Chapter 41

1.1K 58 11
                                    

Maalog ang sinasakyang tricycle ni Aling Bising.

"Dahan-dahan naman ang pagtakbo, Poy," inis na sabi ni Aling Bising sa paos na boses. "Alam mo namang mabato ang daan dito eh nagmamabilis ka pa. Baka mamaya tumilapon pa itong mga pinamili ko."

"Eh pasensya na ho. Hindi kasi ako sanay magpatakbo ng mabagal," sagot ni Poy. "Eh siya nga pala, Aling Bising. Kelan ko ho ba kayo uli susunduin?"

"Ey hindi ko pa alam. Basta itetext na lang kita."

Nagpatuloy ang mabagal na biyahe nina Aling Bising. Ang taas ng mga talahib sa magkabilang gilid ng daan ay mataas pa sa tricylce na kaniyang sinasakyan.

Alas tres na ng hapon, kainitan pa rin sa paligid. Nakakauhaw ang paglalakbay sa mga ganoong oras.

"Magpalamig ka muna ng kaunti pagdating sa kubo bago ka umalis, Poy. May dala akong yelo rito sa maliit na cooler."

"Ah, sige po," sagot ni Poy.

Mayamaya, nang makalayo na sila ng talahiban at tinatahak na ang daan patungo sa pinakamalayong bahay sa maliit na kumunidad na iyon, napasigaw na lamang ng bigla si Poy. "Ah, Aling Bising! Aling Bising!"

"Ay, bakit ka naman sumisigaw d'yan, bata ka! Ginulat mo ako!"

"Eh, Aling Bising," biglang inihinto ni Poy ang tricycle.

"At bakit mo dito inihinto itong tricycle!" inis na sabi ni aling Bising. "Doon mo ito ihinto sa tapat ng bahay! Gusto mo bang paglakarin pa ako?"

"Eh, Aling Bising. May tao hong nakabulagta sa daan."

"Ano bang sinasabi mo?" Nakasimangot na bumaba si Aling Bising ng tricycle. Mabagal siyang naglakad papunta sa kabilang panig ng sasakyan - iniisip na baka nagbibiro na naman ang binatang si Poy. Bubulyawan na sana niya ang binata, nang bigla na lamang siyang nasurpresa sa kaniyang nakita. Nang mamukhaan ang lalaking nakahandusay sa daan. Isang nakakaawang sigaw ang lumabas sa kaniyang bibig. "Isko! Apo ko!" sabay lapit dito.

Mabilis na nangilid ang kaniyang luha nang makita ang tuyong dugong nagmantsa sa mabatong lupa at sa ulo ng kaniyang apo. Hindi niya alam ang gagawin. Naroon lang siya't nakatayo sa harapan ni Isko. Nanginginig, lumuluha, nakatitig.

"Aling Bising, dalhin natin siya sa ospital!" sigaw ni Poy.

Natauhan si Aling Bising sa kaniyang narinig. Nang makita niyang inaangat ni Poy ang katawan ni Isko, nataranta siya sa kaniyang gagawin.

Yuko, tayo, yuko, tayo. Gusto niyang hawakan ang apo't tulungan sa pagbubuhat si Poy, ngunit natatakot siya. Ang alaala ng mga Lunaying sinakripisyo sa barrio ay pilit na pumapasok sa kaniyang isipan.

"Ako na – dito," hirap na sabi ni Poy habang unti-unting hinihila si Isko. Nakakapit ang kaniyang mga kamay sa kilikili nito. "Tanggalin n'yo na lang – ang mga bayong n'yo – sa loob ng tricycle," dagdag niya habang buong lakas niyang hinahatak sa batuhan ang katawan.

Agad na sumunod si Aling Bising sa sinabi ni Poy. Inilabas niya ang mga bayong ng pagkain at gamit at saka inilapag ito sa gilid ng daan. Kahit na may kapayatan ang binatang driver, kinaya niya ang malaking katawan ni Isko. Bagama't hirap, naipasok niya't naiupo sa loob ng tricycle si Isko. Nang makapasok si Aling Bising sa loob ng sasakyan at tinabihan ang apo, sinimulan nang pinaandar ni Poy ang motor.

"Anong nangyari sa'yo apo ko?" umiiyak na sabi ni Aling Bising habang maingat na hawak nito ang sugatang ulo ni Isko. "Diyos ko, iligtas n'yo po ang apo ko. Siya na lang ang natitirang pamilya ko. Huwag n'yo pong hayaang mawala siya sa'kin..."

Umabot sa kalahating oras bago nila narating ang ospital. Ang mga staff na nakaabang sa pintuan ng emergency room ay agad na nagtulung-tulong upang maipasok kaagad sa loob ang katawan ni Isko.

Matapos ang halos dalawampung minuto, nilapitan ng doktor si Aling Bising na naghihintay sa waiting area. Katabi niya si Poy na humahagod sa kaniyang likuran habang siya'y umiiyak.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon