Chapter 13

1.5K 76 25
                                    

"Manang, sina inay at itay?" tanong ni Luna kay Rita na sumasalok ng tubig sa malaking banga sa kusina. Ang lumang musika sa bukas na radyong malapit sa pingganan ay mahinang sinasabayan ni Rita.

Ang matapat kong pag-ibig
Ginanti mo ay pasakit
Ikaw na aking iniibig
Nagdulot sa puso ng hinagpis

Nilingon ng trenta y anyos na dalaga si Luna at saka sumagot. "Nasa bukid pa," malumanay na tugon nito.

Napansin ni Luna ang kakaibang tingin ng kasambahay sa kaniyang mga kaibigang nauupo sa hapag-kainan bago ito muling sumalok ng tubig at bumalik sa mahinang pag-awit.

"Uy, nakahain na. Pwede na bang kumain?" nakangiting tanong ni Randy.

"Oo, sige kumain na kayo," sagot ni Luna, saka muling bumaling ng tingin sa abalang si Rita.

"Eh si Lino?" tanong muli ni Luna.

"Nariyan sa likuran," sagot ni Rita habang dahan-dahang sinasalin ang tubig sa kristal na pitsel na may mamula-mulang bilug-bilog na laman.

"Anong inumin iyan?" tanong ni Luna.

"Ah, eto?" sagot ni Rita, at kaniyang pinagmasdan ang hawak na pitset. "Ah, eh, minatamis na sago."

Hindi na nag-usisa pa si Luna. Lumabas na lamang siya ng kusina at tinungo ang likurang bahay. Mag-aalas onse na at mataas na ang araw, ngunit ngayon pa lamang kakain ang mga kaibigan ni Luna. Hindi na nakapag-almusal ang mga ito dahil tanghali na silang bumangon. Maya-maya'y gagayak na sila para lisanin na ang Lunangayin.

"Lino!" tinawag ni Luna ang kapatid na nakasilong sa lilim ng puno ng Acacia na may kalayuan mula sa kaniya.

"Te!" sigaw ng bata sabay kaway. "Lika!"

Nang mapansin ni Luna ang binatang kasama ni Lino na nakaupo sa ilalim ng puno, siya'y natigilan. Hindi niya inaasahang makita si Isko sa pagkakataong iyon.

"Te!" sigaw ni Lino sabay takbo papalapit sa kaniya. "Te," hingal na sambit ni Lino sabay yakap sa kapatid ng marating ang puwesto ni Luna.

Nginitian ni Luna si Lino at ito'y binati. "Happy birthday!" sabay halik sa pawisan nitong noo.

"Halika na sa loob at pawis ka na," pinahid ni Luna ang pawis sa noo ng kapatid gamit ang kaniyang kamay.

"Te, oh," pinakita ni Lino ang laruang sasakyan, "bigay kuya Itko. Pa berdey daw takin," masayang wika ni Lino. "Danda ba?"

"Ah, oo. Maganda," mahinang tugon ni Luna. Tila ba ang dating inis niya kay Isko ay biglang nawala. At ang inis na iyon ay nabaling sa kaniyang sarili nang maisip niyang hindi man lang siya nakabili ng kahit simpleng regalo para sa kapatid.

"Lika, te." Hinila ni Lino ang kamay ni Luna.

Hindi na tumanggi ang dalaga. Hinayaan niyang dalhin siya ng kapatid sa puno ng Acacia kung saan naghihintay si Isko.

"Magandang tanghali, Luna," nahihiyang bati ni Isko ng siya ay tumayo. "Kumusta?"

Matagal-tagal na ring hindi nakita ni Luna ang binata. Halos sampung buwan din. Kaya naman medyo nanibago siya sa ipinagbago nito. Bagama't nanatiling walang buhok ang kaniyang ulo, at ang kaniyang balat ay sunog pa rin sa araw, bakat sa manipis na puting t-shirt nito ang lumaki niyang katawan. Naging maskulado si Isko, at tila ba tumangkad rin. Kung dati'y parang tatlo hangang apat na pulgada lang ang taas nito kay Luna, ngayon ay para bang nasa anim na pulgada na.

"Ayos naman," tugon ni Luna at bahagya siyang ngumiti. "Salamat nga pala sa regalo mo kay Lino."

"Wala 'yon," masayang sagot ni Isko.

"Te, lam mo, ambait talga kuya Itko," sambit ni Lino. "Non itang hapon, na hapon. Nun, nun galing kami ng ungib," mabilis niyang bigkas, "nibigyan nya ko nan buto. Yun nababaluktot na ganto." Pinakita ni Lino ang paggalaw ng kaniyang hintuturo.

Nagulat si Luna sa sinabi ng kapatid. Bigla niyang naalala ang buto ng daliring tinapon niya sa talon. Tiningnan niya ng matalim ang binatang nagulat rin sa sinabi ni Lino.

"Tabi kuya Itko, ngatan ko daw yon dahil ligtat daw ko non ta matama. Yon daw bantay ko kahit tan ako punta kati yon daw nanay ko," natatawang sabi ni Lino, "Kya lan nwala ko eh. Di ko lam kun tan na yon. Nkita mo ba, te?"

Hindi inalis ni Luna ang tingin sa kaharap na pilit umiiwas sa kaniyang mga mata. Biglang nanumbalik ang inis ni Luna sa binata, at hindi na niya napigilan ang sariling itulak ito.

"Teka lang," pagpigil ni Isko sabay hawak sa mga galanggalangan ni Luna. "Magpapaliwanag ako."

Sinubukan ni Luna'ng kumawala sa mahigpit na hawak ni Isko. Ngunit sa tuwing ipipihit niya ang kaniyang mga kamay, lalong humihigpit ang kapit nito at tila ba bumabaon ang mga daliri sa kaniyang balat.

"Te!" takot na wika ni Lino na para bang iiyak.

"Teka lang, Luna. 'Wag ka namang magalit," depensa ni Isko.

"Bitiwan mo s'ya!" sambit ng isang lalaking dumarating.

Lumingon si Luna at nakitang papalapit sa kanila si Marvin.

"Teka, sino ka ba?" iritableng tanong ni Isko habang hawak pa rin si Luna.

"Sabing bitiwan mo s'ya!" galit na wika ni Marvin sabay lapit kay Isko.

Hinawi ni Isko ang mga kamay ni Marvin nang akma itong itulak s'ya. Dahil dito, nakawala si Luna sa kaniyang hawak. Umatras ng bahagya si Isko at pumusisyon na para bang naghahanda sa isang labanan.

"Marvin!" Kinapitan ni Luna ang braso ng kaibigan. Nakita ng dalaga ang galit na bumakas sa mukha ni Isko ng hawakan niya si Marvin. "Tama na, Marvin. Bumalik na tayo sa bahay. Lino," kinuha ni Luna ang kamay ng kapatid. "Halika na. At ikaw, Isko. Makakaalis ka na."

Inis na dinampot ni Isko ang supot ng mga itim na kandilang nakapatong sa kahoy na upuan, at saka siya tumindig ng tuwid. Sa kaniyang kilos, para bang tinatakot niya si Marvin sa laki ng kaniyang katawan at sa kalamangan niya sa taas nito.

Masama ang tingin niya kay Marvin na tila ba kutsilyong tumatagos hanggang buto. Unang beses itong nakita ni Luna, at siya ay nakaramdam ng takot sa binata.

Balak ni Luna'ng ulitin ang pagsabihan si Isko'ng umalis na, ngunit bago pa man siya makapagsalita, tinalikuran na sila ni Isko at ito'y galit na lumakad nang palayo.

Habang sila'y nasa ilalim ng puno't pinagmamasdan ang paglayo ni Isko, unti-unting lumuwag ang pagkakapit ni Luna sa braso ni Marvin. Nang siya'y makabitiw, agad na hinawakan ni Marvin ang nanlalamig niyang kamay. Nabigla siya sa ginawa ng binata.

"Sino ba 'yon?" inis na tanong ni Marvin. "At bakit parang galit na galit ka sa kaniya? Nakita ko yung pagpigil n'ya sa'yo ng itulak mo siya."

"Ha?" gulat na tugon ni Luna. "Ah, eh, wala 'yon," yumuko si Luna na para bang naghahanap ng sagot sa lupa. Hindi niya maaaring sabihin ang totoong pangyayari kung kaya't napilitan siyang yayain na lamang pabalik ng bahay ang kaibigan. "Halika na at pumasok na tayo sa loob," bahagya niyang hinila ang kamay ni Lino. "S'ya nga pala, bakit ka sumunod sa'kin?" tanong ni Luna nang sila'y nagsimulang maglakad.

"Nakakahiya naman kasing kumakain na kami tapos hindi ka namin kasabay. Inudyok ako ni Tina na tawagin ka para naman kahit papaano rin ay makasalo ka namin itong huling araw namin dito," tugon ni Marvin sabay pisil ng marahan sa kamay ni Luna.

Biglang gumaan ang pakiramdam ni Luna sa mga sandaling iyon, tila ba pinawi ng banayad na hawak sa kaniyang kamay ang sobrang inis niya kay Isko at pag-aalala sa maaaring idulot ng mga sinabi ni Isko sa kapatid. Bukod doon, inaalala rin niyang baka maisip ni Marvin na may namamagitan sa kanila ni Isko.

"Halika, bilisan nating maglakad at baka maubusan na tayo ng ulam ni Randy," dagdag ni Marvin na nakuha pang magbiro.

Sa pagkakataong iyon, sumilip ang ngiti sa mga labi ni Luna. Hindi lang dahil sa pagbibiro ni Marvin, kung hindi dahil na rin sa masayang pakiramdam niya ng suwayin ang dikta ng isip na bumitiw sa binata. Siya ay nagpadala sa bigkas ng kaniyang dibdib na manatiling kumapit.

Nang muling pisilin ni Marvin ang kaniyang kamay, siya ay tumingin dito. Ang matamis na ngiti ng binata ay nagpabilis ng tibok ng kaniyang puso.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon