Chapter 12

1.5K 75 18
                                    

Patay sindi ang flashlight ni Isko habang tinatahak ang madilim na daan pauwi sa kanilang bahay. Pasado alas diyes na ng gabi, at ang mga huni na lang ng mga kuliglig sa paligid ang tanging madirinig.

"Nakakahilo naman itong ginagawa ko," asar na sabi niya sa sarili. "Pwede ko na sigurong permanenteng buksan itong flashlight, malayu-layo naman na ako sa kamalig hindi na'ko makikita ni Berto." Hindi na niya maalis ang pagdura sa lupa sa tuwing babanggitin ang pangalan ni Berto kapag siya'y nag-iisa. Ang lihim na pagkamuhi ni Isko sa ama ni Luna ay nagsimula halos dalawang buwan na ang nakalipas. Isang sikretong tinatago ni Berto ang nalaman ng binata mula sa kaibigan, at ito ang dahilan sa pagkabuo ng poot ni Isko sa ama ni Luna.

"Dahil sa iyo, Luna, kaya nasisikmura kong makisama pa sa iyong ama sa kabila ng ginawa n'ya. At tinitiis kong magpaalila sa kaniya nang dahil sa'yo." Umiling-iling si Isko. "Kung tutuusin, maswerte ka na sa'kin, Luna. Malaki ang lupain ko at kaya kitang buhayin," bulong niya sa hangin, "Hindi ko lang maintindihan kung bakit tila hindi mo ako kayang mahalin. Pero wala ka ng magagawa kung iuutos ng iyong ama na ako ang dapat mong makatuluyan. Kaya sige, papakisamahan ko muna ang iyong ama at pakikitunguhan ko muna ng maayos ang iyong ina habang hindi ka pa napapasa'kin."

Apat na taon ng ulila sina Isko at ang nakababatang kapatid nitong si Juan. Labing anim na taon lamang si Isko noon ng mamayapa ang kanilang mga magulang dulot ng isang aksidente. Samantalang si Juan ay pitong taon lamang. Hindi alam ng magkapatid ang buong pangyayari. Nalaman na lang nila na wala na ang kanilang mga magulang nang sila'y magising kinabukasan.

Ayon sa kuwento sa kaniya ni Aling Angela (asawa ni Tonio na pinuno sa kanilang barrio), namatay ang kanilang mga magulang ng gabing mabangga ang kanilang sinasakyan sa malaking puno sa kalsada. Hindi maintindihan ni Isko kung paano nangyari iyon. Kung bakit umalis ang kanilang mga magulang ng gabing iyon, at kung saan sila tutungo. At kung bakit hindi man lamang niya naramdaman ang kanilang paglisan.

Bagamat unti-unting pinapatay ng kalungkutan ang kaniyang puso sa pagkawala ng kanilang itay at inay, pinilit niyang sagipin ang naghihingalong damdamin para sa kapatid. Pinilit niyang mamuhay ng normal sa kabila ng hinagpis.

Hindi na ipinagpatuloy ni Isko ang pag-aaral. Naintindihan naman ito nina Mang Tonio at Aling Angela – ang mga taong kumupkop sa kanila buhat nang mamatay ang kanilang mga magulang.

Minarapat ni Iskong hawakan ang lupa at pag-aralan ang bukirin kaysa humawak ng libro at pag-aralan ang teorya. Ito ang napili niyang paraan upang matutong mamuhay base sa sariling kakayanan. Ang naiwang bukirin ng kanilang mga magulang ay kaniyang muling binuhay sa gabay at tulong na rin ng mga tao sa kanilang barrio.

Pagsapit ng ikalabing walong taong gulang ni Isko, nagpaalam siya kina Mang Tonio at Aling Angela upang bumukod ng tirahan. Gusto ni Isko na muling pamahayan ang dati nilang tahanan. Bagama't napamahal na ang mag-asawang walang anak sa dalawang bata, pumayag rin sila sa kagustuhan ng binata.

Hindi nagtagal at narating ni Isko ang kanilang tahanan. Hindi tulad ng mga pangkaraniwang bahay sa barrio na gawa sa kahoy, ang kanilang bunggalo na tirahan ay yari sa semento na may malalaking silid. Bukod kina Mang Berto, Mang Tonio at mangilan pang pamilya sa barrio, isa ang pamilya ni Isko sa mga may-kaya sa kanilang lugar. Nagmamay-ari sila ng malaking lupain at may mga magsasakang katulong sa bukirin.

Dahan-dahang pumasok sa loob si Isko at inilawan ng dalang flashlight ang madilim na paligid. Tahimik ang maluwag na sala na may mga nakasabit na dekorasyong larawan ng kalikasan.

"Tulog na ang bata," mahinang wika ni Isko. "Hindi na niya ako nahintay."

Sinilip ni Isko ang silid ni Juan. Ang dalawang maliit na kandila sa candelabrang nakapatong sa lamesang malapit sa kama, na siyang nagbibigay ng kaunting liwanag, ay unti-unti ng nauupos.

Napabuntong hininga na lamang si Isko ng tinanaw niya mula sa pintuan ang mahimbing na tulog ng kapatid. Para itong isang sanggol na napapalibutan ng mga unan. Nang minsang tanungin niya si Juan tungkol dito, Bakit ba ang hilig mo sa unan? Puro unan na itong katabi mo.

Kasi, kuya, 'pag may katabi akong mga unan, pakiramdam ko katabi ko na rin sina inay at itay. Kaya 'pag wala ka pa sa gabi at hindi kita makakatabi, itong mga unan na lang ang nilalagay ko sa magkabilang gilid, para kunwari hindi ako mag-isa.

Tumatangis ang puso ni Isko sa tuwing naaalala ang sinabi ng kapatid. Gustuhin man niyang umuwi lagi ng maaga upang makasama si Juan, hindi naman niya ito magawa sa dami ng trabaho. Simula ng maging utus-utusan siya ni Mang Berto, simula noong nakaraang taon, hindi na niya magawang maasikaso ng maayos ang kapatid. Sa tuwing siya ay uuwi sa gabi, madalas niyang maabutang tulog na ang kapatid.

Nang mamatay ang ilaw ng mga kandila, dahan-dahang isinara ni Isko ang pintuan ng silid.

Huwag kang mag-alala, Juan. Pag naisakatuparan ko na ang plano ko, magiging maayos na din ang lahat para sa atin.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon