Chapter 22

1.2K 65 12
                                    

Iyon ang unang beses na nasaksihan ni Luna ang madugong tradisyon. Hindi kaaya-aya sa paningin ninuman, lalo na sa mga bata, ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan, tila ba hindi mapigilan ni Luna ang kaniyang sarili na lihim na panoorin ang naturang ritual tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan sa tag-araw.

Ang maliit na kamalig, na hindi nalalayo sa lugar kung saan iniaalay ang mga Lunayin, ang naging piping saksi sa bawat taong pagsilip ni Luna sa kamatayan ng mga Lunayin. Tulad ng ginawa nila ng kapatid na si Nina noong sila'y mga bata pa, doon siya nagkukubli upang tanawin ang mga kaganapan sa bukirin. Samantalang si Nina ay hindi na muling tumuntong sa kamalig na iyon matapos makita ang nangyari kay Melba.

Walang alam si Barbara sa hindi normal na gawaing iyon ni Luna. Ang tanging nakakaalam lamang noon ay ang kapatid niyang si Nina na halos taun-taong bigo sa pagpigil sa kaniya. Subalit sa mga sandaling pinagmamasdan ni Luna ang mga kaibigang walang malay sa kama, hindi niya masikmurang isipin na maaari niyang mapanood ang kamatayan ng mga ito sa gitna ng bukid.

Matamlay na tumayo si Luna at lumakad palabas ng kuwarto. Sa sama ng loob, ni hindi niya nagawang lingunin ang inang nakaluhod sa tabi ng kama. Tinungo niya ang silid kung saan naroon ang mga kaibigang lalaki. Pagbukas ng pintuan, tumambad ang kaibigang si Marvin na walang malay na nakadapa sa sahig, at si Randy nama'y animo'y tulog na  lasing na nakahiga sa kama.

Nanginginig na pinahid ni Luna ang mga kamay sa basa niyang pisngi habang lumalapit kay Marvin na ilang hakbang lamang ang layo sa pinto. Nang lumuhod si Luna, hinawakan niya ang katawan ni Marvin at pinihit ito paharap sa kaniya. Dahan-dahan, iniayos niya ang pagkakahiga ng binata.

Habang pinagmamasdan ang maamong mukha ni Marvin, pumatak ang kaniyang luha sa noo nito.

"Patawarin mo ako, Marvin," bulong ni Luna. "Kasalanan ko ang lahat." Kinuha niya ang kamay ng binata at idinampi ito sa kaniyang mga labi. Sa pagpikit ng kaniyang mga mata at pagdama sa walang imik na haplos, sinimulan n'ya ang isang pangarap na kahit kailan may hindi maaaring mangyari.

Sa mabilis na pagpatak ng kaniyang mga luha, hindi na niya maitatanggi ang nadarama sa lalaking lihim niyang iniibig. Ang lalaking pinagkaitan niya noon ng pagkakataong maipakita sa kaniya ang pagmamahal nito – ang pagmamahal na nang naglaon ay nabaling sa matalik niyang kaibigang si Tina.

Si Marvin ang lalaking tangi niyang minahal, ngunit kaniya itong tinanggihan sapagkat bukod sa walang kinabukasan ang kahahantungan ng isang relasyong hindi kailan may matatanggap ng kaniyang pamilya, hindi niya rin nais maging bahagi ang binata sa kinamulatang tradisyon. Ang marahas at malagim na tradisyong ngayo'y nag-aabang sa panibagong biktima.

Humiga si Luna sa tabi ni Marvin na tulad ng isang sanggol sa loob ng sinapupunan. Hinagkan niya ang kamay ng binata habang malungkot na pinagmasdan ang payapa nitong mukha.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon