Chapter 23

1.3K 61 5
                                    

Matamlay na naupo si Barbara sa mahabang upuan sa beranda. Ang kagyat na pagkulimlim ng paligid sa tanghaling iyon ay tila ba nakikiramay sa nagluluksa niyang damdamin.

"Barbara," mahinang tawag ni Berto nang lumapit ito.

Tiningala ni Barbara ang asawang nakatayo sa kaniyang harapan.

"Berto," wika niya habang nangingilid ang luha sa kaniyang mga mata. "Hindi ko na kaya," sabay yakap sa baywang ng asawa. "Napakasakit makitang nagdurusa ang ating anak. Hindi ko na kayang maatim na idamay pa ang kaniyang mga kaibigan," ang luhang kaniyang pinipigilan ay kumawalang parang ulan sa kaniyang pagyuko.

Marahang tinanggal ni Berto ang mga kamay ni Barbara sa kaniyang baywang, at mahigpit na hinawakan ito habang nauupo sa tabi nito.

"Tigilan na natin ang mga bata. Hayaan mong harapin ko na ang kapalaran ng isang Lunayin."

"Hindi maaari!" pagtutol ni Berto. "Hindi ako papayag!" binitiwan niya ang mga kamay ng asawa.

"Alam mo ba ang sinabi ni Luna?" tanong ni Barbara. Pilit niyang hinahagilap ang mailap na mata ng asawa habang ang kaniyang mata nama'y puno ng luha. "Siya na lang daw ang isakripisyo kapalit ng buhay ko at ng kaniyang mga kaibigan. Hindi niya lubos maisip ang ginawa nating panlilinlang sa kaniya. Gusto mo bang habang buhay niya tayong kakamuhian dahil sa ginawa nating ito? Iniwan na tayo ni Nina, nais mo pa bang iwan na rin tayo ni Luna?"

"Hindi na natin pwedeng baguhin ang plano. Huli na ang lahat para doon," bulong ni Berto. "'Wag mo nang alalahanin si Luna. Darating ang araw na maiintindihan niya rin ang lahat. Maiintindihan niya kung bakit kinailangan nating gawin ang mga ito."

"Umalis na lang tayo, Berto," pagmamakaawa ni Barbara. "Lisanin na natin ang lugar na ito habang may panahon pa."

Ang hindi pagsagot ni Berto sa pakiusap na iyon ay malinaw na tanda ng pagtutol nito sa mungkahi ng asawa. Ito ay batid ni Barbara sa kabila ng pagsusumamo. Ang kaniyang desperadong hiling ay walang magagawa upang magbago ang isip ng asawa.

"'Wag mong lunurin ang sarili mo sa sobrang pag-aalala," mahinang wika ni Berto sabay pahid sa luha ng asawa. "Ang labis na pag-iisip ay hindi makabubuti para sa iyo. Wala rin itong magandang maidudulot sa lahat," bumuntong hininga si Berto. "Halina sa loob. Kailangan mo ng pahinga."

Tumayo si Berto at inalalayan ang asawa sa paglalakad papasok ng bahay. Si Lino, na nakatayo sa pasilyo malapit sa pintuan ay tila ba nakikinig sa usapan ng mag-asawa. Nang makita ito ni Barbara, si Lino ay mabilis na tumakbo patungo sa likuran ng bahay.

Tinungo ng mag-asawa ang kusina at iniupo ni Berto ang asawa sa may hapag-kainan. Malinis na ang mesa at ang mga pinagkainan ay nailigpit na, maliban sa pitsel ng minatamis na sagong na nasa gitna ng lamesa.

Kumuha ng kristal na baso si Berto at nagsalin ng minatamis na inumin dito.

"Heto, inumin mo. Kailangan mong makatulog upang kumalma," iniabot ni Berto ang baso sa asawa. "Nagkamali si Rita nang hindi niya napainom nito si Luna. Kung sana lang nasunod ang plano ko, hindi sana magkakaganito ang lahat. Maisasakatuparan sana natin ng maayos ang plano nang hindi namamalayan ni Luna."

Tinitigan ni Barbara ang mintam na inabot ng asawa.

"Tama na ang pag-aalala. Magpahinga ka na lang at ako na ang bahala sa lahat. Sige na, inumin mo na yan," malumanay na wika ni Berto.

Bagama't may bahid ng pagtutol ang isipan ni Barbara sa nais ng asawa, nagawa niyang kunin ang baso ng walang reklamo. Sa gulo ng kaniyang pag-iisip, nawalan siya ng lakas ng loob na tumanggi at magplano para sa sarili. Ipapaubaya na lamang niya kay Berto ang nararapat gawin. At sa hindi mabilang na pagkakataon, siya'y muling naging masunuring asawa nang ubusin ang inumin.

"Pinauwi ko na si Rita. Wala na siyang kailangan pang gawin dito," wika ni Berto habang inilalagay ang ginamit na baso ni Barbara sa lababo. "Mahimbing na ang pagtulog ng Lunayin, hindi na nararapat ang pagpapainum ng salabat." Bumalik si Berto sa asawa at inalalayan ito sa pagtayo. "Halina. Ihahatid na kita sa itaas nang makapahinga ka na. Maya-maya'y pupunta na rin ako sa bukid upang tumulong sa pag-aayos ng irigasyon."

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon