.

Tikom ang bibig niya at nakatitig lamang sa akin ang mga mata niya na para bang hinahalungkat nito ang nasa isip ko.

'Please, Ryoichi. Stay this time.'

Tahimik kong usal, nagbabaka sakaling mabasa niya iyon sa mga mata ko. Hindi ko alam, para bang oras na lumabas siya sa kwarto ko ay maaaring hindi ko na siya muli pang makita.

Narinig ko ang mahina niyang buntong hininga at saka siya umupo sa upuang katabi ng kama ko. Tila naman tumalon sa tuwa ang puso ko sa ginawa niyang 'yon at nanatili ang mga titig ko sa kanyang mga mata.

Hindi ko na napigilan pa ang mapangiti. "Salamat," garargal man ang boses ko ay pinilit ko pa ring sabihin yon. Hindi ko mapigilan mag isip ng ibang bagay habang nakatingin ako sa mga mata niya.

Her Eyes #Wattys2018 WinnerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon