Chapter 3

1.9K 91 21
                                    

Malalim na ang gabi ng marating nina Luna ang Lunangayin. Ginising niya ang mga kaibigang nakatulog na sa mahabang biyahe.

"Narito na ba tayo?" inaantok na tanong ni Randy.

"Ito na ba ang inyo?" hikab na tanong ni Sabel.

"Oo, eto na ang lugar namin," sagot ni Luna. "Halina kayo. Bumaba na tayo at pumunta na sa bahay. Itay, mauna na po kami," paalam niya sa ama.

Bumaba ng sasakyan ang magkakaibigan, dala-dala ang kanilang mga gamit. Nang aktong kukunin ni Marvin ang isang maleta ni Luna, pinigilan siya ng ama nito.

"Ako na d'yan, iho," sigaw ng matanda sa harapan ng jeep. "Pumasok na lang kayo sa bahay nang makapahinga na."

"Pero mabigat po ang mga ito," tugon ni Marvin. "Tulungan na po namin kayo."

"'Wag kang mag-alala't kayang-kaya ko na ang mga 'yan," sagot ng lalaki.

Hindi na nagpumilit pa si Marvin, nang yayain siya ni Luna, sumunod na rin ito.

Pinangunahan ni Luna ang daan patungo sa kanilang tahanan na hindi masyadong kalayuan sa hinintuan ng jeep. Tanging ang maliit na flashlight niyang dala ang nagbibigay liwanag sa madilim nilang paligid.

"Bakit walang mga ilaw sa paligid?" bulong na tanong ni Sabel. "Brown-out ba?"

"Walang kuryente rito," mahinang sagot ni Tina. "Hindi ba nabanggit na sa'tin 'yon ni Luna?"

"Ha? Akala ko nagbibiro lang siya," napakamot sa ulo si Sabel, at ang clip sa maiksi niyang buhok ay nalaglag. "Hala, yung clip ko."

Tinanglawan ni Luna ng ilaw ang paanan ni Sabel. Saglit na huminto ang magkakaibigan upang hayaan si Sabel na damputin ang nahulog na gamit. Sa kaniyang pagyuko, nagulat na lang ang magkakaibigan nang biglang napatili ito.

"Bakit?" nag-aalalang tanong ng kasintahang si Randy, sabay hawak sa braso ni Sabel. "Ano 'yon? Bakit ka biglang sumigaw?"

"Kasi... kasi..." nanginginig na sagot ni Sabel. "May nakita akong... buto... buto ng daliri sa lupa," sabi niya, sabay yakap kay Randy.

"Ha? Saan?" tanong ni Randy. Ang boses niya ay para bang may halong pagdududa.

Nagmamadaling nilapitan  ni Luna si Sabel.

"Naku, Sabel, 'wag kang matakot. Siguradong maliit na sanga lang ang nakita mo," wika niya. "Minsan kasi, yung mga maliliit na sanga ng puno na nalalaglag ay para bang mga buto ng daliri." Inilawan ni Luna ang mga punong nakapaligid sa kanilang bakuran.

"Pero –" putol na sagot ni Sabel.

"Oh ayan, 'wag ka na matakot. Sanga lang pala nakita mo," sabi ni Randy sabay turo sa mga malalapit na punong iniilawan ni Luna. "Antok ka na siguro masyado kaya kung anu-ano na ang nakikita mo. Halika na nga."

Naglakad muli ang magkakaibigan. Saglit lang at narating din nila ang beranda ng bahay. Hinila ni Luna ang screen ng pintuan, at nang buksan niya ang pintuang kahoy, ang langitngit nito'y umalingawngaw sa paligid.

"Pasensiya na ha. May kalumaan na itong bahay namin kaya maingay na ang pinto," sabi ni Luna. "Halina, pasok kayo. Iwan n'yo na lang dito sa beranda ang mga sapatos n'yo."

Sumalubong sa magkakaibigan ang mga nakasinding kandila sa parihabang lamesa sa gilid ng pintuan. Bukod sa iniilawan nito ang malaki at makalumang salamin na nakakabit sa pader, nagbibigay liwanag din ito sa maikling pasilyong patungo sa sala.

Marahang tinungo ng lima ang sala. Ramdam ni Luna ang pag-aalinlangan ng apat nang makapasok ito sa kanilang tahanan.

"'Wag kayong matakot. Luma lang itong bahay namin pero hindi ito haunted house," nangingiting wika ni Luna matapos ilapag ang nakasinding flashlight sa lamesita at sindihan ang dalawang nakapatong na kandila rito.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon