Chapter 21

1.4K 60 12
                                    

Inilapag si Melba (na walang saplot pang-ibaba) sa kauwang na naghihintay sa gitna ng bukid. Sa kaniyang biglang paghiyaw, hindi maitatago ang sakit ng paglapat ng kaniyang katawan sa papag sakabila ng pagiging maingat ng mga tao sa pagbaba sa kaniya.

Hindi man nais ni Lisa'ng saksihan ang paghihirap ni Melba, wala siyang magawa kung hindi ang manatili roon at panoorin ang panganganak nito. Ito ang bilin ni Berto – ang hintayin ang pagluwal ng sanggol ni Melba.

Hiniling ni Barbara sa asawa ang pagsagip sa sanggol kung ito'y lalaki.

Inuusig siya ng kaniyang konsensya, kaya naman iyon ang nakita niyang paraan upang kahit papaano'y makabayad sa buhay na sapilitang isasakripisyo para sa kaniyang kaligtasan. Nais ni Barbara'ng mabigyan ng maayos na buhay ang sanggol ni Melba kung ito'y mabibigyan ng pagkakataong mabuhay. At maaari lamang iyong mangyari kung ang sanggol ay isang lalaki.

Tulad ng mga kalalakihang nakapaligid sa Lunayin. Si Lisa ay maysoot ring itim na balabal. Tanda ng pakiki-isa niya sa tradisyong kinasanayan na hindi niya ninais na saksihan. Subalit imbes na nakasinding itim na kandila ang kaniyang hawak, malinis na puting lampin at pranela ang nasa kaniyang mga kamay.

Noon niya naisip na siya ay mapalad sa kabila ng pagiging mahirap, sapagkat hindi niya mararanasang maging Lunayin – ang isakripisyo ang buhay, na karaniwang ginagawa sa mga kababaihan ng may-kayang angkan sa Lunangayin.

Makalipas ang tatlumpung minuto, kasabay ng malakas na sigaw ni Melba, pumutok ang panubigan nito. Umagos sa pagitan ng kaniyang mga binti ang tubig na nanggaling sa loob ng kaniyang katawan, at ito'y mabilis na pumatak sa lupa. Kasunod nito'y dugo. At ang mga sumunod ay ungol at hiyaw ni Melba na nagdulot ng kilabot sa tahimik na bukid.

Pilit na tinatagan ni Lisa ang sarili upang manatiling nakatindig sa kaniyang lugar. Ang bawat iyak ng paghihirap ni Melba ay para bang punyal na bumabaon sa kaniyang dibdib. Ibig niyang takpan ang kaniyang mga tainga at ipikit ang kaniyang mga mata, ngunit hindi maaari. Kailangan niya ang mulat na diwa upang mapaghandaan ang susunod na mangyayari.

Makalipas ang sumunod na dalawampung minuto, nasaksihan ng lahat ang pagluwal ni Melba ng kaniyang supling. Ito ang unang beses ni Lisa na makakita ng nanganganak, kung kaya't labis ang kaniyang kaba at hindi niya malaman ang gagawin. Ito ang dahilan upang panandaliang mawaglit sa isipan ni Lisa ang pakay ng pagsagip sa sanggol kung ito'y lalaki.

Hindi naging maagap si Lisa. Hindi niya nagawang lapitan agad ang sanggol nang ito'y tuluyang lumabas. Kung hindi dahil sa tapik ng katabi sa kaniyang balikat, hindi pa niya magagawang puntahan ang supling ni Melba na sumubsob na ang mukha sa kauwang. Bagama't hindi lumusot ang ulo't katawan nito sa pagitan ng uwang ng papag, ang noo naman nito'y tumama sa matigas na kahoy na kaniyang ikinasugat.

Saglit na pinagmasdan ni Lisa ang tahimik at hindi gumagalaw na bata. Labis ang kaba niya sa dibdib nang makita ang sariwang dugong lumalabas sa noo nito. Yumuko siya at nanginginig na inangat ang sanggol. Sakabila ng mainit nitong katawan, hindi mawari ni Lisa kung ito'y buhay pa.

Agad niyang tinignan ang ari nito. At nang makumpirmang ito'y lalaki, tulad ng turo ng matandang kumadrona, agad niya itong ibinalot sa pranela. Kinuha niya ang duguang inunan ng bata na muntik nang malaglag sa lupa. Ipinatong niya ito sa tiyan ng sanggol at mabilis na pinaikutan ng lampin. Matapos punasan ni Lisa ang mukha ng bata, mabilis na inilayo ito kay Melba.

Rinig ni Lisa ang pagod na tinig ni Melba ng siya'y tawagin. Hindi niya ito nilingon, bagkus ay mas binilisan pa niya ang paglalakad palayo. Ito ang bilin ng amo niyang si Berto, ang agad na ihiwalay ang bata sa ina nito.

Nag-uunahan ang mga paa ni Lisa sa pagtahak ng daan pabalik sa tahanan ng kaniyang mga amo. Tanging ang liwanag lamang ng bilog na buwan ang siyang tumatanglaw sa madilim na daanan kung kaya't makailang beses siyang kamuntikan ng matisod.

Ang takot niya sa pag-aalalang wala ng buhay ang sanggol ay biglang napawi nang ang bata ay biglang umiyak at gumalaw. Hindi niya batid kung ito ba'y dahil sa pagkatagtag ng sanggol sa bilis ng kaniyang paglalakad, o ang kamuntikan niyang pagkatisod, o ang hapdi ng sugat nito sa noo.

Nang marating ang bahay, nadatnan niya sa sala si Barbara hawak ang pulang rosario habang nakaupo sa sofa at tahimik na lumuluha. Hindi maitago ang gulat sa mata ni Barbara ng makita ang sanggol sa malusog na bisig ni Lisa. Agad na inilapag ni Barbara ang rosario sa tabi't pinahid ang basang mukha bago tumayo't kinuha ang nanginginig na sanggol na mahinang umuuha.

Inutusan niya si Lisa'ng kumuha ng malinis na tubig, labakarang ipangpupunas at tuwalyang ipambabalot sa katawan nito, habang pinagmamasdan niya ang sugat ng bata sa noo na bahagya na lang ang pagdurugo. Agad namang sumunod si Lisa at iniwan si Barbara. Pagbalik niya sa sala, dala ang timba ng tubig at mga malinis na pamunas, laking gulat niya nang makitang pumasok sa loob ng bahay ang dalawang anak ng amo. Hayag sa mukha ng dalawang bata ang kalituhan at takot.

Ramdam ni Lisa ang kaba sa tinig ni Barbara nang tanungin nito ang mga anak kung anong nangyari sa kanila at kung saan sila nanggaling.

"Sa bukid po, inay," balisang sagot ni Nina habang nakatingin sa sanggol na buhat ni Barbara. "Nakita namin ang nangyari kay Melba."

Tila ba nanlambot ang mga tuhod ni Barbara sa narinig. Siya'y napaupo sa sofa at saglit na natulala. Ang sanggol sa kaniyang mga bisig ay bumagsak sa kaniyang kandungan.

"Ante! Ang bata!" sigaw ni Lisa sa pagkabigla.

Para bang natauhan si Barbara sa narinig. Mabilis na kumilos ang kaniyang mga kamay upang yakapin ang umiiyak na sanggol. Alam ni Lisa na sa mga sandaling iyon, magulo ang isip ng kaniyang amo, kung kaya't mabilis niyang nilapitan si Barbara. Nang mailapag ni Lisa ang dalang timba, kinuha niya mula sa umiiyak na amo ang umiiyak ring sanggol.

"Inay, pasensya ka na kung lumabas kami ng walang paalam," mahinang sabi ni Nina sabay haplos sa likuran ng kaniyang inang napayuko na lamang. Ang pagkabalisa ng bata ay tila ba napalitan ng awa sa ina. "Naisip kong sundan si itay sa bukid para alamin ang nangyayari. Ayaw magpaiwan ni Luna mag-isa rito sa bahay kung kaya't sinama ko na siya."

Dahan-dahang ibinaling ni Barbara ang kaniyang mga basang mata kay Nina. "Nakita mo ba, anak? Nakita n'yo ba ng kapatid mo ang... ang..." hindi maituloy ni Barbara ang nais sabihin. Napayakap na lamang siya sa panganay na anak nang ito'y tumango at sumagot ng opo.

Ibinaling ni Lisa ang atensyon sa kargang sanggol. Bagamat ang kaniyang damdamin ay nananangis sa nasasaksihang emosyol na paghihirap ng pamilyang kaniyang pinagsisilbihan, batid niya ang kagyat na aruga na kailangan ng bata. Kung kaya't pinilit niya ang sariling isantabi ang kalungkutan at ipako ang pag-iisip sa pangangailangan ng isang maliit na buhay sa kaniyang mga kamay.

Naupo siya sa kabilang dulo ng sofa at inilapag niya rito ang umiiyak na sanggol, at saka dahan-dahang tinanggal ang lampin at pranelang nakabalot dito. Matapos malinisan ang katawan ng bata, ibinalot niya ito sa tuwalya, at isinunod na linisan ang inunan na nakakabit pa sa pusod ng sanggol. Matapos itong hugasan, ibinalot rin ito sa tuwalya at itinabi sa bata.

"Ante," mahinang tawag ni Lisa kay Barbara. "Ihahatid ko na ang sanggol sa kapatid ni Rita. Kailangan ng bata ang gatas." Tumingin si Barbara kay Lisa at marahan itong tumango. Ang pansamantalang pagpapaaruga sa sanggol ni Melba sa nagpapasusong kapatid ni Rita ay kasama sa binuong plano ni Berto.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon