Chapter 2

2.2K 103 11
                                    

Beep! Beep!

Busina ng isang sasakyan sa tapat ng boarding house ni Luna. Sumilip siya sa bintana at nakita niyang papalabas mula sa isang van ang kaibigang si Tina.

"Wala na ba akong nakalimutan?" bulong ni Luna habang iniikot ang tingin sa loob ng kaniyang silid. "Dalawang malaking maleta, isang box at backpack," bilang niya.

"Luna!"  sigaw ng isang babae sa ibaba ng hagdan. "Narito na ang sundo mo."

"Opo, ate Luz, bababa na po ako, saglit lang," sigaw ni Luna mula sa bukas na pintuan ng kaniyang silid.

Hinila ni Luna ang isang de-gulong na maleta patungo sa hagdanan. Mula roon, nakita niya si Marvin na paakyat patungo sa kaniya.

"Ako na d'yan, Luna," sabi ni Marvin.

"Salamat, Marvin. Sige, kukunin ko lang muna yung ibang mga gamit ko sa kuwarto."

Bumalik si Luna sa kaniyang silid at inilabas ang lahat ng kaniyang mga gamit. Medyo nahirapan siya sa pagbuhat ng kahon dahil ito'y may kabigatan.

"Tulungan na kita," sabi ng isang pamilyar na tinig ng babae mula sa kaniyang likuran.

Lumingon si Luna at ngumiti, "Salamat, Tina."

Nang naipasok na ang lahat ng gamit ni Luna sa van, tinungo niya ang maputing maliit na babaeng nakatayo sa may pintuan ng bahay at nagpaalam. Sa loob ng dalawang taong pamamalagi niya sa boarding house ni ate Luz, naging maayos ang pakikisama sa kaniya nito. Bagamat ito'y mahigpit sa pagtanggap ng mga bisita ng kaniyang mga boarders, naging maluwag siya sa mga kaibigan ni Luna. Ito ang dahilan kung bakit karamihan sa mga boarders ni ate Luz ay ayaw kay Luna. Sila ay nagseselos sa pribelehiyong nakukuha ng dalaga mula sa kanilang kasera.

Matapos magpaalam, umalis na ang magkakaibigan. Sila ay dadaan ng EDSA patungong NLEX, at tatahakin ang daang patungong Ilocos Norte. Mahabang oras ang bubunuin ng magkakaibigan. Tantiya ni Luna, aabutin sila ng mahigit kumulang na labing limang oras ng paglalakbay kasama na ang traffic at stop-over. Mabuti na lang at pumayag ang dalawang kaibigan ni Randy na may-ari ng van na ihatid sila sa halagang sampung libo lamang, kasama na ang gasolina, toll gate at pagkain ng driver.

Magtatanghalian na ng marating nila ang Tarlac. Sila'y huminto at kumain sandali, at pagkatapos noon, sila'y bumiyaheng muli. Masaya ang paglalakbay ng magkakaibigan. Unang beses nina Tina, Marvin, Randy at Sabel na makapag-biyahe ng patungong Norte. Kaya naman halos karamihan sa nadaraanan nilang arko ay hinihintuan nila para magpalitrato.

"Oh, selfie selfie muna," wika ni Randy ng marating nila ang Pangasinan. "Say cheese!"

Marami na ang kuha ng magkakaibigan, gusto na sanang i-upload ni Sabel ang mga ito sa kaniyang social media, ngunit wala namang free wi-fi sa paligid.

"Mamaya na nga lang pagdating kina Luna," sambit n'ya habang tinitignan ang mga pictures sa kaniyang telepono.

"Pasensiya na, Sabel, pero wala kasing internet sa bahay. At wala rin kasing kuryente sa aming lugar," pahayag ni Luna habang nakasilong sila sa lilim ng puno sa may gilid ng arko.

"Hay nako, hindi ako naniniwala sa'yo. Meron pa bang lugar na walang kuryente sa panahon ngayon?" dudang sabi ni Sabel.

"Pero –"

"Tara na!" biglang sigaw ni Marvin mula sa bintana ng sasakyan nilang nakaparada sa kabilang gilid ng kalsada. Sumilip rin si Tina sa bintana at kinawayan sina Luna habang patawid ng daan.

Pumasok na ang lahat sa van at nagsimula nang muli ang kanilang mahabang paglalakbay. Paglipas ng mahabang oras, nakatulog ang mga kaibigan ni Luna, samantalang siya naman ay hindi nagsasawang tumingin at tanawin ang malawak na palayan na kanilang nadaraanan. Doon, sumagi na naman sa kaniyang isipan ang anihan sa barrio.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon