Chapter 9

1.5K 82 24
                                    

"Nakita ni Luna kahapon si Tonio," kuwento ni Barbara habang ang kaniyang asawa ay sumisipol at nagtatawag ng hangin. Sila'y nakaupo sa beranda habang nilalaro ni Lino ang mga maliliit na sanga sa lapag. "Nagtatago siya sa kakahuyan habang pinagmamasdan ang mga bata sa talon. Natakot ang kaibigan ni Luna nang makita niyang may sumisilip sa kanila mula sa kakahuyan. Bakit kailangang gawin ni Tonio iyon? Hindi na lang siya maghintay sa itinakdang araw. Nagdududa tuloy ang anak natin sa motibo ng matandang iyon."

"Ano ang inirason mo kay Luna?" mahinang tanong ni Berto. "Sana sinabi mo na lang na napadaan lang si Tonio roon."

"Hindi ko sinabi iyon. Dahil kung tutuusin, nakakapagtakang mapadaan siya roon gayong dapat ay nasa bukid siya. Baka maisip lang ni Luna na pinagtatakpan ko si Tonio at mayroon tayong hindi sinasabi sa kaniya." Dinampot ni Barbara ang abaniko sa kaniyang tabi at nagsimulang magpaypay. Sa saglit na pagtahimik ng mag-asawa, narinig nila ang mahinang bulol na pagkanta ni Lino.

Ayina ta bukid tayo madmasid

Ta lilim na bwan tao nilaan

Babaen maputi ta lupa tinabi

Pan maddilid na pulan tubid

"Lino!" inis na tawag ni Barbara sa anak. Ang isinarang abaniko ay ipinangturo sa bata. "Hindi ba't sinabi ko na sa'yong huwag mong kakantahin 'yan?"

Nagtatakang lumingon ang bata sa kaniya.

"Pero bat, nay?"

"Hindi ba't sinabi ko na sa'yo na hindi maganda ang kantang 'yan?" pinandilatan ni Barbara ng mata ang anak. "Sino bang nagturo sa'yo n'yan?"

"Dinid ko lan ta mana bata ta bukid."

"'Wag mong gagayahin ang mga batang 'yon! Ayoko nang marinig na kinakanta mo 'yan ha?"

Tila ba natakot si Lino sa tinuring ng ina kung kaya't tumango na lamang siya at tahimik na tumayo't pumasok sa loob ng bahay dala ang mga maliliit na sanga. Samantalang sa isip ni Barbara, bumalik ang mga ala-ala noong panahong bata pa lamang siya at naglalaro sa bukid kasama ang mga kaibigan. Sabay-sabay nilang kinakanta ang awiting pambata na hindi batid ang nakakabahalang kahulugan nito.

Halina sa bukid tayo'y magmasid

Sa lilim ng buwan tao'y inilaan

Babaeng maputi sa lupa'y tinabi

Upang magdilig ng pulang tubig.

Pilit na iwinaksi ni Barbara sa isipan ang awitin. Ipinikit niya ang mga mata at huminga ng malalim.

"Barbara," nagulat si Barbara at napamulat sa tawag ng asawa. "Anong nangyayari sa'yo?" tanong ni Berto.

"Ah, may naisip lang ako," sagot ni Barbara, ngunit hindi na niya sinabi pa ang tungkol sa kanta. "Siya nga pala, nabanggit din ni Luna na noong unang gabi ng mga kaibigan niya rito, may nakitang buto ng daliri ang kaibigan niya d'yan sa daan. Kinabukasan nung makita iyon ni Luna, kinuha niya ito at palihim na itinapon sa talon. Paano naman nagkaroon ng buto rito sa bakuran natin?" pagtatakang tanong ni Barbara. "Kailan mo ba huling nabisita ang yungib sa Nayin?"

"Noong nakaraang linggo lamang," bumaling sa malayo ang tingin ni Berto. "Maayos naman ang yungib at wala namang mga butong nakakalat."

"May kasama ka bang nagpunta roon?" ibinaba ni Barbara ang abaniko sa kaniyang kandungan.

"Si Lino, ang kaibigan niyang si Juan at kuya nitong si Isko. Pero binilinan ko ang dalawang bata na huwag pumasok sa loob. Kaya naman naglaro lang sila sa labas at kami lang ni Isko ang naglinis ng yungib. Matapos non, sabay-sabay na kaming umuwi."

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon