Chapter 7

1.5K 82 7
                                    

Matapos kumain, tinanong ni Luna ang mga kaibigan kung gusto na nilang umalis at bumalik na sa bahay.

"Maya-maya na lang, Luna," simpleng sagot ni Randy. "Tara, lusong uli tayo," yaya niya sa mga kaibigan sabay tayo.

Sumunod sina Marvin at Tina, samantalang naiwang nakaupo sa batuhan si Sabel. Pinili na lamang ni Luna'ng manatili sa tabi ni Sabel, at pinagmasdan ang mga kaibigang naglalanguyan sa tubig ng talon.

"Ayos ka lang ba?" tanong ni Luna.

"Hindi ko alam," alanganing sagot ni Sabel habang nakatingin sa kasintahang nakikipaglaro sa tubig. "Pasensiya na, Luna, sa inasal ko. Umiral na naman ang pagkamatatakutin ko."

"Naiintindihan ko," tugon ni Luna. "Nasa malayo at hindi pamilyar na lugar kayo, natural lang na pagdudahan mo ang paligid mo. Yung nakita mo kanina –"

"Yung taong nagmamasid sa atin na nagtatago sa kakahuyan?" mabilis na sagot ni Sabel. "Nagkamali ako nang pag-isipan ko ng masama ang nakita ko. Wala naman sigurong masamang intensyon yung tao. Maaaring napadaan lang yun at napasilip sa atin, o kaya, baka plano niya ring maligo sa talon, kaya lang nung nakitang may ibang tao rito ay pinili na lang niyang hindi tumuloy."

"Iyan din ang nasa isip ko, Sabel," sagot ni Luna. "May mga ilang bahay din kasing nakatirik malapit sa bundok. Baka yung mga nakatira don ay napadaan lang dito, o kaya'y gusto rin nilang maligo kaya lang hindi na nila naisipang lumapit pa dahil nakita tayo."

"Iyon nga siguro ang dahilan," mahinang sabi ni Sabel.

"Sabel, Luna!" sigaw ni Randy sabay kaway. "Halina kayo rito."

Tumingin si Luna kay Sabel. "Gusto mo pa bang lumusong sa tubig?"

"Hmmm," nag-isip sandali si Sabel. "Hindi na. Doon na lang siguro ako sa may gilid," sagot niya.

Binaybay ng dalawa ang pampang – palapit sa mga kaibigan – at naupo sila sa may batuhan sa gilid ng tubig. Bagamat gusto pa sanang maligo ni Luna, pinili na lamang niyang tabihan si Sabel at panoorin ang pagtatampisaw nina Marvin, Tina at Randy.

Pasado alas-singko na ng hapon nang umalis ang lima sa talon. Matapos nilang magpalit ng damit sa kakahuyan, tinahak nilang muli ang daan pabalik sa pick-up.

"Ako na lang ang magmamaneho," sabi ni Luna kay Marvin habang naglalakad. "Alam kong pagod ka kakalangoy kaya magpahinga ka na lang."

"Uhm... osige," maikling sagot ni Marvin.

Pagod na naupo ang mga kaibigan ni Luna sa sasakyan, at tahimik ang lahat nang sila'y maglakbay pabalik ng barrio.

Bagamat may kaunting liwanag pa ang paligid ng marating nila ang lugar nina Luna, tanaw na tanaw sa bakuran ang maliwanag nilang bahay.

"Parang may kuryente na sa inyo ah," sabi ni Marvin pagkalabas ng sasakyan.

"Maliwanag kasi yung gamit naming gasera," sagot ni Luna. "Yung coleman."

"Ah, coleman pala ang gamit n'yo," sabat ni Randy.

"Alam mo 'yon, Randy?" tanong ni Marvin.

"Hinde," pilosopong sagot ni Randy.

Nagtawanan ang magkakaibigan sa kakulitan ni Randy habang papasok ng bahay. Ulti mong si Sabel na parang wala sa mood kanina ay medyo nakikitawa na rin. Pagdating sa loob, pasimple silang sinaway ni Tina.

"Magandang gabi po," sabay-sabay na bati nina Marvin, Tina, Randy at Sabel sa pamilya ni Luna na abala sa paghahain ng hapunan.

"Magandang gabi rin naman," sagot ng ama ni Luna.

"Halina kayo rito at magsi-upo," anyaya ng ina ni Luna. "Mauna na kayong kumain at nang makapahinga ng maaga."

Nang umalis sa hapag-kainan ang mag-asawa kasama ang batang si Lino, naupo na ang magkakaibigan sa lamesa, doon biglang naalala ni Randy ang telepono.

"Luna, paano nga pala yung telepono namin ni Marvin? Pwede na ba kaming magcharge?"

"Oo nga pala, akin na at nang maikabit ko na sa baterya."

"Uy, Marvin," kinalabit ni Randy ang katabi. "Yung phone daw natin."

"Ay, teka lang at kukunin ko sa itaas," sabi ni Marvin.

Matapos maikabit ni Luna ang telepono nina Marvin sa baterya, bumalik siya sa hapag-kainan dala-dala ang cellphone nina Tina at Sabel. Nang maiabot ito sa dalawa, sabay-sabay na silang kumain.

Matapos ang hapunan, nauna nang umakyat ng kuwarto ang apat. Naiwan si Luna sa kusina upang tulungan ang ina sa pagliligpit.

"Inay," mahinang wika ni Luna habang pinagpapatong-patong ang mga gamit na pinggan. "Kanina sa talon. Nakita ko si Mang Tonio, nagtatago siya sa may kakahuyan. Sinisilip niya ang mga kaibigan ko habang nasa tubig."

Gulat na napatingin ang ina ni Luna sa kaniya.

"Meron ho ba kayong itinatago sa akin na dapat kong malaman?" tanong ni Luna. "Hindi ho ba't si itay na mismo ang nagsabi sa akin noon pa na wala akong dapat ipag-alala sa pagbisita ng mga kaibigan ko rito sa'tin?"

"Ah... oo naman," palunok na sabi ng kaniyang ina. "Hindi mo dapat pinag-iintindi 'yang si Tonio. Hamo't sasabihin ko sa itay mo ang tungkol diyan." Kinuha niya ang mga pinggan sabay talikod sa anak.

"Tapos na kayo sa pag-aani sa ikatlong araw, hindi ba?" tanong ni Luna. "Siguradong abala na ang mga tao para sa paghahanda sa kabilugan ng buwan."

"Kaunti na lang ang gagawin sa bukirin kaya matatapos na ang anihan bukas," bulong ng ina. "At naghahanda na rin ang mga tao para sa kabilugan ng buwan, dalawang araw mula ngayon."

"Ha?" gulat na tugon ni Luna. "Hindi ba't sa ikaapat na araw pa ang kabilugan?"

"Hindi," salungat ng ina. "Abente y siete na ngayon ng Marso. Sa abente y nuebe na ang kabilugan ng buwan."

"Hala, nawala sa isip kong abente y siete na ngayon. Akala ko'y..." napailing na lang si Luna. Dala ng laging pag-iisip tungkol sa nalalapit na paghihiwalay nilang magkakaibigan, at ang paglipat niya ng bagong eskwelahan, hindi na niya namalayan ang petsa. Bago pa man sila umalis ng Maynila, mali na pala ang bilang niya ng araw. "Kailangan ko na pa lang mapauwi ang mga kaibigan ko."

"Sa ikalawang araw mo na lang sila pauwiin para makapamasyal pa kayo bukas. Alam kong ikakalungkot mo ang paglayo sa kanila kaya sulitin mo na ang araw na kasama mo pa sila. Pagsikat ng araw sa makalawa, o makatapos makapananghalian non, maaari mo na silang ihatid sa terminal," mungkahi ng ina. Maingay na kumalansing ang mga plato at kutsara sa lababo.

"Osige, inay. Sa makalawa ko na lang sila papaalisin," sang-ayon ni Luna. "Maaari ho bang kausapin ni itay si Mang Tonio na layuan ang mga kaibigan ko? Natakot ho kasi si Sabel ng makita niya si Mang Tonio na nagtatago sa kakahuyan."

"Oo, sasabihin ko sa itay mo."

"At saka nga pala, inay," banggit ni Luna. "May nakita akong buto ng daliri kanina sa bakuran." Lumingon ang ina at tiningnan si Luna. Ikinuwento ni Luna ang pangyayari nung gabi ng makita ni Sabel ang buto hanggang sa makuha niya at ibinulsa ito. "Nagkaroon ako ng pagkakataong maitapon 'yon sa may talon kanina," dagdag pa niya.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon