Chapter 31

1.4K 68 16
                                    

Ikalawang araw, makalipas ang pagtakas ni Luna sa barrio, naging maingay ang kaniyang telepono sa mga text at tawag na galing kina Tina, Sabel, Randy at Marvin. Bagama't hiniling niya sa maiksing mensaheng iniwan niya sa mga ito ang pakiusap na huwag ng makipag-ugnayan sa kaniya at kalimutan na siya, tila nagbabakasakali pa rin ang magkakaibigan na makausap si Luna.

Noong una, pumasok sa isipan ni Luna na sagutin ang tawag ni Tina. Matindi ang kaniyang pagnanais na malaman ang kasalukuyang kalagayan ng mga kaibigan. Ngunit dahil sa mahigpit na bilin ni Nina'ng umiwas na sa mga ito - mabigat man sa kaniyang loob, pikit matang sinunod niya ang kaniyang ate.

Sa bawat pagtunog ng kaniyang telepono, pasikip ng pasikip ang pakiramdam ng kaniyang dibdib. Nag-aalala siyang baka importante ang tawag na iyon at kailangan nila ng kaniyang tulong.

Ngunit makalipas ang limang mintis na tawag ni Tina, nang makatanggap ng text si Luna mula rito, unti-unti ring nawala ang bigat ng kaniyang saloobin.

Ligtas sila Tina! Ligtas ang mga kaibigan ko! masayang sambit niya sa sarili nang mabasa ang mensahe ni Tina na maayos silang nakauwi sa kani-kanilang mga tahanan. Ayon pa kay Tina, wala mang malinaw na paliwanag si Luna na iniwan sa kanila, hindi man nais ni Luna'ng ibahagi ang nangyari, hiling nilang magkakaibigan na sana'y nasa maayos na kalagayan si Luna. Ang tangi lang pakiusap ni Tina ay ang muling marinig ang tinig ni Luna.

Ngunit hindi maaaring pagbigyan ni Luna ang hiling na iyon. Hindi niya nais suwayin ang istriktong utos ng kaniyang kapatid, kung kaya't nanindigan si Luna'ng hindi na pansinin ang mga tawag at mensahe ng kaniyang mga kaibigan matapos niyang malaman ang maayos na kalagayan ng mga ito.

Tumigil din ang ingay ng kaniyang telepono pagsapit ng tanghalian. Marahil ay napagod na ang kaniyang mga kaibigan na subukang kausapin siya. Ang payo ng kaniyang ate (bago ito umalis ng bahay at tumungo ng Baguio) na i-silent ang telepono upang hindi marindi sa tunog nito, ay hindi niya ginawa. Hininaan lamang niya ang tunog nito, sapagkat sa araw na iyon, hinihintay niya ang isang mahalagang tawag.

Wala mang balita simula nang lisanin ni Luna ang barrio, malaki ang kaniyang paniniwalang magagawang tumakas ni Isko kasama ang kaniyang ina. Kaniyang isinapuso ang pangako ni Isko'ng ililigtas si Barbara, kung kaya't ang alalahanin ay kaniyang isinantabi na muna.

Nang muli siyang mapatingin sa kaniyang telepono, nasabi niya sa kaniyang sarili, Kailangan kong palitan ang numero ko. Siguro bukas o kaya sa susunod na araw. Basta, pag nakausap ko na si Isko at nasiguro kong maayos na ang lahat kay inay, bibili na ako ng bagong sim. Alam kong hindi basta-basta titigil ang mga kaibigan ko na muli akong makausap. Ang pagpapalit lamang ng numero ang tanging paraan upang maputol na ang ugnayan ko sa kanila.

Matapos makapananghaliang mag-isa, habang inililigpit ang pinagkainan, sumaging muli sa kaniyang isipan ang kuwento ng kapatid kagabi, ukol sa paglilinaw ni Nina sa sinabi niya noong gabi ng magkita sila sa terminal. Ito ang tungkol sa paghahalintulad niya sa nangyari kay Luna bago lumipat ng bagong eskwelahan sa Baguio. At ito rin ang dahilan ng kaniyang matinding galit sa kanilang ama.

Si Mariel, ang matalik na kaibigan – na kaklase rin ni Nina sa isang Unibersidad sa Maynila – na bumisita sa kanilang tahanan at unang beses na nakilala ni Luna ay ang naging Lunayin noong nakaraang taon.

Hindi lubos makapaniwala si Luna sa sinabi ng kapatid.

Patulog na sila kagabi - habang magkatabing nakahiga sa kama - nang mapag-usapan ang tungkol sa paksang iyon.

"Paano nangyaring si Mariel ang naging Lunayin?" pagtatakang tanong ni Luna. Dilat ang kaniyang mga mata sa madilim na silid. "Wala namang dahilan para mag-alay ang pamilya natin noong nakaraang taon, hindi ba?" biglang siyang napaisip. "Hindi ko maintindihan. Hindi ba't inihatid n'yo pa nga siya kasama ni itay sa terminal pa-Maynila matapos n'yong makapananghalian? Nakita ko pa nga kayong umalis."

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon