Chapter 43

1.2K 61 8
                                    

Malalim na ang gabi, ngunit mulat pa rin ang mga magang mata nina Luna at Nina'ng nakatitig sa kisame habang sila'y nakahiga. Ang dalawang maliit na kandilang nakapatong sa dalawang lamesita sa magkabilang gilid ng kama ay unti-unti nang nauupos.

Ang paggamit ng mga kandila sa gabing iyon ay paraan ng magkapatid upang sariwaing muli ang mga panahong nakatira sila sa barrio. Noong sila'y mga bata pa at magkatabing natutulog sa iisang silid. Noong sila'y sabay na naglalambing sa kanilang ama't ina upang sila'y kuwentuhan bago pumikit.

Tapos na ang pagluha, tila ba ubos na ang mga ito sa maghapong pananangis ng dalawa. Tahimik nilang ipinagluksa ang kamatayan ng kanilang ina, at ang masamang kalagayan ng kanilang ama. Nais man nilang makita ang pamilya... hindi naman maaari.

"Paano na, ate," mahinang tanong ni Luna. "Paano na – tayo..."

"Nangyari na ang lahat," halos pabulong na tugon ni Nina. "Wala na tayong magagawa pa kun'di tanggapin ang mga naganap. Masakit man, kailangan nating piliting harapin ito." Sa paghuni ng mga kuliglig, saglit na tumahimik ang magkapatid. "Magsisimula tayong muli... tayong dalawa. Magpapakalayu-layo tayo at kalilimutan na ang mga masasamang nakaraan."

Sa paghawak ng kamay ni Nina sa nanlalamig na kamay ni Luna, namatay ang dalawang nakasinding kandila. Lumukob ang dilim sa magkapatid na ang tanging hiling ay ang maliwanag na bukas.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon