Chapter 25

1.3K 67 10
                                    

Madamdaming hinalikan ni Isko ang ulo ni Luna bago nito binitiwan ang dalaga. Matapos non ay mabilis niyang inihatid ito patungo sa pintuan ng sasakyan.

"Sige na, Luna, umalis na kayo," sabi ni Isko pagkabukas niya sa pinto ng driver's seat. Balisa siyang tumingin sa paligid.

"Teka, paano ako makakakuha ng balita mula sa'yo?"

"Hintayin mo ang tawag ko sa susunod na araw," muling humarap si Isko kay Luna. "Nasa akin ang numero ng telepono mo. Kaya sige na, sakay na."

Agad na sumunod si Luna at pumasok sa pick-up. Bagamat bahagyang nanginginig at pawisan ang mga kamay sa sobrang kaba, nagawa niyang buhayin ang makina ng sasakyan sa isang pihit lamang.

"Maraming salamat, Isko. Mag-iingat ka..." Ito ang mga salitang huli niyang binitawan bago sinara ni Isko ang pintuan ng sasakyan.

Sa pag-andar ng pick-up palabas ng kanilang bakuran, nasulyapan niya ang pagtakbo ni Isko pabalik sa kanilang bahay. Alam ni Luna'ng walang dapat aksayahing oras ang binata, sapagkat dahil sa pagtulong na ginawa ni Isko, alam niyang inilagay n'ya rin sa malaking panganib ang binata. Ngunit hindi niya maisip kung anong plano ang gagawin ni Isko gayong wala na ang Lunaying dapat niyang ihatid sa bukid.

Awa sa binata ang naramdaman ni Luna habang mabilis niyang tinatahak ang daan palabas ng kanilang barrio.

Magulo ang isip ni Luna. Bukod sa pag-iisip tungkol kay Isko, lubos din siyang nag-aalala sa kaniyang ina.

Nasaan si inay? tanong niya sa sarili. Saan siya nagpunta? Posible bang nasa labas siya sa mga oras na ito? Pero... pero sa tuwing sasapit ang tinakdang araw, nagkukulong lamang siya sa bahay upang magdasal.

Naging ganoon na si Barbara simula ng ialay si Melba. Iyon ang paraan niya ng pagsisisi sa nagawa.

Sumulyap si Luna kay Marvin na walang malay na nakaupo't nakayuko sa kaniyang tabi. Kung hindi dahil sa nakakabit na seat-belt sa katawan ng binata, marahil ito'y sumubsob na't pumaling na sa kambyo.

Sa kuwarto! biglang sigaw ni Luna sa kaniyang isip. Ang inay ay maaaring nasa kaniyang silid lamang! Hininto ni Luna ang sasakyan sa gilid ng daan. Hindi pa sila masyadong nakakalayo kaya naman inisip niya ang bumalik. Pero kung nasa kuwarto lamang si inay, bakit hindi siya lumabas at nagpakita noong nagtatalo kami ni Isko? Sa lakas ng boses ko, imposibleng hindi niya iyon marinig. At imposible ring balewalain niya ang ingay ng pagtakbo ko pababa't paakyat ng hagdan. Ang mga ingay namin ni Isko ay imposibleng hindi niya marinig.

Saglit na nag-isip si Luna, at sa mga sandaling iyon, muling pumatak ang kaniyang mga luha.

Inay! ang tangi na lamang niyang nasambit kasabay ng galit at mahigpit na paghawak niya sa manibela ng sasakyan. Maaaring wala nga ang kaniyang ina sa kanilang bahay, ngunit lubos ang kaniyang pagsisisi nang hindi niya manlang nagawang silipin ang silid nito upang makatiyak.

Ngayon, ang pagnanais niyang bumalik ay nahahadlangan ng kaniyang pag-aalala sa buhay ng kaniyang mga kaibigan. Nakasalalay sa kaniyang mga kamay ang kaligtasan ng bawat isa. Ang tangi na lamang niyang pag-asa ay ang pangako ni Isko'ng hanapin ang kaniyang ina upang ito'y mailigtas.

Pagkapahid ni Luna ng kaniyang basang mukha, kinabig niyang muli ang manibela ng sasakyan pabalik sa daan – sa daan na palayo sa kanilang barrio.

Sinundan ni Luna ang diretsong daan nang walang pagpaplano kung saan pupunta. Hindi na mahalaga sa kaniya kung saan sila mapapadpad. Ang importante lamang sa kaniya sa mga sandaling iyon ay ang makalayo – mailayo ang mga kaibigan sa payak na kapahamakan.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon