Chapter 11

1.4K 66 8
                                    

"Higpitan mo ang pagtatali n'yan," utos ni Berto kay Isko na nasa kabilang dulo ng kauwang.

Ang kauwang ay isang makipot na kawayang papag na may walong paa (apat sa ilalim at apat sa ibabaw). Malalaki ang uwang sa bawat pagitan ng kawayan. May pitong lubid na nakakabit sa gilid nito na itinatali ng pahalang upang manatili sa kauwang ang katawan (isa sa itaas, lima sa gitna at isa sa ibabang bahagi). Ito ang nagsisilbing higaan ng Lunayin sa tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan sa tag-init pagkatapos ng anihan. Kada taon, gumagawa ng bagong kauwang ang mga nakatalaga sa Lunayin.

"Mahigpit na po ito," tugon ni Isko nang hilain niya ang tali.

"Mabuti," sagot ni Berto at bahagya siyang dumistansya sa kauwang. Sumingkit ang kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ito. Ang mahinang apoy mula sa gaserang nakasabit sa gitna ng hilerang kahoy na kisame, na tanging liwanag sa loob ng kamalig, ay hindi sapat upang makakita ng wasto si Berto. Dala ng katandaan, ramdam na niya ang unti-unting panlalabo ng kaniyang mga mata.

"Gusto n'yo ho ba ng flashlight?" biglang tanong ni Isko. "Mukang nahihirapan na kayo sa dilim."

"Hindi na. Nakakakita pa ako," mabilis na sagot ni Berto. "Hindi natin kailangan ng sobrang liwanag. Makakaakit lamang tayo ng atensyon ng iba." Paliwanang niya.

"Pero nasa gitna naman tayo ng bukirin at gabi na. Wala ng makakapansin pa sa atin."

"Isko," sumimangot si Berto nang sambitin ang pangalan ng binata, "hindi mo pwedeng ikatwiran 'yan. Hindi mo pwedeng salungatin ang mga bagay na nakagawian na. May dahilan kung bakit hindi tayo pwedeng gumamit ng sobrang liwanag sa gabi ng preparasyon. May dahilan ang lahat ng mga ginagawa natin. Sinusunod natin ang tradisyon ng ating mga ninuno dahil ito ang makakabuti para sa atin. Maaaring hindi masyadong naipaliwanag ng mga sinaunang matatanda ang dahilan ng lahat, pero para sa kapakanan natin ang mga sakripisyong ginawa at inialay nila. Kaya huwag mong matangka-tangkang suwayin ang tradisyon kung totoong pinapahalagahan mo ang pagpapakasakit ng ating mga ninuno."

Natahimik sandali si Isko at napatingin na lamang sa kauwang.

"Eh, mayroon pa ho ba tayong gagawin?" nag-aalangang tanong ni Isko.

"Ang mga kandila ba? Handa na?" katanungan naman ang tugon ni Berto.

"Na kina Manang Rita ho ang mga kandila. Pasensiya na ho at hindi ko nakuha kanina." Napakamot si Isko sa ulo niyang walang buhok.

"Pumunta ka bukas sa bahay at kunin mo," kunot noong utos ni Berto.

"Opo."

"Umuwi ka na at ako nang bahala rito."

Kinuha ni Isko ang flashlight na nakapatong sa lamesang nasa gilid ng kamalig.

"Sige ho, aalis na ho ako," pamamaalam ni Isko.

Nang mag-isa na si Berto sa loob ng kamalig, siya ay naupo sa ginawang kauwang. Bahagyang niyugyog ang papag upang makita ang tibay nito. Nang siya ay kuntento na sa ginawang kauwang, nilingon niya ang gulok na nakasiksik sa gilid ng dingding. Tumayo si Berto at kinuha ito, at ipinadaan ang talim nito sa nakausling kahoy.

"Hindi pa sapat ang talim. Kailangan ko pa itong hasain," bulong niya sa sarili.

Kinuha ni Berto ang gasera sa kisame at saka lumapit sa lamesa. Dito, inilapag niya ang ilaw at ang gulok. Kinuha niya mula sa ilalim ang batong panghasa at saka inilapag sa lamesa katabi ang pitset ng tubig. Sa tahimik na kamalig, nagsimula ang marahang ingay ng metal na maingat na ikinikiskis ni Berto sa bato.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon