Chapter 6

1.7K 82 7
                                    

Tinahak nila ang paakyat na daan ng bundok. Sa likuran ni Luna maingat na nakaalalay si Marvin sa kasintahan, at sa bandang hulihan, makikita ang mahigpit na hawak ni Sabel kay Randy.

"'Wag mo naman bilisan ang lakad," reklamo ni Sabel sa kasintahan ng makailang beses na siyang muntik matapilok.

"Mabagal na nga ako!" medyo inis na sagot ni Randy. "I-clip mo kasi 'yang bangs mo ng makita mo ng maayos ang daan. Madadapa ka pa ng dahil sa buhok mo eh. Hindi ba't binigay na sa'yo ni Tina kanina yung nalaglag mong clip kagabi na nahanap na ni Luna?"

"Ha, eh..." pag-aalinlangan na sagot ni Sabel. "Oo, pero – naiwan ko sa bahay nina Luna," pagsisinungaling niya. Hindi naalis ang takot ni Sabel sa kaniyang nakita kagabi, kaya naman kahit na nasa bag lamang niya ang clip, hindi na niya ito nais pang gamitin. Pinaaalala lang nito sa kaniya ang pangyayari noong gabi na ayaw na niyang gunitain pa.

May kakaibang pakiramdam si Sabel sa kaniyang paligid. Hindi niya nais na mag-isip ng kung anumang masamang bagay na makakasira sa bakasyon nilang iyon, ngunit sa di maipaliwanag na dahilan, hindi niya maiwasang makaramdam ng takot.

Wala ito, imahinasyon ko lang ang lahat, ilang ulit na pangungumbinsi ni Sabel sa sarili.

"Teka, naririnig n'yo ba yung lagaslas ng tubig? Mukang malapit na yata tayo," wika ni Tina makaraan ang ilang sandali.

"Oo, malapit na. Paglagpas natin dito sa mga kakahuyan makikita n'yo na ang talon," sabi ni Luna.

Hindi nagtagal at narating nila ang pakay na lugar. Ang pagbagsak ng tubig mula sa itaas ng bundok ay animoy nagiging usok pagdating sa baba. Sumasama ang maliliit na patak ng tubig sa ihip ng hangin na nagbibigay ng malamig at maginhawang pakiramdam sa balat.

Bigla na lamang nawala sa isip ni Sabel ang di maipaliwanag na pangamba nang kaniyang matanaw ang talon. Napakaganda nito, at para bang siya'y inaakit na lumapit dito.

"Pwede bang iwanan ang mga gamit dito sa batuhan?" tanong ni Tina. "Hindi ba ito mawawala?"

"Oo," sagot ni Luna. "Dito lang sa mga batuhan namin iniiwan ang dala naming gamit, pati mga tsinelas. Sa tagal ng pagpunta-punta namin dito eh hindi pa naman kami nawawalan." Ngumiti si Luna.

Hindi na nagpalit ng damit ang magkakaibigan. Lumusong ang apat sa tubig ng naka t-shirt at shorts, samantalang si Luna ay naiwan sandali sa batuhan upang kuhanan sila ng litrato gamit ang kaniyang telepono.

"Tama na yan, Luna," sigaw ni Marvin. "Halika na rito. Ang sarap ng tubig. Ang lamig!"

Kumaway si Luna, at pagkatapos isilid ang kaniyang telepono sa loob ng bag, sumunod siya sa mga kaibigan.

"Halika, doon tayo pumuwesto sa ilalim mismo ng talon," yaya ni Randy, habang nagtatampisaw sa gabaywang na parte ng tubig.

"Dito na lang tayo sa may malapit," sabi ni Luna habang lumulusong sa tubig. "Delikado na kasi banda roon. Malalim-lalim na kasi ang tubig malapit sa mismong talon, at saka nakakatakot yung matiyempuhan natin na may malalaglag na bato galing sa itaas."

"Oo nga, 'wag na tayo masyado lumayo," sabat ni Sabel sabay wisik ng tubig sa mukha ni Randy. "Tama na 'yong hanggang d'yan sa may gitna."

"Ah, gitna pala ha!" Hinila ni Randy ang kasintahan palayo kina Luna. Napatili si Sabel sa ginawa ng binata.

"Teka lang, teka lang," pigil ni Sabel kay Randy. "'Wag na tayo masyadong gumitna. Baka malalim-lalim na d'yan."

"'Wag kang mag-alala, hindi kita hahayaang malunod. Swimmer ata 'tong macho mong boyfriend!"

"Macho talaga ha?" sabay palo ni Sabel sa mabilog na katawan ng binata.

"Oo naman!" Inangat ni Randy ang kaniyang braso at ipinakita kay Sabel. Natawa naman ang dalaga ng tapik-tapikin ng binata ang taba sa kaniyang braso. "At saka 'wag kang matakot dahil magaling din ako sa first-aid. Ima-mouth to mouth kita pag nakainom ka ng tubig," nakangiting sabi ni Randy sabay hawak sa mukha ni Sabel, sabay nguso sa dalaga. "Subukan ko kayang lunurin ka para matesting natin ang mouth to mouth." Kumindat-kindat ang binata.

Winisikan ni Sabel ng tubig sa mukha ang kasintahan, at pagkatapos ay nanunudyong lumangoy papuntang gitna. Tulad ni Randy, isang swimmer din si Sabel, hindi nga lang siya masyadong kumportableng lumangoy sa tubig na dumadaloy tulad ng talon. Mas gusto niya sa pool, kung saan pamilyar siya sa sukat ng tubig.

Huminto si Sabel pagdating sa parteng hanggang leeg ang tubig. Nangingiting tinitignan si Randy sa paghabol nito. Habang hinihintay ang pagdating ng binata, pinagmasdan niya ang paligid: ang malinaw na tubig, malinis na lugar, ang taas ng talon at malalaking bato sa gilid. Humanga siya sa ganda ng kalikasan, ang kalikasang wala pang bahid ng pang-aabuso.

Nang mapatingin si Sabel sa bandang kakahuyan, isang anino ang kaniyang nasulyapan. Nilingon niyang muli ito at pinagmasdan ng maigi. At sa malayong distansya, nakita niya ang isang tao na bahagyang nagtatago sa likuran ng puno na tila ba nagmamasid sa kanila. Nang ito'y kumilos, nagulat si Sabel. Ang kamay na biglang humawak sa kaniyang balikat ay naging dahilan upang siya'y mapasigaw.

"Ang O.A. mo naman!" wika ni Randy. "Nahawakan ka lang sa balikat, kung makasigaw ka naman akala mo eh kung ano na ang gagawin ko sa'yo. Teka, baka naman gusto mo eh may gawin ako sa'yo?" Tumawa ang binata.

"Ano ka ba!" inis na tugon ni Sabel. "May napansin kasi akong sumisilip sa'tin, sa banda roon," sabay turo sa may kakahuyan. "Kaya nagulat ako nung hinawakan mo ako."

Tiningnan ni Randy ang lugar na itinuro ni Sabel. "Wala naman akong makita. Baka naman guniguni mo lang 'yon. Hay nako, bumalik na nga tayo kina Marvin. Baka kung ano pa ang makita mo. Tatakutin mo lang ako at ang sarili mo," seryosong tugon ni Randy.

Lumangoy si Sabel pabalik ng pampang.

"Teka, san ka pupunta," sigaw ni Randy na huminto sa paglangoy patungo sa pwesto nina Luna.

Pagka-ahon ng dalaga, tumayo siya sa pampang at hinarap ang direkson ng kakahuyan.

"Ano iyon, Sabel?" tanong ni Luna na mabilis na sumundod sa kaibigan.

"May nakita ako kanina roon," sabay turo ni Sabel. "May ibang taong nanonood sa atin."

"Wala naman akong makita," sagot ni Luna.

"Wala na ngayon. Pero kanina nakita ko, nagtatago s'ya sa likuran ng puno."

"Bakit, Sabel? Ano 'yon?" tanong ni Tina habang papalapit kina Sabel at Luna. Kasama niya sina Marvin at Randy.

"May nakita raw s'ya," sagot ni Randy. "Pero wala naman akong nakita kanina nung nagturo s'ya. Kaya baka guni-guni n'ya lang 'yon."

Nakasimangot na tumingin si Sabel kay Randy.

"Oh bakit?" pagtatakang tanong ni Randy.

"Anong gusto mong palabasin? Nag-iimagine lang ako? Na hindi totoo ang sinasabi ko?" galit na sabi ni Sabel.

"Ah, hindi naman sa ganon," lumapit si Randy sa kasintahan. Nang hawakan nito ang balikat ng dalaga, galit na hinawi ni Sabel kaniyang kamay. "'Wag ka namang ganyan," paglalambing na sabi ng binata. "Hindi naman sa pinagdududahan ko ang nakita mo, ayaw ko lang kasi na mahaluan ng takot ang bakasyon nating ito. Nakakahawa kasi 'yang takot eh. Kung sisimulan mo, baka kami rin matakot na. Papano pa natin ma-eenjoy itong bakasyon kung hahaluan natin ng takot," bumuntong hininga si Randy at sinubukang akbayan muli ang kasintahan. Sa pagkakataong iyon, hindi na pumalag pa si Sabel. "Hindi ka naman dapat matakot. Nandito naman ako, nandito kami. Taga rito si Luna kaya hindi tayo mapapaano. Hindi naman hahayaan ni Luna at ng pamilya niya na mapahamak tayo. Kaya 'wag ka na matakot."

Saglit na tumahimik ang paligid, at ang lagaslas lamang ng tubig ang tanging madirinig.

"Gusto n'yo bang umalis na rito?" marahang tanong ni Luna.

"Mamaya na, Luna," sagot ni Randy. "Kumain muna tayo. Medyo napagod ako sa paglangoy eh. Nawawala na yung mga muscles ko," biro ni Randy sa seryosong tinig, sabay tingin kay Sabel na para bang batang naglalambing. Kahit na naiinis, bahagyang napangiti si Sabel dahil sa asal ng kasintahan. Madali siyang nasusuyo ni Randy dahil sa pagpapatawa nito. Kaya naman nang yayain siya nito patungo sa batuhan, hindi na siya tumanggi pa at siya'y sumama.

Habang nakaupo sa ilalim ng araw at nagpapatuyo ng basang damit sa kanilang katawan, at pinagsasaluhan ang dalang tinapay at prutas ni Luna, doon naisip ni Sabel na tama nga ang kasintahan. Hindi niya dapat katakutan ang kaniyang mga nakita; tao man ito o ang daliring buto. Bagamat nasa isang lugar sila na hindi pamilyar sa kaniya't malayo sa kabihasnan, hindi niya ito dapat pangambahan. Sapagkat siya at ang mga kaibigan ay nasa pangangalaga ni Luna at ng kaniyang pamilya.

Kaya naman pinagmasdan na lang ni Sabel ang kapaligiran, hiniling na maging kasing payapa rin nito ang kaniyang kalooban.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon