Chapter 19

1.4K 64 25
                                    

Dahan-dahang itinaob nina Isagani, Igme at apat pang magsasaka ang kauwang, kung saan ang duguang katawan ng asawa ni Krisanto ay nakatali. Ang mga itim nilang balabal ay saglit na sumayaw sa mainit na hanging dagling dumaan sa pagligid. Nakaramdam ng kilabot si Igme. Pakiramdam niya, iyon ang espirito ng asawa ni Krisanto na nagpahiwatig ng kaniyang presensya.

Nang nakabaligtad na ang kauwang, at ang dugo sa katawan ng alay ay direkta nang pumapatak sa lupa, ibinaling ni Igme ang paningin sa katabi.

"Maaari na ba tayong umalis?" tanong ni Igme. Bakas sa kaniyang tinig ang pagkabalisa.

"Oo," kalmadong sagot ni Isagani sabay tingin sa iba pang mga kasama na may mga hawak na nakasinding itim na kandila. "Halina," tawag niya rito, "iiwan na muna natin pansamantala ang alay. Hayaan muna nating dumaloy ang kaniyang dugo. Babalik tayo makalipas ang isang oras."

Nagsimula nang lumakad palayo ang mga tao nang muling kausapin ni Igme ang kaibigan.

"Paano mo nagagawang maging kalmado sa kabila ng marahas na pagkamatay ng ating kaibigan sa kamay ng kaniyang asawa?" bahagyang nanginig ang tinig ni Igme.

"Iniisip ko na lang ang kabutihang maidudulot ng sakripisyo ng ating kaibigan sa ating barrio," sagot ni Isagani. "Hindi natin kailangan makonsensya sa pangyayari sapagkat kusang loob na sumang-ayon ang lahat maging ang pamilya ni Krisanto sa kasunduang ito. Tandaan mo, lahat tayo ay magkakasama sa pagbuo nito na ituturing nang tradisyon paglipas ng taon. At bawat isa sa atin ay may partisipasyon. Kaya ngayon pa lang, simulan mo ng pag-aralan kung paano mo makokontrol ang iyong emosyon. Sapagkat kakailanganin mo iyon kapag asawa mo na ang iaalay dito."

Natigilan si Igme sa sinabi ng kaibigan. Sa tono ng pananalita nito, para bang balewala sa kaniya ang buhay ng kanilang mga kabiyak. Naghatid ito ng kilabot na gumapang sa buo niyang katawan. Nais niyang takpan ang kaniyang mga tainga sapagkat hindi rin siya handang makinig sa katotohanang dawit siya at ang kaniyang pamilya sa binuong kasunduan.

"Igme," tawag ni Isagani sa kaniya.

Tumingin siya rito at tumango na para bang napipilitan. Tahimik na lumakad muli ang magkaibigan papalayo ng bukid.

Pagpasok ni Igme sa kanilang bakuran, sinalubong agad siya ng kaniyang ina na may hawak na gasera.

"Oh, bakit gising pa ho kayo?" Mahinang tanong in Igme. Nanginginig ang kaniyang mga kamay habang isinasara ang bakod.

"Hindi kasi ako makatulog," sagot ng ina. "Ano nga pala ang nangyari?"

Hinarap ni Igme ang ina at sinabing, "Inay, parang hindi ko kaya," umiling ito. "Ayoko ng bumalik pa roon para ipagpatuloy ang pagbubukas ng irigasyon. Ayaw kong makita ang pag-agos at pagkalat ng dugo ng aming kaibigan sa lupain. Hindi ko kaya, inay." Napahawak na lang siya sa kulubot na braso ng ina.

"Anak," pag-aalo ng ina. "Halina sa loob." Inakay nito si Igme na parang paslit.

Pagkapasok sa sala, pinaupo ng ina si Igme sa mahabang sofa. Inilapag niya ang dalang gasera sa lamesita at saka dumiretso sa kusina. Pagbalik nito'y, may dala na siyang baso.

"Heto," inabot ng ina ang dala kay Igme. "Inumin mo at nang maibsan ang kaba ng dibdib mo."

Kinuha ni Igme ang baso at pinagmasdan.

"Ano ito, inay?" usisa niya. "Bakit may kulay ang inuming ito?"

"Ah, eh, kapugat," pag-aalinlangang sagot ng ina. "Naisip ko kasi na kailangan mo nito para kumalma."

"Hindi ko kailangan nito!" mariing bulong ni Igme sabay galit na nilapag ang baso sa lamesita sa harapan nito. Nagulat ang ina sa muntikang pagkatapon ng laman nito. "Iyan ang dahilan kung bakit hindi nakaramdam ng takot ang kaibigan kong si Krisanto ng kitilin niya ang buhay ng kaniyang asawa! Ilayo n'yo 'yan sa'kin!"

Natarantang kinuha ng ina ang kapugat at ibinalik ito sa kusina. Samantalang si Igme ay naiwang masama ang loob sa sala. Pinagmasdan nito ang liwanag ng gaserang nakapatong sa lamesita habang malalim na pinag-iisipan kung siya ay babalik pa sa bukirin ng gabing iyon o hindi na.

* * *

Ang kapugat ay isang uri ng inuming nakakaapekto sa pag-iisip at nararamdaman ng isang tao. Itinuturing itong isang gamot na karaniwang ibinibigay sa mga taong dumaranas ng sobrang kalungkutan. Sa Lunangayin, eksperto sa pagtimpla nito ang pamilya ni Igme. Sila rin ang nagkokontrol sa pamamahagi nito. Tanging ang may mga karamdaman lamang na may kaugnayan sa emosyon at pag-iisip ang siyang binibigyan nito. Ang masamang maidudulot ng naturang inumin kapag ito'y maaabuso ang dahilan kung bakit ito'y kailangang kontrolin.

Ang kapugat ay binubuo ng isang uri ng kabute, pulot at halamang ugat na sama-samang inilalagay sa isang malaking banga at sumasailalim sa paraan ng permentasyon. Ibinabalot ang lalagyan sa isang makapal na tela at itinatago sa isang madilim na lugar. Makalipas ang tatlong buwan, ito'y bubuksan at sasalain sa katsa. Ang malapot na katas nito ang siyang hinahalo sa inumin. Bagamat ito'y may kagat ng pait dahil sa kabute at halamang ugat, nangingibabaw pa rin ang lasa ng pulot. Ang kakaibang tamis nito ang nagbibigay ng malinamnam na lasa sa mga inumin.

Ito ang ibinigay kay Krisanto ng sariling niyang ina, isang oras bago niya kinitil ang buhay ng asawa sa gitna ng bukirin. Ang pagka-agresibo at sobrang lungkot ay pinapawi ng halusinasyong idinudulot nito. Bagama't hindi kaaya-aya, pinananatili naman nito ang kakalmahan ng isang tao sa napakahabang oras.

Ang kasunduan ukol sa taong magkikitil ng buhay ng alay ay galing rin sa suhestiyon ng mga matatanda. Anila, responsibilidad ng ama ng pamilyang nakatakdang maghain ng alay ang wakasan ng buhay ang taong isasakripisyo. At para magampanan ng maayos ang obligasyong iyon, minarapat ang pagpapainon ng kapugat. Kung kaya't sa paglipas ng panahon, naging mahalagang parte ng tradisyon ang inuming ito.

Ang asawa ni Krisanto ay pinainum naman ng dalawang uri ng inumin, dalawang oras bago siya ibinalot sa kumot na puti na ginuhitan ng anim na pulang linya: Ang unang guhit ay sa leeg, sumunod ay sa dibdib, sa tiyan, sa puson, at dalawang linya sa hita.

Ang unang klase ng inumin ay salabat – pinakulong tubig na may luya. Binibigay ito upang hindi agad mamuo ang dugo sa mga sugat. Dahilan upang magpatuloy ng matagal ang pagdaloy ng dugo palabas ng sugat. Ang ikalawang inumin ay mintam. Ito'y isang uri ng arnibal na nagdudulot ng labis na antok na karaniwang hinahalo sa mga pagkain at inumin na siyang nagpapatulog ng mahimbing – sa mahabang oras – sa taong makakakain o makakainum nito. Ang arnibal na ito ay karaniwang ginagamit ng mga taong hirap sa pagtulog dala ng insomnya, o dala ng karamdaman.

* * *

Makalipas ang isang oras, natagpuang muli ni Igme ang sarili sa gitna ng bukid, kasama ang mga kaibigan at magsasaka, maliban kay Krisanto na agad na inihatid sa kanilang tahanan matapos ang walang muwang niyang pagkitil sa buhay ng asawa. Tila ba wala si Igme sa kaniyang sarili nang tumulong siyang buksan ang malaking imbakan ng tubig para sa irigasyon. Malakas na dumaloy ang tubig nito at mabilis na inagos ang dugong nagmantsa sa lupa. Samantalang ang patay na katawan ng asawa ni Krisanto ay pansamantalang isinantabi muna.

Umiwas si Igme na tignan ang labi ng kaibigan nang ito'y alisin sa kauwang at pagtulungang balutin sa banig at buhatin upang isakay sa kahoy na bagon na nakakabit sa kabayo. Ito ay dadalhin sa yungib bago pa man sumikat ang araw. Ang katawan ng mga alay ay ililibing sa tagong lugar ng bundok Nayin. Doon ang magiging sementeryo ng mga taong isinakripisyo para sa barrio.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon