Chapter 29

1.3K 66 14
                                    

Tama na, Luna. Sabi ng kaniyang isipan. Tigilan mo na ang pangangarap.

Huminga ng malalim si Luna, at ibinaling ang tingin sa babaeng katabi ni Marvin.

"Pasensiya na, Tina, kung mahal ko rin ang taong mahal mo," malungkot na wika ni Luna sa mahinang boses.

Dinampot ni Luna sa kaniyang tabi ang plastic ng maruming damit at saka tumayo.

"Luna..."

Nabigla si Luna nang marinig ang mahinang tawag ni Marvin.

"Luna," wikang muli ni Marvin kasabay ng unti-unting pagmulat ng kaniyang mga mata.

Muling lumuhod si Luna sa tabi ni Marvin. Hinawakan niyang muli ang pisngi ng binata at ngumiti.

"Gising ka na," masayang bulong ni Luna.

Dahan-dahang inilibot ni Marvin ang mga mata.

"Nasaan tayo?" Bagama't sinuklian rin niya ng ngiti si Luna, batid ng dalaga ang kalituhan sa isip ng binata.

"Uhm," panimula ni Luna, iniisip kung paano sisimulan ang paliwanag. "Nasa isang lugar tayo dito sa Ilocos na may kalayuan na sa Lunangayin," bulong ni Luna habang hinahaplos ang pisngi ng binata. "Dinala namin kayo rito dahil... dahil may kaguluhang naganap kagabi sa barrio. Hindi na mahalaga kung anuman iyon. Ang importante ngayon ay ligtas kayo," bumuntong hininga si Luna at bumaling ng tingin sa kaibigang si Tina.

Nang sinubukan ni Marvin ang bumangon, muli siyang tumingin dito at pinigilan ito.

"Humiga ka lang," payo ni Luna. Inalalayan niya ang ulo ni Marvin pabalik sa unan. "Maaari kang sumuka kung pipilitin mong tumayo agad. Hayaan mo lang munang lumipas ang kalahating oras bago ka bumangon."

Bagama't ipinikit ni Marvin ang kaniyang mga mata at hindi na muling nagsalita, batid ni Luna'ng kailangan niyang magpaliwanag.

"Malakas ang epekto ng pampatulog na nainom n'yo kahapon," kusang sagot ni Luna sa maaaring katanungan ni Marvin. "Ito ang dahilan kung bakit ganoon na lang ang hilong nararamdaman mo. Pero lilipas din ang pakiramdam na 'yan. Maya-maya lang, giginhawa na rin ang pakiramdam mo."

Saglit na natahimik si Luna. Dahil nais niyang umiwas na pag-usapan pa ang mga bagay na hindi naman niya kayang ipaliwanag, minabuti na niyang magpaalam.

"Pasensiya na, Marvin, ngunit kailangan ko ng umalis. Nag-iwan nga pala ako ng note sa lamesa. Paki basa na lang pag maayos na ang pakiramdam mo."

Aktong tatayo na si Luna nang pigilan ito ni Marvin.

"Teka lang," pakiusap ni Marvin. Nang makapa niya ang kamay ni Luna, marahan niya itong hinila patungo sa kaniyang dibdib.

"Luna, mahal pa rin kita," sabi n'ya, at dahan dahan niyang minulat ang kaniyang mga mata.

Nabigla si Luna sa sinabi ng binata. Tila ba narinig ni Marvin ang mga katagang binitiwan niya nang ito'y kaniyang hinalikan.

"Marvin..."

"Ngayong alam ko na na mahal mo rin ako –"

Pinutol ni Luna ang nais sabihin ni Marvin nang bawiin niya ang kaniyang kamay sa pagkakahawak nito.

"Tama na, Marvin. Hindi ako nararapat para sa'yo –"

"Ngunit –"

"Shhh... makinig ka," mariing tugon ni Luna sa mahinang boses. "Maraming bagay ang hindi mo alam tungkol sa'kin at tungkol sa pamilya ko. Oo mahal kita, pero walang patutunguhan ang pagmamahal na iyon dahil magkaiba tayo, iba ang pinanggalingan ko. Mahirap ipaliwanag, Marvin. Pero mas mabuti ng kalimutan mo na ako. Hindi ako karapatdapat para sa'yo."

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon