Chapter 15

1.4K 76 19
                                    

Gulung-gulo ang isipan ni Luna sa mga sandaling iyon. Hindi niya lubos maisip ang pagtalusira ng kaniyang mga magulang sa ipinangakong hindi mapapahamak ang mga kaibigan. Pinagsisisihan niya ang lubos na pagtitiwala sa ama. Hindi niya inaasahan na sa likod ng magiliw na pag-uudyok nito sa kaniya na imbitahan ang mga kaibigan sa kanilang barrio ay may natatago pala itong malagim na motibo.

"Anak," marahang wika ni Barbara.

Ang malungkot na mukha ni Barbara ang nakita ni Luna nang tingnan niya ang inang nakatayo sa may bukas na pintuan.

"Patawarin mo kami sa nagawa naming ito," dahan-dahang lumakad papalapit si Barbara kay Luna. "Ngayon ang taon ng aking ika-apatnapung kaarawan. Sa tradisyon, ako ang nakatakdang ialay ngayong kabilugan ng buwan."

"Hindi ko maintindihan," pagtatakang tanong ni Luna. "Hindi ba't may pumalit na sa inyo bilang Lunayin? Hindi ba't mayroon nang inialay para kayo ay maligtas walong taon ng nakalipas?"

"Anak, hindi naging sapat ang inialay noon, sapagkat ang isinilang niyang sanggol ay lalaki."

Hindi naging malinaw kay Luna ang tungkol dito, sapagkat walang nagpaliwanag ng bagay na ito noon sa kaniya.

"Eh anong gusto n'yong mangyari ngayon, inay? Isakripisyo ang buhay ng mga kaibigan ko nang dahil sa tradisyon na 'yan?" pigil ang galit sa tinig ni Luna. "Bakit ang mga kaibigan ko pa?" patuloy ang pagpatak ng luha mula sa kaniyang mga mata.

Natigilan si Barbara. Matamlay na pinagmasdan sina Tina at Sabel sa tabi ng anak na nakaupo sa gilid ng kama.

"Ang sabi ng iyong ama, nasa wastong edad na kayo upang makibahagi sa ating tradisyon. At ang pagbibigay ng alay sa itinakdang araw ay parte nito."

"Ngunit hindi ko gustong magpartisipa!" pasigaw na sabi ni Luna. "Hindi ko gustong makibahagi sa pangit nating tradisyon!"

"Huminahon ka, anak," pag-aalalang wika ni Barbara. "Baka may makarinig sa'yo," mabilis na lumingon si Barbara sa bukas na bintana, "maaari tayong mapahamak sa mga sinasabi mo."

Naintindihan ni Luna ang ibigsabihin ng ina. Gusto man niyang ipagsigawan ang mariing pagtutol, hindi niya maaaring gawin iyon. Ikapapahamak ng buong pamilya niya ang hindi magandang salita laban sa tradisyong kinamulatan nila na ipinamana ng kanilang mga ninuno.

Lumuhod si Barbara sa harapan ni Luna at hinawakan ang mga kamay nito.

"Ang pamilya natin, at ang mga tao rito sa barrio ay obligadong gampanan ang tungkulin sa tradisyon. Ang sinumang sumuway rito ay makatatanggap ng malagim na kaparusahan," pabulong niyang paliwanag.

"Pero hindi ba't mali ang ginagawa nating ito? Buhay ng ibang tao ang kinukuha ng ating lugar taun-taon. Kapalit ng ano? Nang masaganang ani? Nang magandang lupa? Nang maayos na pamumuhay na maibibigay nito sa atin?" mariing tanong ni Luna sa mahinang boses. Hinugot ni Luna ang mga kamay sa kapit ng ina at pinunasan niya ang mga basang mata. "At bakit ninyo ako nilinlang? Ngayon, kasalanan ko ang lahat. Ipinahamak ko ang buhay ng mga kaibigan ko."

"Anak," hinawakan ni Barbara ang tuhod ni Luna.

"Ako na lang, inay. Ako na lang ang inyong ialay. Mas gugustuhin kong isakripisyo ang sarili kong buhay para mailigtas ka... at ang aking mga kaibigan." Umiwas ng tingin si Luna sa kaharap.

"Anak ko..." maluha-luhang wika ni Barbara.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon