Chapter 28

1.3K 62 16
                                    

"Luna... Luna..."

Nagising si Luna sa mahinang tinig ng babae na tumawag sa kaniya. Madilim pa rin ang paligid, ngunit maliwanag ang kaniyang dinig sa kaniyang pangalan.

"Luna... Luna..."

Bumilis ang tibok ng kaniyang puso nang muling marinig ang tinig. Sa kaba, napahawak s'ya sa kaniyang dibdib. Dito, nahawakan niya ang teleponong nakapatong. Doon niya naisip na nakatulugan pala niya ang pagtetext.

Binuhay ni Luna ang hawak na telepono at inilawan ang paligid.

Walang tao... dahan-dahan, siya ay bumangon.

"Luna... Luna..."

Tila ba ang mahinang boses ng babae ay nanggagaling sa labas ng kuwarto, kung kaya't marahang tinungo ni Luna ang pintuan upang buksan ito. Kahit may nararamdamang takot, nanaig kay Luna ang pagnanais na alamin kung sino ang tumatawag sa kaniya.

Sa pagbukas ng pinto, ang dilaw na ilaw sa pasilyo ang bumungad sa kaniya. Lumingon siya sa magkabilang direksyon ngunit wala siyang nakita ni anino ng tao.

"Luna... Luna..."

Sa pagkakataong iyon, sinundan ni Luna ang tinig. Tinahak niya ang maiksing pasilyo sa kaliwa at siya ay inihatid nito sa pintuan palabas ng gusali. Nang buksan niya ang pinto, laking gulat niya nang makita ang kaniyang ina na nakatayo sa tapat nito. Dala marahil ng pagkabigla, hindi niya nagawang maikilos ang mga kamay upang yakapin si Barbara, ni hindi rin niya nagawang ihakbang ang kaniyang mga paa palapit sa ina.

"Inay," ang tangi lamang nasabi ni Luna.

"Anak ko," malumanay na tugon ni Barbara na pirming nakatayo lamang sa tapat ni Luna. "Narito ako para magpaalam..."

Kumunot ang noo ni Luna sa kaniyang narinig.

Anong ibig niyang sabihin?

"Hindi ako makakasama sa inyo. Hindi ko magagawang iwan ang itay n'yo," ang mukha ni Barbara ay umaapaw sa kalungkutan.

"Ngunit malalagay sa panganib ang buhay n'yo kung hindi kayo sasama sa amin!" mariing sabi ni Luna.

Hindi umimik si Barbara, bagkus ay yumuko lamang ito at tumalikod, at dahan-dahang naglakad papalayo.

"Inay!" sigaw ni Luna, ngunit ayaw lumabas ng kaniyang tinig. "Inay! Inay!" paulit-ulit niyang sigaw sa kabila ng kaniyang pinid na labi.

Unti-unting nilamon ng kadiliman ang papalayo niyang ina hanggang sa hindi na niya ito matanaw. Napaluhod na lamang si Luna sa sementong sahig at dinama ang lamig nitong unti-unting umaakyat sa kaniyang dibdib. At ang kaniyang mga luha'y muling pumatak ng walang patid.

"Luna. Luna."

Minulat ni Luna ang kaniyang mga mata at ang kalmadong mukha ni Nina ang kaniyang nakita. Nakatungo ito sa kaniya habang nakaupo sa silyang kahoy sa kaniyang tabi. Maliwag na ang paligid at ang mga ibong nag-aawitan sa labas ng bintana ay malinaw niyang nadirinig kasabay ng tunog ng bukas na electricfan na nakadikit sa pader.

"Luna, nananaginip ka," mahinahon na sabi ni Nina sabay pisil ng marahan sa kaniyang payat na braso.

Naramdaman ni Luna ang pagtulo ng butil ng luha sa kaniyang pisngi.

Umiiyak ako hanggang panaginip... pinahid ni Luna ang kamay sa bahagyang basang mukha.

"Ate," sabi ni Luna sa paos na boses. Nais niyang ikuwento ang panaginip ngunit naputol ang kaniyang pagsasalita.

"Luna, bumangon ka na at kailangan na nating kumilos," wika ni Nina sabay tayo sa kinauupuan. Binuksan niya ang bag na nakapatong sa lamesa at naglabas ng damit pang-itaas. "Eto," inabot niya kay Luna ang isang medium-sized-shirt na hawak nya. Matamlay na bumangon si Luna't umupo sa kama sabay kuha sa damit na bigay ni Nina. "Kaunti lang naman ang laki n'yan sayo. Kaya sige, maligo ka na't magpalit na."

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon